Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 35

5/23/2020

Comments

 

pulang buwan
​

Isang kahindik-hindik na ingay ang gumising sa aking diwa. Napayakap ako sa aking katawan nang maramdaman ko ang pagtagos ng malamig na hangin sa aking balat. Ilang sandali pa ang lumipas bago ko iminulat ang aking mga mata at kadiliman ang sumilay sa aking paningin.
 
Sinubok kong tumayo ngunit nanghihina pa rin ang aking mga binti. Pilit kong inalala kung ano ang nangyari at tila rumaragasang ilog ang mga alaalang dumaloy sa aking isipan.
 
Ang pagkahulog ko sa bangin. Ang paggamit kong kapangyarihan ni Ikapati. Ang pagtaas at pagbagsik ng alon ng dagat kasabay ng biglaang pagsilang ng buwan . . . at sina Iliway at Handiran.
 
Bagama’t nanginginig ay pinilit kong tumayo at lumakad palabas. Doon ko lamang napagtanto na ako ay nasa Balay Parsua. Tila matagal na panahon ang aking ginugol upang makarating sa labasan at napasinghap na lamang ako nang aking masaksihan ang mga kaganapan.
 
Isang malaki at mataas na siga ng apoy ang bumungad sa aking mga mata. Nakapaligid doon ang ilang mandirigma at Kalakian na narito ngayon sa Kaboloan. Mula sa hindi kalayuan ay tila may ingay sa pook-dasalan kung saan labas-pasok ang ilang babaylan at bakas sa kanilang mga mukha ang lungkot at pag-aalinlangan.
 
Tila lumubog ang aking puso sa aking natanaw sapagkat batid kong ako ang may kasalanan. Aking ipinahamak ang dalawa kong gabay at bago pa man ako makatulong ay huli na ang lahat.
 
“Ayos na ba ang iyong pakiramdam?”
 
Napasikad ako nang marinig ko ang kanyang tinig. Pagtingin ko sa aking kaliwa ay nakasandal sa dingding ng balay si Ridge at tila sumasayaw sa kanyang mukha ang anino ng mga ningas ng apoy. Muling sumagi sa aking isipan ang kanyang pagsagip mula sa aking pagkahulog sa bangin bago ako mawalan ng malay.
 
Agad naman akong tumango. Nais kong magtanong ngunit tila umurong ang aking dila sapagkat ayaw ko ring malaman ang kasagutan.
 
“Ligtas si Iliway,” sambit niya, “ngunit malala ang kanyang natamong pinsala.
 
Tila isang mabigat na bato ang naalis sa aking mga balikat nang marinig ko iyon mula sa kanya. Isang malungkot na tingin ang kanyang isinukli—babala na hindi maganda ang sunod niyang iwiwika.
 
“Mayroong dalawang Karakowa na nakatakas at ayon sa mga tagatanaw ay naroon si Handiran,” hayag niya. “Tinangay siya ng Sambal at Namayan.”
 
Hindi ko na napigilan ang aking mga luha ng marinig ko iyon. Nandoon pa rin ang malagim na pag-aalala sa aking mga gabay ngunit isang bahagi ng aking isipan ang nagbigay-pugay sa mga diyos at diyosa sapagkat buhay pa silang dalawa.
 
“Cyrene . . .”
 
Lumapit sa akin si Ridge at agad kong pinunasan ang luha sa aking mukha. Isang malalim na hininga ang aking pinakawalan at sinubok kong pakalmahin ang aking sarili.
 
“A-ayos lamang ako,” mahina kong sabi.
Isang nag-aalalang tingin ang kanyang ibinigay. “Huwag mong sisihin ang iyong sarili.”
 
Napatingin ako sa kanyang mga mata na tila nagliliyab gaya ng apoy sa aming harapan. Batid kong nais niyang pagaangin ang aking damdamin ngunit batid ko rin na ako ay nagkulang bilang punong gabay at babaylan.
 
“Kung naging maagap lamang ako,” bulong ko.

“Cyrene,” tawag niya at tumuro siya sa itaas.

 
Sinundan ko ng tingin ang kanyang daliri at napanganga na lamang ako sa aking nakita.
 
“P-paanong . . .”

“Dahil sa iyo.”

 
Mula sa kalangitan ay nakatanaw ang kalahatan ng buwan na siyang nagbibigay ng tanglaw sa buong nayon. Ngunit sa aking pagkakatanda, kalilipas lamang ng kabilugan ng buwan noong nakaraang araw at isang yugto pa ang tatahakin nito bago muling maging buo. Kaya’t paanong . . .
 
Muli kong naalala ang pagtawag ko sa aking pintakasi, kay Apo Bulan noong nahaharap si Handiran at ang buong Kaboloan sa kapahamakan. Akala ko ay isa lamang hiraya ang natanaw kong pagsilip ng buwan sa kalangitan at ang pagtaas ng mga alon ngunit narito ngayon ang katotohanan.
 
Lalo lamang tumindig ang aking mga balahibo nang mapagtanto ko ang kakaibang kulay nito—mula sa pagiging kulay abo at pilak ay mayroong tina ng pula sa paligid nito na tulad ng kulay ng dugo.
 
Napatingin siya sa mga mandirigma at Kalakian na nakapalibot sa apoy at ganoon din ang aking ginawa. Wala ni isa ang nakangiti. Bakas sa kanilang mga mukha ang galit.  Ang ilan ay naghahasa ng kanilang mga sandata habang ang iba ay nagsasanay.
 
“Matapos sumugod ng Sambal at Namayan,” mahinang sambit ni Ridge, “ay tila nag-iba ang kanilang timpla. Marahil ay dulot ito ng . . . ng biglaang paglitaw ng buwan.”
 
Isang kwento ang naalala ko mula sa aking ina. Ayon sa kanya, ang buwan ay madalas inuugnay noon sa poot at pagka’baliw’ ng mga tao. Kaya nga at hinago ang ingles na salitang ‘lunacy’ mula sa ‘luna’ o buwan. Tiyak na iyon din ang iniisip ni Ridge.
 
“A-ano ang nangyari sa ibang Karakowa?” pag-iiba ko ng paksa.

“Ayon sa mga manlalayag, nawasak ang lahat maliban sa dalawang nakalayo,” tugon niya.


“At ang mga mandirigma ng Sambal at Namayan?”

 
Tila isang anino ang dumaan sa kanyang mukha sapagkat saglit itong nagdilim.
 
“Ang iba ay nalunod habang ang mga nailigtas ay nasa piitan. Naroon din si Anam.”
 
Napasinghap ako nang marinig ko ang ngalan ni Anam at doon ko napagtanto kung ano ang maaari niyang gawin. Malapit sila ni Handiran sa isa’t isa kaya’t tiyak na masidhing poot ang kanyang nararamdaman ngayon.
 
Hinayaan ko si Ridge na mauna patungong piitan habang nakasunod ako sa kanyang likuran. Unti-unting kinain ng damdam ng pagkakasala ang aking kalooban habang papalapit kami sa kinaroroonan ni Anam.
 
Ilang sandali pa ay huminto kami sa isang malaking piit kung saan nakatali ang mga kamay at paa, at nakabusal ang bibig ng mga nahuling mandirigma. Sa isang malaking bato sa tabi ay nakaupo si Anam habang nakayuko.
 
Tila bumigat ang bawat hakbang ng aking mga paa ngunit pinilit kong lumapit sa kanya.
 
“Anam,” mahina kong tawag at dahan-dahan siyang tumingala.
 
Kunot ang kanyang mga kilay at tila namumula ang kanyang mga mata sa galit at pagkalumbay. Tila isang tumpok ang humadlang sa aking lalamunan at muling nagbadya ang luha sa aking mga mata.
 
“Apo Sayi . . .” aniya at saka siya tumindig sa aking harapan. Nabigla na lamang ako nang bigla siyang yumuko. “Patawad,” sambit niya kasabay ng pagbasag ng kanyang tinig. “Kung nanatili lamang ako rito, hindi sana . . .”
 
Nanatiling nakaawang sa hangin ang kanyang mga salita. Tulad niya ay nagsisisi ako sa aking kakulangan bilang isang sisidlan at kaibigan ngunit tiyak na mas matindi ang kanyang nararamdaman sapagkat sila ang pinakamalapit sa isa’t isa.
 
Inilapat ko ang aking kamay sa kanyang balikat. “Sa anumang paraan, titiyakin kong mailigtas siya,” saad ko kaya’t napatingin siya sa aking mga mata.

“Apo . . .”


“Ako ang dahilan ng kanyang pagkadakip. Pinangalagaan niya ang aking kaligtasan kung kaya’t . . .” Pinigil ko ang nagbabadyang luha sa aking mga mata, “gagawin ko ang lahat upang maibalik siya sa Kaboloan.”

 
Saglit na katahimikan ang namagitan sa aming dalawa ngunit makalipas ang ilang sandali ay humugot siya ng isang malalim na hininga at agad na yumukod.
 
“Naniniwala ako sa iyong kakayahan, Apo Sayi,” sambit niya, “at handa rin akong gawin ang lahat upang iligtas si Handiran.”
 
Tila isang tinik ang natanggal mula sa aking dibdib noong marinig ko iyon mula sa kanya at kahit papaano ay nabigyan ako ng lakas ng loob upang mabawi si Handiran mula sa Sambal at Namayan.
 
Nasilayan ko naman si Ditan na may dalang mga sibat. Ayon kay Ridge, kinuha ng mga panday ang lahat ng sandata at kalasag na dala at suot ng mga bihag na mandirigma. Habang palapit sa aming kinatatayuan ay natanaw ko ang kalungkutan sa kanyang mga mata. Tila mas nadagdagan ang kanyang tanda dahil sa lamlam ng kanyang mukha at marahil ay dahil din ito sa pagkawala ni Handiran.
 
Akmang palapit sa akin si Ridge nang muli kong makita ang mga bihag na mandirigmang nakatingin nang masama sa amin. Ang iba ay nakuha pang ngumisi. Nakaramdam ako ng kakaibang poot na mabilis na dumaloy sa aking katawan at isipan.
 
Kung hindi dahil sa kanilang pagsugod ay mananatiling payapa ang Kaboloan. Kung hindi dahil sa kagustuhan at kasakiman ng kanilang mga pinuno na sipilin ang kapangyarihan ng natatanging sisidlan ay hindi sana hahantong sa ganito ang lahat.
 
“A-apo S—”
 
Marahan akong lumakad patungo sa malaking piit na yari sa pinagtagpi-tagping kawayan. Ilang hakbang pa lamang ay agad na nagbago ang kanilang tingin. Nanlaki ang kanilang mga mata at nakaawang lamang ang kanilang mga labi. Bakas ang pagkagulat at tako t sa kanilang mga mukha.
 
Ang isa ay bigla na lamang sumigaw nang napakalakas habang ang ilan ay nagsimulang magwala habang nakagapos. Saka ko lamang napagtanto na nagbago na ang aking anyo. Natanaw ko ang panglaw na liwanag na nakabalot sa aking hilagyo—ang kulay at basbas ni Bulan.
 
Ngunit sa halip na pilak ay naging kulay dugo ang aking buhok at tila ganoon din ang aking mga mata sapagkat init at galit ang aking nararamdaman mula roon. Ang aking anyo ay kawangis ng pulang buwan sa kalangitan.
 
Ang ilan sa mga bihag ay nawalan ng malay habang dalawa ang bigla na lamang nagsuka ng dugo habang patuloy ang aking paglapit. Huminto ako sa kanilang harapan at tila nakakita ang ilan ng isang kahindik-hindik na nilalang.
 
“Inyong damhin ang poot ng isang sisidlan at ng diyosa ng buwan.”
 
At sa pagbitiw ko ng mga salita iyon ay nabalot ang hangin ng marahas na sigaw ng mga bihag—sigaw at iyak ng takot at pighati. At kasabay ng pagsilang ng pulang buwan ay ang pagdanak ng dugo sa kalupaan ng Kaboloan.
​


<< Kabanata 34
Kabanata 36 >>

Comments

Kabanata 34

5/14/2020

Comments

 

bilang gabay ng babaylan
​

Namalagi ako sa itaas ng Balay Parsua kung saan matatanaw ko ang kalahatan ng Kaboloan. Sa daungan sa silangan ay naroon ang mga Karakowa habang abala pa rin ang mga panday sa pagdadagdag ng iba pang sandata at kalasag para sa mga mandirigma.
 
Napatingin ako sa hilaga kung nasaan ang Agta at Golot, nangangamba sa maaaring mangyari matapos idulog ang balitang patungo roon ang hukbo ng Seludong. Natanaw ko naman ang aking mga gabay na babaylan na patungo sa pook-dasalan. Sa nalalapit na labanan, batid kong kailangan nilang ipahinahon ang takot at agam-agam ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagdadasal sa mga diyos at diyosa.
 
Muli rin akong napatingin sa kalangitan, tahimik na humihiling ng patnubay mula sa kaitaas-taasan.
 
“Apo Sayi.”
 
Sa aking pagyuko ay nasilayan ko si Anam na tila balisa pa rin sa paglisan nina Bagim at Urduja. Sa kanya inatang ang kaligtasan ng Kaboloan kaya’t tiyak na nangangamba siya sa maaaring mangyari.
 
“Ipinapatawag ka ng Magat,” sambit niya.
 
Agad naman akong tumango at bumaba mula sa atip ng Balay Parsua at tumungo sa talaan. Naroon na rin si Anam at bakas naman ang pag-aagam-agam sa mukha ni Ridge.
 
Muli niyang inilatag ang mapa ng Lusong sa aming harapan.
 
“Narito ngayon ang kanilang hukbo,” aniya sabay turo sa kabundukan at kagubatang bahagi sa hilaga na nagsisilbing likas na hangganan ng kadayangan at kapatagan. “Patungo rin doon ang Hara ngunit nababagabag ako sa kanilang balak.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ni Anam.
“Bakit sila naglakbay nang mayroon pang liwanag? Tiyak na mas makabubuti para sa kanila na tumungo roon sa kadiliman, bagkus, walang makaaalam ng kanilang taktika.” Isang malagim na tingin ang kanyang ipinakita. “Tila ba sadya nilang ipinakita na doon sila daraan upang matuon doon ang ating lakas-tao.”
 
Nabalot ng nakasasakal na katahimikan ang talaan at batid kong mayroon na ring pag-aalala sa isip ni Anam.
 
“Ipinapanalangin ko na mali ang aking hinuha,” sambit ni Ridge, “ngunit kailangan din nating maghanda. Ilang mandirigma rin ang dinala ng Hara upang harapin ang hukbo ng Seludong. Bukod sa ating moog sa hangganan, iilang Kalakian lamang ang narito upang makipaglaban.”
 
Sumang-ayon naman kami ni Anam. Sapagkat buong hukbo ng Seludong ang naglalakbay ngayon patungo sa hangganan ng Agta, halos lahat ng mandirigma ay sumama kina Urduja at Bagim. Sa kanilang tantsa, makakarating sina Lakan Silang sa Agta sa loob ng dalawang hanggang tatlong araw. Maaabutan sila ni Urduja kung sakali at doon mangaganap ang bulto ng labanan.
 
“Anam,” tawag ko.
“Apo.”
“Iparating mo sa ating moog sa hangganan ng kapatagan na pag-igtingin ang pagmamasid. Kung sakali mang may sumalakay mula roon, nais kong maipabatid agad ito sa amin.”
“Masusunod, Apo Sayi.”
 
Agad siyang humuni at lumapag sa kanyang braso ang kanyang kalapati. Isinulat niya ang aking bilin at sa sunod niyang paghuni ay lumipad palabas ang ibon. Matapos noon ay tumayo siya at kinuha ang kanyang sibat. Yumuko siya sa amin at tahimik ng lumabas mula sa Balay Parsua.
 
“Kailangan nating maghanda sa pagkagat ng dilim,” halos pabulong na saad ni Ridge.
“Siya nga,” sagot ko.
 
Wala pa ring sisilay na buwan sa kalangitan sa pagsapit ng dilim kaya’t batid kong hindi malaki ang aking maitutulong sa panahong ito. Sa aking paglisan mula sa talaan ay lalo lamang bumigat ang aking kalooban.
 
***
 
Balisa pa rin ang aking isipan kaya’t nagtungo ako sa kagubatan. Nagdala ako ng pana at mga palaso upang magsanay. Ilang palaso na rin ang aking pinakawalan tungo sa punongkahoy sa hindi kalayuan ngunit hindi pa rin ako nalulugod sa aking napala.
 
Isang hagikgik ang aking nakinggan mula sa kanan kaya’t agad kong itinutok doon ang aking palaso ngunit wala akong nasilayang sinuman.
 
“Naiiba ka, sisidlan.”
 
Halos mapasigaw ako nang marinig ko ang tinig sa tabi ng aking tainga. Mabilis akong lumingon at nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang isang pamilyar na mukha. Isang matamis na ngiti ang kanyang isinukli at agad akong lumuhod sa kanyang harapan.
 
“I-Ikapati . . .”
“Tumindig ka, sisidlan.”
 
Marahan akong tumayo ngunit nanatili pa ring nakayuko. Saglit kong sinilayan ang kanyang hilagyo at ganoon pa rin ang kanyang anyo, tulad noong una ko siyang napagmasdan: ang itim at mahaba niyang buhok ay tila sutla sa kinang, ang saya niyang tila gawa sa mga butil ng palay, at ang halamang-baging na nakapulupot sa kanyang buong katawan na tila patuloy na gumagalaw at tumutubo sa bawat paggalaw niya.
 
Huminga ako nang malalim at maingat na nagtanong sa kanya.
 
“A-ano ang ibig ninyong sabihin?”
 
Napatingin siya sa hilaga kung saan patungo si Urduja at ang hukbo ni Lakan Silang. Matapos ang ilang sandali ay muling bumaling sa akin ang kanyang tingin.
 
“Kaiba sa dalawa pang natatanging sisidlan, tila ikaw lamang ang puno ng takot,” matatas niyang bigkas.
 
Napasinghap ako sa aking nakinggan at lalo lamang bumagat ang aking kalooban.
 
“P-patawarin ninyo ako,” mahina kong ani ngunit muli kong narinig ang kanyang impit na paghagikgik.
“Hindi iyon pagdudusta, sisidlan,” sambit niya. “Marahil iyon ang dahilan kung bakit ikaw ang napili ni Bulan.”
 
Nais kong itanong kung ano ang ibig niyang sabihin ngunit bigla na lamang nagdilim ang kanyang mukha.
 
“A-apo . . .”
“Sa panahon ng digmaan, ang mga diyos at diyosang tulad ko ay nawawaglit sa isipan ng katauhan,” malumanay niyang saad at bakas ang kalungkutan sa kanyang mga mata. “Nagdarasal lamang sila sa mga may angking lakas na lumupig ng kalaban o hindi kaya’y sa may kakayahang magtanggol sa kanila.”
 
Bago pa ako makapagsaad ng aking kaisipan ay muling sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
 
“Ngunit iyong tandaan, sisidlan, ang kalikasan ay nagiging marahas kung kinakailangan.”
 
Matapos niyang bitiwan ang mga salitang iyon ay bigla na lamang siyang naglaho at naiwan akong nakatayo sa gitna ng kagubatan.
 
***
 
Sa paglubog ng araw ay mas naging balisa ang aking isipan. Tumungo sina Anam at Ditan sa hangganan ng Kaboloan at kapatagan upang ihandog ang mga sandatang naidagdag ng mga panday. Nanatili naman kami ni Ridge sa Balay Parsua, naghihintay sa anumang balita tungkol kina Urduja.
 
“Hindi ako mapakali,” wika niya. “Mayroong mali sa nangyayari.”
 
Muli niyang pinag-aralan ang mapa ng Lusong at ng Kaboloan. Ilang sandali siyang nakatitig lamang sa mga iyon hanggang sa bigla na lamang siyang napatayo.
 
Naging mabangis ang kanyang mga mata na tila nangangamba sa kanyang naisip.
 
“Anong—”
“Nasaan si Anam?” tanong niya.
“Naglakbay siya patungo sa hangganan,” sagot ko.
“Hindi maaari,” halos pasigaw niyang saad at agad siyang tumungo palabas.
“Sandali, Ridge!” Naabutan ko siya sa pintuan ngunit kakaiba na ang kanyang tingin.
“Si Ditan?” muli niyang tanong at nanigas ang aking mga balikat.
“K-kasama ni Anam.”
“Kung gayon ay tayo lamang ang punong-gabay na narito.”
 
At sa pagtatapos niya ay tumunog ang mga tambuli. Ayon sa huni ay mayroong hindi pangkaraniwang bangka sa katubigan.
 
Nagkatinginan kami ni Ridge at agad siyang tumungo sa silungan ng mga kabayo. Makalipas ang ilang sandali ay nakasakay na siya sa kanyang puting kabayo at agad niya akong hinatak patungo rito.
 
“Apo Sayi! Magat!” tawag ni Sardama, isang Kalakian, habang nakasakay na rin sa kanyang kabayo. Kasunod niya ay ang ilang Kalakiang natira sa Kaboloan.
“Madali!” sigaw ko. “Tumungo kayo sa dalampasigan!”
 
Halos mapuno ng alabok ang nayon sa pagtakbo ng ilang kabayo at mahigpit akong humawak sa leeg nito sapagkat mas mabilis kaysa karaniwan ang kanyang pagpapatakbo.
 
Patuloy ang pagtunog ng tambuli at maging ang mga mamamana ay tumatakbo patungo sa pook kalakalan. Hindi ko batid kung nakarating na ba sina Anam at Ditan sa hangganan. Aabutin sila ng ilang oras bago pa makabalik rito lalo pa at magkabilang dulo ang hangganan at dalampasigan.
 
“Apo Anagolay, dinggin ang aking ngalan,” aking bigkas at sa loob ng ilang sandali ay nasilayan ko ang aming haharapin mula sa katubigan.
 
Napasinghap ako sa aking nakita kasabay ng paglubog ng aking puso.
 
“Ano iyon?” malakas na tanong ni Ridge sa pagitan ng pagtakbo ng mga kabayo.
 
Naramdaman ko ang panginginig ng aking kalamnan ngunit pinilit kong maging matatag.
 
“S-sampung Karakowa,” impit kong sagot at ramdam ko ang paghapit ng kalamnan ni Ridge. “Sampung Karakowa na mayroong sagisag ng Namayan at Sambal.”
 
At sa paglapag namin sa dalampasigan ay naabutan namin ang pagsilab ng aming mga bangkang pandigma, habang ang ilang manlalayag ay pilit na isinasalba ang mga ito.
 
Mula sa mga Karakowa na malapit na sa daungan ay tanaw ko ang mga mandirigma mula sa Sambal at Namayan, at sa gitna at pinakamalaking bangka ay sumalubong ang dalawang pamilyar na mukha—sina Datu Karugan ng Sambal at Lakan Tagkan ng Namayan.
 
Huminto ang mga Karakowa at sabay-sabay nagtalunan ang mga mandirigma habang nanatili naman sa bangka ang kanilang mga pinuno.
 
Aking tinitigan si Lakan Tagkan at nagtama ang aming mga mata. Isang marahas na ngiti ang kanyang binitiwan sa gitna ng kadiliman at nanindig ang aking katawan.
 
“Dakpin ang sisidlan!” sigaw niya at sumugod ang kanilang mga mandirigma.
 
Tila nanlamig ang dugong nananalaytay sa aking mga ugat habang pinanonood ang pagsalakay ng Namayan at Sambal.
 
“Cyrene!”
 
Doon ko lamang napagtanto na kanina pa ako tinatawag ni Ridge. Nang lumingon ako sa kanya ay bakas ang takot at pag-aalala sa kanyang mukha.
 
“Kailangan mong magtago,” aniya. “Ikaw ang kanilang pakay.”
“Ngunit—”
“Ito ang kanilang tunay na hangad. Sana ay agad ko itong napagtanto ngunit umapak ako sa kanilang bitag.” Malagim na tingin ang gumuhit sa kanyang mukha. “Inihiwalay nila ang Hara at ang ating pinakamalakas na mandirigma upang maisakatuparan ang planong ito.”
“Apo Sayi!”
 
Halos sabay kaming napalingon at nakita namin sina Handiran at Iliway sakay ng isang kabayo at kasabay noon ay ang pagsigaw ni Sardama.
 
“Kalakian!” sabay taas niya ng kanyang sibat. “Sa ngalan ni Hara Urduja at ng Kaboloan!”
 
Kasabay ng paghatak sa akin ni Handiran ay ang pagbabago ng kulay ng katubigan—ang pagdanak ng dugo sa Kaboloan. Sa aking pagtingala ay walang buwan na sumalubong sa kalangitan, hudyat na sa itong gabi ng aking kahinaan.
 
Tila lumulutang ang aking isipan habang inilalayo nina Handiran at Iliway sa dalampasigan, ngunit bago pa kami tuluyang makalayo ay humalinghing ang kabayong aming sinasakyan at sabay-sabay kaming bumagsak sa lupa.
 
“Apo Sayi!”
 
Bago pa ako tuluyang makalingon ay hinatak ako ni Handiran patungo sa kagubatan habang naiwan naman si Iliway.
 
“Handiran, si Iliway—”
“Batid niya ang kanyang tungkulin, Apo Sayi,” malamig niyang sambit.
“Ngunit . . .”
“Ikaw ang kanilang pakay.” Tumitig siya sa akin at nasilayan ko ang pait at sakit sa kanyang mga mata.
 
Huminto kami sa likuran ng isang malaking puno at agad niyang hinubad ang kanyang kasuotan. Bago pa ako makapagtanong ay inabot niya iyon sa akin.
 
“Handiran . . .”
“Madali, Apo Sayi,” mahina niyang ani,” bago pa nila tayo maabutan.”
 
Hindi ako nakagalaw kaya’t siya na ang naghubad sa aking suot at agad niyang ipinalit iyon sa kanya. Nanginginig ang aking buong katawan sapagkat batid ko ang kanyang balak. Hinawakan niya ang aking pisngi at malambing na ngumiti.
 
“Ikinagagalak ko ang iyong pag-aalala ngunit ito ang aking tungkulin,” matamis niyang sambit. “Apo Sayi, ipangako mong mananatili ka sa tabi ng Hara anuman ang mangyari.”
 
Isang luha ang dumaloy sa aking kaliwang pisngi at marahang tumungo. Muling ngumiti si Handiran at pinunasan ang luha sa aking mukha.
 
Hinawakan niya ang aking kamay at nagpatuloy kami sa pagtakbo. Dinig ko mula sa hindi kalayuan ang paghabol ng mga mandirigma at hindi na ako lumingon pa upang tiyakin kung iyon ay aming kakampi o kalaban.
 
Hindi ko na tiyak kung gaano na kami katagal tumatakbo. Napadpad kami sa kagubatan at hinawakan ko ang mahiwagang kahoy sa aking baywang. Sa sandaling mayroong sumugod sa amin, kahit sa ilang saglit, ay nais kong pangalagaan ang kaligtasan ni Handiran . . . ngunit napatigil kami nang makarating kami sa tila-banging bahagi ng kagubatan.
 
Sabay kaming napalingon at papalapit na ang mga mandirigma na nakasuot ng kalasag mula sa timog. Muling humarap sa akin si Handiran at tila nagpapaalam ang kanyang tingin.
 
“Mayroon kang basbas ni Apo Bulan kaya’t batid ko ang iyong kaligtasan,” bulong niya habang hawak ang aking pisngi. “Ikinararangal kong ika’y pagsilbihan, Apo Sayi,” sabay ngiti niya. “Hanggang sa muli nating pagkikita.”
 
Itinulak niya ako tungo sa bangin kasabay ng pagtakip niya ng kanyang mukha mula sa mga mandirigma. At sa aking pagbagsak ay tila hinugot din ang lakas ng aking katawan at hilagyo ng aking kapangyarihan. Kasabay ng isang makabasag-pusong sigaw ang aking pinakawalan ay nasilayan ko ang unti-unting pagpapakita ng buwan sa kalangitan . . .
 
. . . ngunit batid ko rin na huli na ang lahat.
 
“Ngunit iyong tandaan, sisidlan, ang kalikasan ay nagiging marahas kung kinakailangan.”
 
Sumagi sa aking isipan ang mga salita ni Apo Ikapati at kahit hapo na ang aking katawan at isipan ay idinulog ko ang aking kahilingan sa kanilang ngalan.
 
Apo Bulan, Apo Ikapati, dinggin ang aking mithi at ngalan, sambit ko sa aking isipan at naramdaman ko ang pagbabago ng lahat.
 
Ilang baging ang pumulupot sa aking baywang at inihinto nito ang aking pagkalaglag. Naramdaman ko rin ang pagliwanag ng aking katawan at nang muli akong tumingin sa kalangitan ay halos kalahati na ang buwan.
 
Isang nakahihindik na sigaw ang aking pinakawalan at tila nagwala ang mga puno’t halaman sa kagubatan. Sa pagliwanag ng buwan ay natanaw ko mula sa kalayuan ang biglaang pag-angat ng katubigan, na tila sumasagot sa aking nais, at ang pagbaligtad ng mga bangkang pandigma.
 
At sa unti-unting pagkawala ng aking malay ay isang mukha ang sumalubong sa aking harapan.
 
“Cyrene!” sigaw niya ngunit tila napakalayo ng kanyang tinig.
“R-Rige . . .” walang lakas kong tawag. “N-nasaan si Handiran . . .”
 
Bago pa siya makalapit sa akin ay naramdaman ko ang pagkaputol ng baging, kasabay ng pagtulo ng luha sa aking mga mata dahil sa aking pagkabigo at tuluyang nagdilim ang paligid at kalangitan.

<< Kabanata 33
Kabanata 35 >>

Comments

Kabanata 33

5/1/2020

Comments

 

paghahanda
​

“Maglalaan ang Agta ng mga pana at palaso,” sambit ni Raniag.
“Gayon din ang Samtoy sa mga bangkang panlayag,” dagdag ni Babacnang Darata.
 
Isa-isa nilang inihain ang kanilang maitutulong sa nalalapit na digmaan at nakamamanghang masilayan ang kanilang katapatan sa Hara.
 
“Ang Golot ay magbibigay ng kaukulang bahagi ng makakain ng mga mandirigma,” saad ni Apo Lawig.
“Mga sandatang pinatalim ng mga bato ang maibabahagi ng Idjang,” pagtatapos ni Mapalon Arayu.
 
Bakas sa kanilang mga mukha ang kanilang pinapasang tungkulin bilang pinuno ng kanilang mga nayon. Tahimik akong nagmamasid sa kanilang mga mungkahi nang bigla na lamang sumilay sa aking paningin, hindi lamang ang kanilang mga marka, kundi ang kanilang mga pintakasi: sina Apo Init Urduja, Apo Bulan, Apo Tala ng Kaboloan; Apo Angalo ng Samtoy; Apo Pawi ng Agta; Apo Iraya ng Idjang;  at Apo Lawig ng Golot.
 
Agad kong iniyuko ang aking ulo at nagbigay galang sa mga diyos at diyosa na narito sa Balay Parsua. Ngayon lamang nangyari na nagpakita ang higit sa dalawang diyos at diyosa sa kanilang tunay na hilagyo. ngunit hindi batid ng mga pinuno ang nangyayari sapagkat sila ay abala sa pagpupulong. Handa na akong tawagin ang kanilang pansin nang ako ay pigilan ni Apo Angalo.
 
“Hindi na kailangan pa,” aniya.
 
Sa pagkakataong ito ko lamang napagtanto kung gaano kahirap huminga sa kanilang harapan. Ang ganitong uri ng pagtitipon ay bihira, lalo pa’t kamakailan lamang ay hindi nagparamdam ang mga diyos at diyosa sa loob ng mahabang panahon.
 
Tulad ko ay nakamasid sila sa mga pinunong kanilang nais pagsilbihan. Saka ko lamang napansin na nakatitig na sa akin si Urduja nang tawagin niya ang aking ngalan.
 
“Sayi. Tila wala ang iyong isipan sa pook na ito.”
Agad akong napayuko. “Ipagpaumanhin ninyo, Hara.”
 
Muli akong napatingin sa mga diyos at diyosang nakaligid sa amin at salungat sa kanilang sinambit, bakas sa kanilang mga mukha ang kanaisang sila ay bigyang galang at pansin.
 
“Hara, mga iginagalang na Datu,” aking saad. “Nais kong ihayag na narito ang inyong mga pintakasi.”
 
Sa pagbitiw ko ng mga katagang iyon ay nagbago ang badya sa kanilang mukha—una’y pagkagulat na agad napalitan ng saglit na kalituhan, ngunit mas nanaig ang kanilang kapitagan tungo sa kani-kanilang mga pintakasi. Halos sabay-sabay silang lumuhod at nagbigay galang bagaman hindi nila nakikita ang mga ito.
 
“Isang madugong digmaan,” hayag ni Apo Init mula sa likuran ni Urduja. “
 
Ang kanyang nagbabagang mga sandata ay kanyang ipinatong sa balikat ni Urduja at muling sumilang ang kanyang marka sa ulunan ng Hara. Ganoon din ang ginawa ng iba pang pintakasi habang si Bulan ay patuloy lamang na nanatili sa aking tabi.
 
Tila rumagasa ang kayraming sanaysay sa aking isipan, mga pangitaing hindi tiyak ang ibig sabihin, at isang talata ang binitiwan ng aking gunita.
 
Bilang diyos at diyosa ng Hilaga,
tanggapin ang aming pagpapala;
Isang digmaang nagbabadya,
Dugo ay dadanak sa lupa;
Kaisa ng mga pintakasi,
Kamtan ang minimithing wagi.
 
Agad ding naglaho ang mga diyos at diyosa matapos kong maihayag ang mga iyon at nanatiling nakatitig ang mga pinuno sa akin, ngunit agad din silang nagpatuloy sa pagbabanghay ng taktika bilang sagot sa basbas ng kanilang mga pintakasi.
 
“Marapat lamang,” sambit ni Urduja matapos ihayag ni Ridge ang ilan sa kanyang mga plano.
 
Isa-isang nagpaalam ang mga pinuno upang ihanda ang kanilang mga nayon at naiwan sa talaan ang mga gabay ni Urduja.
 
“Hara,” panimula ni Ditan at gumuhit ang agam-agam sa kanyang mukha. “Ang paggawa ng sandata ay hindi maaaring madaliin.”
 
Nais ni Urduja na mapabilis ang pagpapanday ng mga sandatang gagamitin ng mga mandirigma at Kalakian at binigyan niya ng tatlong araw si Ditan upang maisakatuparan ito.
 
“Tatanggapin ko kung ilan man ang iyong mayari,” tugon ni Urduja. “Bilang punong panday, ikaw ay aking aasahan, Ditan.”
 
Lumisan si Urduja matapos bitiwan ang mga salitang iyon at nabalot ng katahimikan ang talaan. Hindi man sambitin ay batid kong nag-aalala ang lahat sa kanyang kalagayan, lalo pa at mayroong nalalapit na digmaan.
 
Isang malalim na paghinga ang aking binitiwan, pilit na ikinakalma ang aking isipan.
 
“Isa lamang ang ating pangunahing tungkulin,” saad ko at napako ang kanilang mga tingin sa akin. “Iyon ay ang tiyakin ang kaligtasan ng Hara at ng Kaboloan.”
 
Tahimik silang sumang-ayon at isa-isa na ring nagsilabasan ang mga gabay. Tanging si Ridge at ako na lamang ang narito. Muli siyang naupo at tinitigan ang mapang kanyang ipinakita niya sa mga pinuno kanina. Tiyak na mabigat ang pasan niyang tungkulin sapagkat sa kanyang pag-iisip nakasasalay ang kapakanan ng kahilagaan.
 
Lumapit ako sa kanya at umupo sa kanyang tabi.
 
“Tila malalim pa rin ang iyong iniisip,” ani ko.
Isang hapong ngiti ang sumilay sa kanyang labi. “Nais kong masunod ang mga mangyayari sa aking isipan, ngunit batid ko ring hindi lahat iyon ay aking maisakatutuparan.”
 
Sa aking tingin, nakamamangha na may kakayahan siyang kumatha ng mga plano upang matiyak na magwawagi ang Hilaga laban sa Timog kahit na higit na mas bata siya sa mga pinuno at mas may dunong sila sa digmaan.
 
“Mayroon kang basbas ni Apo Tala,” simula ko at nalipat ang kanyang tingin sa akin. “Tiyak na ikaw ay kanyang gagabayan.”
Muli siyang ngumiti. “Hindi ko pa rin mawari kung bakit pati ako ay kanyang napili.”
 
Sa katunayan, maging ako ay nagtataka rin. Ayon kay Bulan, isa lamang ang pinipili ng mga pintakasi sa bawat salinlahi.
 
“Marahil ay dahil iisa lamang ang inyong ugat ni Bagim,” paghahaka ko. “Hindi ba’t siya ang iyong ninuno?”
“Maaari,” tugon niya at isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan. “Sana lamang ay maging karapat-dapat ako sa kanyang ngalan.”
 
Matapos noon ay tumungo ako sa aking balay at nagpahinga. Sapagkat walang buwan sa kalangitan nang halos isang linggo ay marapat lamang na ako ay maghanda.
 
***
 
Sa nakaraang tatlong araw ay maraming pagbabago ang naganap, hindi lamang sa Kaboloan kundi sa buong Kahilagaan.
 
Nagkaroon ng talakop ang hangganan ng Kaboloan mula sa Sambal at Lui-sin ng Gitnang Kapatagan. Matatayog at matutulis na kahoy ang itinayo bilang bakod habang nasa likod noon ay ang moog ng aming mga mandirigma. Hindi naman inalala ng Agta at Golot ang kanilang mga hangganan sapagkat may likas na kaharangan na pumapagitan sa kanilang mga pook at sa kapatagan—ang dakilang bulubundukin at kagubatan sa hilaga.
 
Nakaantabay naman ang mga manlalayag sa karagatan gamit ang mga Karakowa, o bangkang pandigma, sa pamumuno ni Babacnang Darata at Mapulon Arayu bilang sila ang bihasa sa labanan sa katubigan. Ang mga bata at babaeng hindi kasapi sa Kalakian at banghay ng mamamana ay inihatid sa ligtas na kakahuyan ng Golot.
 
Sa ikaapat na araw matapos ang unang sagupaan sa pagitan ng Hilaga at Timog, tila pigil ang hininga ng bawat mandirigma, nag-aabang sa maaaring panimula ng pagdanak ng dugo.
 
Ang mga pinuno ay nanatili sa kani-kanilang mga nayon, nakaantabay sa atas ng Hara habang binabantayan ang kanilang nasasakupan. Samantala, narito naman ang mga gabay sa Balay Parsua, naghihintay sa pagdating ni Urduja, kasabay ng unti-unting paglubog ng araw.
 
Nakasuot ng kalasag-pandigma sina Anam at Bagim, na ayon kay Ditan ay gawa sa balat ng kalabaw at makakapal na lubid. Sa gilid ni Anam ay isang hindi pangkaraniwang sibat na mayroong tulis sa magkabilang dulo, isang naaayon na sandata sa isang Kalakian na bihasa sa pangangabayo. Kampilan at kris, o maliit na palakol, naman ang nasa magkabilang baywang ni Bagim. Malinaw rin ang mga marka sa kanilang katawan—isang tanda kung ilang ulo na ng kalaban ang kanilang napugot. Sa pagkakataong ito, aking napagtanto kung gaano kalakas ang dalawang mandirigma sa tabi ni Urduja.
 
Samantala, tila lupaypay na ang katawan ni Ditan matapos ang pagpapanday ng higit isandaang kalasag at sandatang nababagay sa bawat Kalakian at mandirigma. Ngunit pansin ko rin ang tila lungkot sa kanyang mga mata. Marahil ay hapo lang ang kanyang isip matapos ang paggawa ng kanyang tungkulin.
 
Si Ridge ay nakasuot ng kanggan at tapis na kulay pula, kaiba sa kanyang karaniwang puti na isinusuot, tanda na isa siya sa pinuno ng labanan bilang pantas.
 
Nasilayan namin si Urduja na papasok sa balay. Gaya nina Anam at Bagim ay pandigmang kasuotan din ang kanyang gayak. Sa kanyang baywang ay nakasabit ang kanyang kampilan habang pana at palaso naman ang nasa kanyang likuran.
 
Ngunit bago pa makapagbigay-pugay ang kanyang mga gabay, isang nakabibinging tunog ng tambuli ang bumalot sa buong Kaboloan.
 
“Anong—”
“Hara—!”
 
Napatigil ang isang taga-Agta na tila nagmadaling tumungo rito. Bakas sa kanyang mukha ang takot at pag-aalala.
 
“Idulog mo ang iyong balita,” utos ni Urduja.
“Hara . . . ang mga taga-Timog . . .”
Napakunot ang noo ni Urduja. “Ano ang nangyari?”
“Patungo ang kanilang hukbo sa hangganan ng Agta sa silangan. Sila’y patungo sa aming kagubatan.”
“Ngunit ang kabundukan—”
“Patuloy silang naglalakbay sa kagubatan at kabundukan. Ayon kay Raniag, marahil ay napagtanto nilang mas ligtas na dumaan doon kaysa sa kapatagan kung saan may naghihintay na mga mandirigma sa kanila.”
 
Halos nanlamig ang aking katawan nang marinig ko iyon at tila may agam-agam na sumisilip sa aking isipan. Nagkataon lamang ba na iyon ang kanilang daan na tinahak gayong walang moog at talakop na itinayo hangganan ng Agta? O ‘di kaya ay . . .
 
“Bagim!” sigaw ni Urduja at agad tumayo si Bagim. “Madali ka at tayo ay tutungo sa Agta.”
“Masusunod, Hara.”
“Anam. Nasa iyong mga kamay ay kaligtasan ng Kaboloan,” dagdag niya.
Agad na yumukod si Anam. “Masusunod, Hara.”
 
At sa pag-alis nina Bagim at Urduja ay nagsimulang gumuho ang mga banghay ng pantas. Sa paglubog ng araw, dugo ang dadanak sa nayon ng Kaboloan.

<< Kabanata 32
Kabanata 34 >>

Comments
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    February 2021
    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads