Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 31

3/30/2020

Comments

 

tanglaw ng mga tala
​

​Sa panahong namalagi ako rito ay naranasan ko na ang pakikipaglaban. Ngunit kahit ilang ulit na ay hindi pa rin mawala ang takot at pag-aalala sa aking loob sa tuwing tutunog ang mga tambuli . . . sapagkat iyon ay hudyat din ng tiyak na pagpanaw ng kayraming mga mandirigma.
 
Tumungo kami ni Ridge sa itaas ng balay Parsua habang minamanmanan ang kabuuan ng Kaboloan.
 
“Apo Anagolay, dinggin ang aking ngalan,” sambit ko at matapos ang ilang sandali ay naramdaman ko ang pagdaloy ng kanyang kapangyarihan sa aking katawan.
 
Nagbago ang aking paningin at mula sa aking kinatatayuan ay tanaw ko ang aming mga hangganan. Mula sa mga kapatagang naghihiwalay sa Kaboloan at iba pang makapangyarihang nayon sa Timog ay mayroong mga hanay ng mandirigmang naglalakad patungo sa aming hangganan. At sa kanilang likuran ay ang wangis ng sisidlang aking nakasalamuha noon—si Ilati, isa sa mga natatanging sisidlan at ang punong katalonan ng Seludong.
 
Ayon kay Ridge, ang nayon ng Seludong ay ang kinikilalang Maynila sa kasalukuyan, at isa sa mga pinakamakapangyarihan sa Timog, sa ibabang bahagi ng ilog Pasig.
 
“Marahil ay nagkaroon na sila ng kasunduan ng nayon ng Tundun,” saad niya.
“Ang nayon ng Tundun? Hindi ba’t kaagawan nila ito sa pagsakop sa kabuuan ng ilog Pasig at look ng Maynila.”
“Siya nga. Ngunit sapagkat tatlong nayon ang naghahati sa likas-yaman mula sa ilog ay tiyak na hindi iyon sapat sa kanilang mga mamamayan.” Isang nakababahalang tingin ang ipinakita niya. “Kung kaya’t nais nilang mapalawig ang kanilang kalupaan hanggang ditto sa hilaga kung saan sagana sa yaman ang mga kabundukan at karagatan na ating pinaliligiran.”
 
Tiyak na hindi lamang iyon ang dahilan. Sapagkat batid ng kanilang natatanging sisidlan na iisa lamang ang maaaring mahirang sa luklukan. At sa pagitan ng mga namumuno sa kani-kanilang kalupaan, si Urduja ang mas mayroong pagkakataong maluklok dahil sa lawak ng kanyang nasasakupan.
 
At hindi niya iyon hahayaan.
 
Muli kong sinilayan ng tingin ang malayong kapatagan at mula sa kinatatayuan ng sisidlan at lakan ay nakita ko ang dalawang marka sa kanilang ulunan—ang ulan at kabundukan.
 
Batid kong ang kanyang pintakasi ay si Anitun Tabu, ang diyosa ng hangin at ulan. Ngunit sino ang pintakasi ng lakan?
 
“Sisidlan.”
 
Halos malaglag ako mula sa aking kinatatayuan nang bigla na lamang maghayag ng kanyang hilagyo si Bulan.
 
“A-apo Bulan.”
 
Nang sambitin ko ang kanyang ngalan ay tila naligalig si Ridge at lumingun-lingon sa aming paligid, na tila hinahanap ang diyosang aking sinambit.
 
“Tiyak na ang kanyang pintakasi ay si Dumakalem,” ani ni Bulan habang nakatingin sa kalayuan.
“Dumakalem?”
“Ang kapatid ni Anitun Tabu.”
 
Agad akong napatigil nang aking madinig ang kanyang sinabi at muli kong naalala ang nangyari sa amin ni Urduja. Tulad nina Apo Init at Bulan, magkapatid din ang mga pintakasi ng sisidlan at pinuno ng nayon ng Seludong. Agad ko naman itong ibinahagi kay Ridge at ipinadala naman niya ang kaalamang iyon sa hukbo ni Urduja gamit ang ibon.
 
“Ngayon ay malinaw na kung bakit nagamit nilang daanan ang kapatagan,” hayag ni Ridge.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Sinasamba rin ng mga Sambal ang diyosang iyon at bukod sa pagiging kasangga ng Namayan at Seludong, marahil ay ito rin ang isang dahilan kung bakit sila pinayagan ng mga taga-patag.”
 
Natanaw ko naman si Urduja malapit sa hangganan ng Kaboloan at Sambal, at kasama niya si Bagim, pati na rin ang halos limampung mandirigma. Huminto sila sa talampas kung saan kanilang matatanaw ang halos kalahatan ng kapatagan. Isa ring kalamangan ng pook na iyon ay ang pagkakubli nito mula sa paningin ng mga taga-patag kaya’t madalas na namamanmanan ng aming mga tagatanaw ang ikinikilos ng mga Sambal nang gawin itong moog ni Urduja.
 
***
 
Halos palubog na ang araw ngunit hindi pa rin kumikilos ang mga taga-Seludong. Tumigil sila sa paglalakad at nagtayo ng himpilan ng kanilang mga mandirigma. Sa kanilang kinapapahingahan ay marahil hindi iyon tanaw mula sa talampas, at malakas ang aking kutob na hindi iyon panaon lamang.
 
Bigla na lamang nanlabo ang aking paningin at agad akong napapikit. Naramdaman ko ang paglamya ng aking katawan at napagtanto ko na lamang na malapit na akong bumagsak mula sa itaas ng balay nang hatakin ako ni Ridge.
 
“Ayos ka lamang ba?” tanong niya.
 
Sa paghalukipkip ng aking mga mata ay nawala ang kapangyarihan ni Anagolay. Saka ko lamang napansin na buong maghapon ko nang gamit ang kanyang paningin.
 
“Tila naubos na ang aking lakas-hilagyo,” mahina kong tugon. “Isang malaking pagkakamali.”
“Magpahinga ka muna.”
“Ngunit—”
“Hindi sila susugod hangga’t hindi pa lumulubog ang araw,” sambit niya. “Mayroon pang ilang sandali upang ipahinga mo ang iyong sarili.”
 
Mayroon pa ring pag-aagam-agam sa aking kalooban lalo na’t nangako ako kay Urduja na ako’y kanyang maaasahan.
 
“Huwag kang mag-alala.” Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. “Alam ng Kaboloan ang iyong kakayahan at naniniwala sila sa iyong katapatan. Kaya’t magpahinga ka na, Cyrene. Sapagkat kailangan ng Hara at ng buong Kadayangan ay kapangyarihan ng sisidlan.”
 
Sa bawat salitang kanyang binitiwan ay unti-unti ring bumigat ang aking mga mata. Bago pa tuluyang mawala ang aking kamalayan ay natanaw ko sina Handiran at Iliway na hawak ang kanilang mga sandata habang nakatingin sa aking kinaroroonan.
 
“R-Ridge . . .”
 
At kasabay ng unti-unting pagdilim ng aking paningin, gumuhit sa aking isipan ang isang malagim na pangitain.
 
***
 
Kadiliman ang bumungad sa akin nang idinilat ko ang aking mga mata. Ramdam ko ang nakasusulasok na lamig ng hangin na tila may dalang panganib.
 
“Gising ka na pala,” mahinang sambit ni Ridge habang nakatanaw sa malayo.
 
Umayos ako sa aking pagkakaupo at mas gumaan ang aking pakiramdam kaysa kanina. Tila bumalik na ang lakas ng aking hilagyo at katawan.
 
“Ano na ang nangyari?” aking usisa.
“Wala pang pagkilos mula sa mga taga-Seludong,” tugon niya. “Tiyak na mayroon silang binabalak na kakaiba.”
 
Sinubok kong gamiting muli ang kapangyarihan ni Anagolay at aking namataan ang kakaibang pagkilos ng ilang mandirigma mula sa kanilang pook-pahingahan ngunit hindi ko ito maaninag nang mabuti. Tila bumagsak ang aking puso at nangilabot ang aking katawan nang matanaw ko ang kaganapang iyon.
 
Isang kahindik-hindik na alaala ang gumuhit sa aking isipan—ang pagdanak ng dugo sa gitna ng kadiliman.
 
“Ridge,” sabay hatak ko sa kanyang braso.
“Ano iyon?”
“Kakaiba ang aking kutob,” sambit ko. “Kailangan nating tumungo roon.”
“Ngunit—”
“Batid kong nais ng Hara na tulungan ko siya mula sa malayo upang matiyak ang aking kaligtasan . . . ngunit ako lamang ang nakakatanaw ng kanilang pagkilos.” Muli akong tumingin nang taimtim kay Ridge. “Kailangan niya ako sa kanyang tabi.”
 
Muli kong naalala ang tinuran ni Bulan noong nakaraan. Ang kanyang kapangyarihan ay nakasalalay sa yugto ng buwan. Tumingala ako at gasuklay lamang ang hugis nito. Ngunit mas mainam na ito kaysa bagong buwan.
 
Hindi man ganoon kalaki ang aking magiging tulong sa kanya, nais kong maging gabay sa kanyang tagumpay. Nais kong manatili sa kanyang tabi bilang kanyang babaylan at sisidlan.
 
“Pakiusap . . .”
 
Ilang sandaling nakatitig si Ridge sa akin at isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan.
 
“Masusunod, Apo Sayi.”
 
Agad siyang sumipol at ang kanyang putting kabayo ang sumalubong sa amin mula sa ibaba. Tinulungan niya akong bumaba at sinalubong naman kami nina Handiran at Iliway na nakabantay sa aking bawat galaw.
 
“Apo Sayi,” pagtawag ni Handiran. “Saan ka tutungo?”
“Sa Hara,” tugon ko.
“Ngunit ibinilin niyang—”
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi. “Huwag kayong mag-alala. Si Apo Bulan ang aking gabay.”
“Kung gayon ay tutungo rin kami—”
“Handiran, Iliway, nais kong manatili kayo rito sa Parsua at patuloy na magmasid.”
“Apo Sayi . . .”
“Ayon kay Magat,” sabay tingin ko kay Ridge, “maaaring sumugod ang ilan pang taga-Timog sa bahagi ng ating kagubatan o ‘di kaya’y sa karagatan. Nais kong ipagbigay-alam ninyo sa amin ang anumang kakaibang pagkilos, maliit man ito.”
 
Walang nagawa ang aking dalawang gabay kundi tumango. Tungkulin nila ang aking kaligtasan ngunit batid ko ring mas malalim ang kanilang ugnayan sa nayon kaysa sa akin bilang bagong punong babaylan.
 
Nang makasakay kami sa kabayo ay agad itong pinatakbo ni Ridge patungo sa talampas kung saan sila naroroon. Sa pamamagitan ng natatanging paningin ni Anagolay ay ako ang nagsilbing gabay sa aming daraanan.
 
“Ano na ang nangyayari?” bulong ni Ridge.
 
Nanigas ang aking mga balikat nang makita ko ang banhay nina Lakan Silang at Ilati na naglalakad sa bahagi ng kapatagang natatanaw mula sa talampas.
 
“T-tila magpapakita ang lakan at sisidlan sa Hara,” kunot-noo kong saad. “Ngunit bakit?”
“Silang dalawa lamang?”
Agad akong tumango. “Gayon nga. Ano ang kanilang binabalak?”
 
Mas bumilis ang aming takbo habang ramdam ko ang dagundong ng aking puso dahil sa kaba.
 
Naging alisto si Urduja at tumungo siya sa bungad ng talampas. Natanaw ko naman ang lihim na pagngiti ni Ilati at agad akong kinilabutan. Inihanda ko ang aking pana at patuloy na nagmasid sa maaari niyang ikilos.
 
“Binukot,” tawag ni Lakan Silang habang nakatingala sa kinaroroonan ni Urduja. “Kung nais mong maging mapayapa ang iyong nayon ay mayroon lamang akong isang kahilingan,” pasakdal niyang saad. “Ang ulo ng iyong sisidlan.”
 
Isang nakabibinging katahimikan ang pumagitna sa dalawang pinuno.
 
“Hara,” tugon niya. “Hindi lamang ako isang binukot kundi ang Hara ng Kadayangan ng Hilaga. Mangmang na pinuno lamang ang walang kaalaman tungkol sa kanyang mga karatig-nayon. At kung nais mo ang ulo ng aming babaylan, ay kailangan mo munang dumaan sa aking bangkay.”
 
Wala pang ilang sandali ay bigla na lamang tumulo ang dugo mula sa pisngi ni Urduja at maging ako ay nagitla sa nangyari.
 
Malagim na tingin ang isinukli ng lakan sa kanyang binitiwang mga salita at doon ko lamang napagtanto na siya ay napaliligiran ng matutulis na bato.
 
“Tunay ngang walang asal ang mga nilalang sa kabundukan,” sambit niya.
 
Agad na pinahid ni Urduja ang dugo sa kanyang mukha at inihanda ang kanyang kampilan.
 
“At tunay ngang asal hayop ang mga tampalasang taga-ilog,” pagbalik ni Urduja.
 
Sa isang iglap ay isang kaguluhan ang wumasak sa banhay ng aming mga mandirigma. Kasabay ng aming pagdating ay ang sabay-sabay nilang pagsigaw.
 
“Urduja!” hiyaw ko habang hindi makapaniwala sa aking nasaksihan.
 
Ang talampas na kanilang kinaroroonan ay bigla na lamang gumuho. At nang tinanaw kong muli sina Lakan Silang at Ilati ay paalis na sila sa kapatagan.
 
“At ang inyong pagbagsak ay katumbas lamang ng isang pitik,” sambit ng lakan. “Ang kapangyarihang ito ang nararapat sa luklukan.”
 
Habang sila ay pabalik sa kanilang himpilan ay sabay-sabay namang dumating sa kapatagan ang kanilang mga mandirigma at mamamana.
 
Agad kaming tumalon ni Ridge mula sa kabayo at tumakbo patungo sa gumuguhong talampas. Sinubok niyang tulungan ang mga mandirigmang nasa bingit ng pagkalaglag habang sina Urduja at Bagim ay pilit na tumatakas sa natitipak na kalupaan.
 
Bumuhos ang daluyon ng takot sa aking katawan at tila kusang kumilos ang aking isipan.
 
“Pawi, dinggin ang aking mithi!”
 
Umagos ang luha sa aking mukha habang tinititigan ang kaguluhan sa aking harapan . . . nang bigla na lamang may mga baging na lumitaw mula sa kalupaan at isa-isang iniikid ang mga mandirigma.
 
“Ridge!” sigaw ko at agad niyang naunawaan ang aking nais.
 
Kanyang hinatak ang mga baging patungo sa kanya ngunit muli na lamang akong napasigaw nang natipak ang lupang inaapakan ni Urduja bago pa man makarating ang baging.
 
“Urduja!”
“Prinsesa!” bulyaw ni Bagim at napatakip na lamang ako sa aking bibig nang putulin niya ang baging sa kanyang katawan. Tumalon siya patungo kay Urduja habang si Ridge ay patuloy na hinahatak ang mga mandirigma patungo sa ligtas na bahagi ng talampas.
 
Apo Bulan, paghikbi ko. Bigyan mo ako ng kapangyarihang magliligtas sa kanila. Pakiusap.
 
“Huwag kang mag-alala.” Napahalukapkap na lamang ako nang marinig ko ang kanyang tinig. “Pinili nilang kumilos ng gabing hindi bilog ang buwan sapagkat iyon ang panahong mahina ang aming kapangyarihan ni Init. Ngunit bukod sa akin, may isa pang nagtataglay ng kapangyarihan sa kadiliman.”
 
Dumagundong ang pagsigaw ni Ridge at napanganga na lamang ako nang makita ko ang marka sa kanyang ulunan. At kasabay niyon ay ang pag-angat ni Bagim habang nasa kanyang mga braso si Urduja.
 
“Tila mayroong bagong pintakasing maglilingkod sa ngalan ng Kaboloan,” dagdag ni Bulan.
 
Nabalot ng nakasisilaw na liwanag ang talampas at tuluyan akong naiyak nang makita kong marahang iniaangat ng bilugang liwanag ang mga mandirigma.
 
“Ang iligtas ang buhay ng iba kapalit ng iyong sarili ang pumukaw sa aking damdamin.” Isang marilag na babaeng kawangis ni Bulan ang lumitaw sa aming harapan. “Sa paglisan ng araw at buwan sa kalangitan, ako ang magsisilbing gabay sa kadiliman. Ikinalulugod kong ang kapangyarihan ko’y ipamahagi, bilang kanilang nararapat na pintakasi.”
 
At sa ulunan nina Ridge at Bagim ay magkawangis na marka ang sumilang—ang marka ng tala.

<< Kabanata 30
Kabanata 32 >>

Comments

Kabanata 30

3/11/2020

Comments

 

hudyat ng pagsisimula

Ilang sandali na ang nakalipas ngunit hindi ko rin alam ang gagawin. Marahil ay hapo na ang kanyang isip at katawan kung kaya’t hindi na niya kinaya.
 
Nakatulog na lamang si Ridge sa aking balay matapos niyang isalaysay ang aking tungkulin sa nalalapit na paggalaw ng Kadayangan ng Hilaga.
 
“Magpahinga ka muna,” mahina kong sabi at saka naglagay ng patungan sa kanyang ulunan.
 
Dumako ako sa bintana at muling tinanaw ang liwanag ng buwan at ng mga bituin sa kalangitan. Ramdam ko ang hanging tila pumipigil sa aking paghinga.
 
“Ang samyo ng dugo . . .” sambit ko.
 
Hindi man ganoon kalakas ay tila dinadala ng hangin ang tila bakal na amoy sa dugo. Isang hudyat na nagsisimula na ang pakikipaglaban ng iba’t ibang nayon upang mapalawig ang kani-kanilang sakop na lupain.
 
Muli akong napatingin kay Ridge at napangiti. Marahil kung hindi siya napunta sa panahong ito ay malabong manalo ang Kaboloan. Ang lawak ng kanyang kaalaman ang dahilan kung bakit unti-unting nakaaangat ang Kaboloan at ang mga nayong kasangga nito sa iba pa.
 
Tulad niya, nais ko ring makatulong sa kaunlaran at kaligtasan ng aming nayon.
 
Sa kailaliman ng gabi ay lumabas ako sa aking balay at nagtungo sa pusod ng gubat kung nasaan ang pook-dasalan. Agad akong napatigil nang makarinig ako ng ingay mula roon. Marahan akong nagtago sa likod ng puno at sumilip.
 
“Nalupoy!” (Mahina!) sigaw ni Anam kay Handiran habang nagsasanay sa pagkikipaglaban gamit ang sibat.
 
Nanindig ang aking katawan nang makita ko ang mga mata ni Handiran mula sa liwanag ng buwan—mga matang nag-aalab sa kasugiran.
 
“Nais nila lumakas upang ikaw ay ligtas.”
 
Isang impit na sigaw ang lumabas mula sa aking bibig nang marinig ko ang tinig na iyon sa aking tabi. Sa aking paglingon ay sumalubong ang tingin ni Bagim habang nakatingin sa kalangitan.
 
“B-Bagim.”
“Sa Hara . . . at sa punong babaylan . . . aming tungkulin ang inyong tiyak na kaligtasan.”
 
Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa aming pagitan. Siya nga. Bawat tao sa nayon ay may kani-kaniyang tungkulin. At bilang babaylan, batid ko ang nararapat kong gampanan.
 
Ikinuyom ko ang aking kamay at tumingin kay Bagim.
 
“Mayroon akong kahilingan,” saad ko.
 
At doon nagsimula ang aking paghihirap.
 
***
 
Sa pag-usbong ng kanyang araw,
kadiliman ay muling dadalaw;
Kapalit ng kanyang sinag,
haligi'y papawian ng liwanag.
 
Agad akong napabangon habang hinahabol ang aking hininga nang muling kumisap sa aking isipan ang pangitain na iyon.
 
“Bangungot?” usisa ng isang tinig at napatingin ako sa aking gilid. “O isa na namang pangitain?”
 
Ilang sandali akong nakatitig lamang kay Ridge at hindi ko tiyak kung ano ang dapat maipinta sa aking mukha. Bago pa man ako makapagsalita ay isang hagikgik ang lumabas mula sa kanyang mga labi.
 
“Nawalan ka ng malay habang nagsasanay?”
 
Nabalot ng hiya ang aking mukha at muli kong naalala ang nangyari kagabi.
 
Nais kong maging bihasa pa lalo sa paggamit ng pana sapagkat iyon ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ni Bulan. Bilang punong-mandirigma at bihasa sa paggamit ng anumang sandata ay hiniling ko kay Bagim na ako’y kanyang muling sanayin.
 
Nagtungo kami sa kabilang bahagi ng gubat at itinuro niya sa akin ang tamang tindig at paghawak sa pana upang mas maging tumpak ang pagtama ng mga palaso.
 
Makalipas ang ilang sandali ay halos hapo na ang aking katawan at tila makakalas na ang aking braso. Kung araw-araw na nagsasanay si Urduja sa kanya ay hindi na ako magtataka kung bakit walang makatalong mandirigma sa prinsesa bukod sa kanyang natatanging mandirigma.
 
“Sa aking tingin, maayos na ang iyong tindig,” sambit niya. “Ngunit sa laban, mas may maitutulong siya.”
“S-sino?” halos pabulong kong tanong habang patuloy pa rin na hinahabol ang aking hininga.
“Raniag.”
“S-si Raniag? Ang anak ni Atubang Kayo?”
Agad siyang tumango. “Pinakamahusay na mamamana.”
“Kung gayon, siya—”
 
Bago ko pa maituloy ang aking mga salita ay naramdaman ko ang unti-unting pagbagsak ng aking katawan sa lupa at ang pagdilim ng paligid.
 
Sinamaan ko ng tingin si Ridge matapos niyang sabihin iyon.
 
“P-paano mo nalaman iyon?”
 
Isang pilit na pagtawa ang kanyang isinukli at agad siyang umiwas ng tingin.
 
“Dinala ka nina Anam at Handiran dito sa iyong balay at . . .” Napatigil siya sa pagsasalita at napakamot sa kanyang pisngi. “Naabutan nila akong natutulog dito.”
 
Napalitan ng pagkabalisa ang aking hiya nang sabihin niya iyon.
 
“Sapagkat banal ang balay at hilagyo ng babaylan ay batid kong batid mo na ang sumunod na nangyari.”
“A-anong ginawa nila sa iyo?”
Muli siyang tumawa. “Ginising lamang ako ni Anam gamit ang kanyang sibat. Ngunit mas nakakatakot pala si Handiran kapag siya ay galit,” saad niya habang patuloy na tumatawa.
“S-si Handiran?”
Agad siyang tumango. “Pakiramdam ko ay naglalagay siya ng sumpa sa akin habang nakatingin siya nang matalim. Nakakatakot magalit ang mga babaylan.”
“P-patawad!” sigaw ko. “Dapat ay ginising kita bago pa man ako lumisan dito.”
“Ayos lamang. Pagkakamali ko rin iyon. At nakapagpahinga na rin naman ako nang maayos.”
 
Napahawak na lamang ako sa aking noo dahil sa mga nangyari. Mabuti na lamang at nawalan ako ng malay noon sapagkat hindi ko rin alam kung papaano makakaligtas sa mga mata nina Handiran at Anam.
 
Matapos iyon ay sabay na kaming lumisan mula sa aking balay. Ayon sa kanya, nais niyang dumalaw sa pandayan kung saan hinuhulma at ginagawa ang mga sandata.
 
Nang makarating kami roon ay nagtungo kami sa pook-gawaan ni Ditan, ang punong panday ng Kaboloan. Naabutan naming siyang naghuhulma ng talim ng sibat at napahinto siya nang kami ay kanyang makita.
 
“Magat! Apo Sayi!” bati niya. “Ano ang aking maipaglilingkod?”
 
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Ridge at agad niyang isinalaysay kay Ditan ang kanyang pakay.
 
“S-siya nga. Mas magiging maigi ang kanilang pakikipaglaban!” sambit niya at saka siya tumakbo papuntang hulmahan.
“Magkabilang-talim sa sibat ng mga Kalakian . . . siya nga,” hayag ko. “Sapagkat mas dalubhasa sila sa pakikipaglaban habang nakasakay sa kabayo ay mas mainam ngang ganoon ang kanilang sandata.”
“At mas malawak ang kanilang sakop kapag gamit nila ito habang nakikipaglaban sa lupa. Sa mga mandirigma naman, mas makabubuti kung mayroon silang suot na kalasag. Ngunit nais nilang natatanaw ang marka sa kanilang katawan kung kaya’t mahihirapan akong hikayatin sila. Nais ko rin sanang maging handa sa mga magiging sugatan, ngunit hindi ganoon kalawak ang aking kaalaman sa mga halamang-gamot.”
 
Napatitig ako sa kanya at tahimik na namangha. Tunay ngang nararapat siyang maging pantas at taktiko. Sa antas ng kanyang dunong ay tiyak na mayroon kaming kalamangan sa ibang nayon at nagagalak akong narito siya ngayon sa aming tabi.
 
“Cyrene?” tawag niya. “Bakit ka nakangiti?”
“Wala,” sambit ko at saka tumalikod. “Nais ko lamang magpasalamat kay Apo Anagolay sapagkat narito ka ngayon.” Saglit akong tumigil sa paglalakad at lumingon sa kanya. “Marahil tama ka. Marahil nakatadhana nga ang lahat ng ito. Sapagkat kung wala ka sa panahong ito, tiyak na hindi ko alam ang aking gagawin. Kaya’t nagagalak akong narito ka . . . Ridge.”
 
Nagpatuloy ako sa paglalakad at tumungo sa pook-dasalan. Huminga ako nang malalim at sinambit ang kanyang ngalan.
 
“Apo Pawi. Dinggin ang aking ngalan. Sayi, ang sisidlan ni Bulan.”
 
Ayon kay Atubang Kayo, bukod sa aking pintakasi, maaari kong tawagin at gamitin ang kapangyarihan ng mga diyos at diyosa na akin nang nasilayan, ngunit sa kalagayan lamang na tanggap nila ako bilang kanilang sisidlan.
 
Tila isang ipoipo ang nasa aking harapan at dala nito sa pag-ikot ang mga dahon at tipak ng lupa. Sa isang iglap ay nagpakita si Apo Pawi sa akin.
 
“Ano ang iyong nais, sisidlan?”
“Maaari mo bang dalhin dito si Raniag?”
 
Sa katunayan ay maaari naman akong magpadala ng sulat sapagkat bihasa na sa pagbabasa ng baybayin si Raniag ngunit aabutin pa ng isang araw bago niya ito matanggap. Sa pagpanaw ni Atubang Kayo, si Raniag ang napiling bagong sisidlan ng diyos ng kagubatan.
 
Bigla na lamang siyang naglaho sa hangin. Ilang sandali akong natulala ngunit nagulat ako nang biglang umikot muli ang mga dahon sa ibaba . . . hanggang sa nasa aking harapan na si Raniag na tila nagtataka rin sa nangyari.
 
“A-apo Sayi!” sabay yukod niya at nasilayan ko ang hilagyo ni Apo Pawi sa kanyang likuran.
“Ikinalulugod ko ang iyong tulong, Apo Pawi,” mahina kong sambit at matapos niyon ay naglaho rin siya sa hangin.
 
Agad ko namang idinulog kay Raniag ang aking kahilingan at agad din siyang pumayag. Namangha ako nang ipinamalas niya ang kanyang kadunungan sa paggamit ng pana.
 
Kahit saan man siya magtungo, kahit anong pagkilos ang kanyang gawin, at kahit anong hadlang ang sumilay sa kanyang paningin ay sa tumpak na bahagi ng puno pa rin tumatama ang mga palasong kanyang binibitiwan.
 
“Apo Sayi, iyong subukin ang natatangi mong pana,” sambit niya.
 
Rinig ko ang lakas at bilis ng pagtibok ng aking puso sa kaba kaya’t pinilit kong maging kalmado. Ayon sa mga salita ni Handiran at Iliway, ang pagiging payapa ng isip at katawan ang pangunahing pangangailangan upang maging dalubhasa sa pagpapana.
 
Naramdaman ko ang pagdaloy ng kapangyarihan ni Bulan sa aking katawan, maging ang pagbabago ng kulay ng aking mga mata at buhok.
 
Huminga ako nang malalim at itinutok ang palaso sa isang puno sa di-kalayuan. Isang nakabibinging tunog ang aming narinig nang aking pakawalan ang tila-palasong gawa sa liwanag ng buwan at sabay kaming napasinghap ni Raniag nang masilayan namin ang nangyari.
 
Sa isang iglap, naging abo ang buong puno, maging ang mga karatig nitong kapunuan. Walang anumang bakas ang naiwan. Ang mga abo’y tinangay na lamang ng hangin.
 
Napatakip ng bibig si Raniag habang napanganga na lamang ako sa panganib na dulot ng aking sandata.
 
“Apo Sayi . . .”
“Bilang natatanging sisidlan ng Kadayangan, nais kong makamit ang kapangyarihan laban sa iba pang sisidlan,” bulong ko sa aking sarili. “Kapangyarihang makapagluluklok kay Hara Urduja bilang kataas-taasan.”
 
At kasabay ng aking kahilingan, isang malagim na bagyo ang nagbabadya sa kanyang Kadayangan.
 
Umalingawngaw ang kakaibang tunog ng tambuli sa buong nayon—hudyat ng paglusob ng mga taga-Timog. Humigpit ang aking hawak sa kahoy na biyaya ng aking pintakasi.
 
“Raniag,” tawag ko.
“Ano iyon, Apo?”
“Bumalik ka sa iyong nayon at maghanda sa labanan.” Tumingin ako sa kanya at agad na napalitan ng kasugiran ang takot sa kanyang mga mata. “Ito na ang takdang panahon upang ipamalas ang kakayahan ng mga Agta.”
“Masusunod, Apo Sayi.”
 
Agad na naglaho si Raniag at mabilis akong nagtungo sa Balay Parsua. Naabutan kong nagsusuot ng damit-pandigma si Urduja at pinintahan niya ng kanyang sariling dugo ang kanyang mukha.
 
“Hara,” pagbati ko.
“Sayi,” tawag niya at muli akong nagitla sa tikas ng kanyang tindig. “Iyong ipakita ang kakayahan ng natatanging sisidlan. Ikaw ay aking aasahan.”
“Masusunod, Hara.”
 
Matapos niyang maghanda ay lumabas siya sa balay at hinarap ang kanyang nasasakupan.
 
“Ipinapangako ko ang muling pagsikat ng araw sa ating lupain,” pahayag niya. “Sa ngalan ng Kaboloan!”
“Sa ngalan ng Kaboloan!”
 
At sa pagtama ng sinag ng araw sa kanyang mukha, nagsimula ang tagisan ng mga nayon mula sa timog at hilaga.

<< Kabanata 29
Kabanata 31 >>

Comments
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    February 2021
    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads