Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 32

4/14/2020

Comments

 

tala at bulan
​

​Tila naubusan ng lakas ang aking katawan nang muli kong matanaw si Urduja. Taimtim akong nagbigay-pugay kina Apo Pawi at Tala sa pagsagip sa tatlong taong aking pinahahalagan.
 
Nawala sa aming paningin sina Ilati at Datu Silang, maging ang kapangyarihan ni Apo Anagolay. Napaluhod na lamang ako nang mawari kong ito na ang hangganan ng aking lakas-hilagyo. Tunay ngang nakapanghihina ang yugtong ito ng buwan.
 
“Sayi!” sigaw ni Ridge matapos niyang mahatak sa ligtas na kalupaan ang aming mga mandirigma.
 
Hapos ang aking hininga ngunit sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang makita kong ligtas sina Bagim at Urduja.
 
“A-ayos lamang . . . ako,” tugon ko.
 
Naramdaman ko ang pagyapos ng kanyang balabal sa aking likuran habang abala naman sina Bagim sa pagsasaayos ng aming pulutong.
 
“Hindi ayos ang iyong kalagayan,” bulong ni Ridge. “Tila nag-aalab ang iyong balat sa init.”
 
Muli kong naalala ang babala ni Atubang Kayo noong kami ay nagsasanay. Ayon sa kanya, hindi magandang ipilit ang paggamit ng kapangyarihan ng mga diyos at diyosa kung hindi sapat ang lakas-hilagyo na iyong taglay sa panahong iyon.
 
Tila nagbabaga ang loob ng aking katawan matapos ang nangyari at ramdam ko ang pagpulso ng aking mga mata.
 
Inabot ko ang kanyang braso at taimtim na tumingin sa kanyang mga mata. “Ridge,” bulong ko. “Nasa inyo ni Bagim ang basbas ni Tala.”
“Anong . . .”
“Katuwang ang iyong dunong, mayroon kang kakayahang baguhin ang galaw ng tadhana. Iligtas mo ang ating banghay mula sa mga taga-Seludong.”
“Ngunit—”
Binigyan ko siya ng isang ngiti. “Bilang mga gabay ng Hara, ito ang ating pangunahing tungkulin.”
 
Nang sambitin ko iyon ay nagbago ang badya sa kanyang mukha. Marahan siyang tumango at tumungo kay Bagim. Napatingin ako sa kinatatayuan ni Urduja. Patuloy na umaagos ang dugo sa kanyang pisngi at balikat ngunit tila hindi iyon iniinda ng prinsesa.
 
“Hara,” mahina kong tawag at tumingin siya sa aking direksyon.
 
Batid kong nais niyang harapin sa isang labanan ang lakan ngunit hindi pa ito ang nararapat na panahon. Hindi lamang lakas ang kailangan upang mapuksa ang hukbo ni Lakan Silang, kung hindi isang malambis na pagbabanghay sa aming kilos.
 
Tumungo siya sa aking kinalalagyan at lumuhod upang maging magkawangis ang aming baitang.
“Ayos ka lamang ba, Apo Sayi?” usisa niya habang hawak ang aking pisngi.
Marahan akong tumango. “Ikaw ang nangangailangan ng lunas,” sambit ko habang nakatingin sa kanyang mga natamong pinsala.
“Hindi ko ikamamatay ang mga ito,” tugon niya.
 
Halos sabay naman kaming napalingon nang biglang nagliwanag kung nasaan sina Bagim at Ridge. Bagama’t malupaypay ay natatanaw ko ang hilagyo ni Tala sa kanilang likuran.
 
“Baggak (Bituin),” mahinang hayag ni Bagim habang nakatingin sa kalangitan.
 
Napatingala rin ako sa kalangitan at napaawang ang aking bibig nang aking makita ang ningning ng mga talampad ng bituin.
 
“Balatik. Gaganayan,” hayag ni Bagim.
“Mapulon,” pagsunod ni Ridge.
 
Tila nabalot ng liwanag ang kanilang mga katawan at ang kampilan ni Bagim, maging ang tagdan ni Ridge, ay tila taglay ang kislap ng mga bituin sa kalangitan habang ang kanilang mga mata’y nagkulay pilak.
 
Mula sa kalangitan ay nagliwanag ang tatlong magkakahanay na bituin, at ang kasapi ng talampad nito. Kasunod noon ay ang pagkislap ng pitong magkakatabing bituin. Doon ko napagtanto kung ano ang mga iyon—ang mga talampad ng Orion at Pleiades ng kasalukuyang astronomiya.
 
Halos naging kawangis ng kanilang mga sandata ang hugis ng mga talampad na iyon: ang kampilan ni Bagim ay tila lumaki at humaba, at mas naging matikas ang kanyang kalasag, samantalang mayroong pitong bilugang liwanag ang nakapalibot kay Ridge.
 
Isang kahindik-hindik na sigaw ang pinakawalan ni Bagim at kasabay noon ay ang pagtalon niya mula sa talampas. Halos kilabutan ako nang matanaw ko ang pagsugod niya sa hanay ng mga mandirigma ng Seludong.
 
Makalipas ang ilang sandali ay sumunod sa kanya ang mga mandirigmang nailigtas ni Ridge, habang siya ay nanatiling tagamasid mula sa itaas. Gamit ang liwanag na nakaligid sa kanya ay nagsilbi itong mga gabay ng mandirigma sa kadiliman at tila inihahatid niya ang mga ito sa wastong landas kung saan mas tiyak ang kanilang pagwawagi.
 
“Apo Sayi,” muling tawag ni Urduja habang pinagmamasdan ang mga sisidlan ni Tala. “Nais kong magbalik ka sa Kaboloan at iyong tipunin ang mga datu ng kadayangan,” utos niya.
“Hara . . .”
“Isang kapahangasan ang itinuran ng lakan na iyon,” sambit niya. “At hindi ako makapapayag na manatiling nagsasangga na lamang sa kanilang mga pagsalakay.”
 
Panandaliang katahimikan ang bumalot sa aming pagitan. Bakas sa kanyang mukha ang poot at kasugiran. Tila mas naging masidhi ang kanyang damdamin nang harapin niya ang lakan.
 
“Kung iyan ang iyong nais, Hara,” yukod ko.
“Magat,” tawag niya kay Ridge at agad naman siyang lumingon.
“Hara.”
“Magbalik kayo ni Sayi sa Kaboloan,” hayag niya at saglit na ngumiti. “Patunayan mo ang iyong dunong, pantas. Sa pagsikat ng araw, nais kong malaman kung magigin mabisa pa ang iyong taktika.”
“Ngunit paano ang . . .” sabay tingin ni Ridge sa kapatagan kung nasaan si Bagim at ang mga mandirigma.
“Huwag kang mag-alala,” sambit ni Urduja. “Ngayong lumisan na sina Lakan Silang at ang kanyang sisidlan, siya ang pinakamalakas sa pook na ito. Isa pa, isa lamang itong pagbati mula sa mga taga-ilog. Patunay na minamaliit ng lakan ang ating lakas-tao.”
 
Matapos bitiwan ni Urduja ang mga salitang iyon ay agad ding yumukod si Ridge at unti-unting nawala ang liwanag na bumabalot sa kanyang paligid.
 
“Kayo ay humayo at sa aking pagbabalik, nais kong simulan ang pulong ukol sa nalalapit na digmaan.”
“Masusunod, Hara,” sabay naming sambit.
 
Inalalayan ako ni Ridge patungo sa kabayo at kami ay naglakbay pabalik sa Kaboloan.
 
***
 
Pawid na taluktok ang bumungad sa akin nang imulat ko ang aking mga mata. Doon ko napagtanto na ako ay nasa aking balay. Napahawak ako sa aking ulo dahil sa pagpintig nito. Muli ko namang naalala ang mga naganap kagabi at agad akong napabangon.
 
Palabas na sana ako sa aking balay nang salubungin ako nina Handiran at Iliway.
 
“Apo Sayi, sumama ka sa amin.”
 
Nais kong ipabatid na patungo ako sa balay Parsua ngunit kakaiba ang kanilang tingin kaya’t wala akong nagawa kundi sumunod.
 
Sinundan ko sila sa pusod ng gubat hanggang sa tumungo pa kami sa kasulukan ng nagtataasang mga puno. Ilang sandali pa kaming naglakad hanggang sa bumungad ang isang batis na tila karugtong ng aming nakita nina Urduja at Anam noong tumungo kami sa Samtoy.
 
“Ang iyong lakas-hilagyo ay tila hindi pa rin napapawi, Apo Sayi,” ani ni Iliway.
“Ayon sa pantas, ito ay dahil sa yugto ng buwan,” dagdag ni Handiran. “Sapagkat walang buwan sa kalangitan ay ito ang naging kalimitan ng iyong kapangyarihan.”
 
Napayuko ako nang marinig ko iyon mula sa kanila. Marahil ay bumaba ang kanilang pagtingin sa akin sapagkat nakaasa sa hugis ng buwan ang aking lakas.
 
“Dito sumusukbo ang nahimlay na si Apo Sambilay noon tuwing nanghihina ang kanyang hilagyo,” sambit ni Handiran. “Ayon sa aming mga ninuno, ang batis na ito ay may basbas ng diyosang si Ikapati, ngunit ang mga punong babaylan lamang na may sapat na kapangyarihan ang may kakayahang tumagal dito.”
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Ang mga abo at hilagyo ng mga nakaraang punong babaylan ay sinasabing napupunta sa batis na ito kaya’t hindi ito sa pangkaraniwang nilalang. Marami na ang nagtangka at may mga hindi rin sinasadya, ngunit sa sandaling ilubog nila ang kanilang mga paa o kamay ay agad na nagliliyab ang kanilang katawan.”
“Kung kaya, Apo Sayi, isa ito sa mga paraan upang bumalik ang iyong lakas-hilagyo bukod sa paghihintay sa kabilugan ng buwan.”
 
Matapos nilang sabihin ang mga iyon ay nagpaalam sila upang bumalik sa Kaboloan. Sa aking loob ay tila ayaw ko nang lumublob doon dahil sa takot . . . ngunit tila mayroon ding humahatak sa akin patungo sa batis.
 
Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan at saka naglakad tungo roon. Ilang sandali pa ay dahan-dahan kong isinawsaw ang aking paa sa tubig. Sa sobrang init ng tubig ay tila nagliliyab ang aking balat, ngunit matapos ang ilang sandali ay unti-unti nitong pinakalma ang aking nararamdaman.
 
Isinukbo ko ang aking buong katawan sa batis . . . hanggang sa unti-unting naging payapa ang kapaligiran.
 
***
 
Sa pag-usbong ng kanyang araw,
kadiliman ay muling dadalaw;
Kapalit ng kanyang sinag,
haligi'y papawian ng liwanag.
 
Tila nabuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan nang sumilay ang pangitaing iyon sa aking isipan. Saka ko napagtanto na nakatulog ako habang nasa batis. Agad naman akong umahon at naroon sa gilid ang panibagong kasuotan.
 
Matapos noon ay tumungo ako sa balay Parsua at naroon na ang mga inaasahang pinuno ni Urduja. Bahagya akong yumuko at binati ang mga datu.
 
Sa kaliwang bahagi ng talaan ay nakaupo sina Mapalon Arayu ng Idjang, Apo Lawig ng Igolot, Ridge, at Ditan. Sa kanan naman ay si Raniag ng Agta at Babacnang Darata ng Samtoy, at Anam.
 
“Pagbati,” ani ko at saka umupo sa tapat ni Ridge.
“Ligtas ba ang Hara?” tanong ni Apo Lawig.
“Mga hangal na taga-ilog,” mabalasik na angil ni Mapalon Arayu.
“Pabalik na ang Hara,” tugon ni Ridge. “Habang naghihintay, nais kong ihandog ang balanghay ng ating pagkilos.”
 
Nag-iba ang bakas sa mukha ng mga pinuno—tila naging mga tunay na mandirigma ang kanilang tindig. Sa gitna ng katahimikan ay dumating si Urduja at nakasunod sa kanya si Bagim. Tumungo siya sa gitna ng talaan at umupo roon, habang tumabi naman si Bagim kay Anam.
 
Bakas pa ang dugo at dumi sa katawan nina Bagim at Urduja ngunit walang pag-iinda sa kanilang mukha.
 
“Simulan na natin ang pulong,” sambit ni Urduja at muling sumilang ang marka ni Apo Init sa kanyang ulunan. “Sa darating na mga araw, magtutuos ang hilaga at timog. Isa lamang ang aking nais—ang lupigin ang mapangahas na lakan sa ngalan ng kahilagaan upang makamit ang ating dakilang adhikain.”
 
At kasabay noon ay ang pagsilang ng iba’t ibang marka ng mga sisidlan ng pinuno ng kahilagaan—isang patunay ng pagbubuklod ng mga pintakasing naniniwala sa kanyang taglay na kapangyarihan.

<< Kabanata 31
Kabanata 33 >>

Comments
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads