Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 36

6/13/2020

Comments

 

sinag ng araw
​

Napatitig ako sa aking mga kamay habang naghihintay ng anumang kasulatan mula sa panig nina Urduja. Muling sumagi sa aking isipan ang nangyari kani-kanina lamang—ang aking pagkitil sa buhay ng mga nabihag na kalaban.
 
Nagsitayuan ang mga balahibo sa aking katawan habang nakatingin sa marka ng buwan sa likod ng aking mga palad. Sa nagdaang panahon ay ilang buhay na rin ang aking napaslang ngunit dahil iyon sa aking kagustuhan na iligtas ang mga tao sa aking paligid. Kaiba sa mga iyon, ang naganap kanina, kahit na aking itanggi, batid ko sa kaibuturan ng aking puso na iyon ay aking ninais. Dala ng masidhing poot sa pagkawala ni Handiran at ng aking kahinaan ng loob, binawian ko ng buhay ang aming mga nadakip na bihag.
 
“—Sayi.”
 
Bumalik sa kasalukuyan ang aking isipan nang tawagin ni Ridge ang aking ngalan. Ang kanyang paningin, maging ang kina Anam at Ditan, ay tumambad sa akin. Saka ko lamang napagtanto na kanina pa naglalakbay ang aking isipan.
 
“Patawad,” mahina kong sambit.
 
Inulit ni Ridge ang kanyang salaysay. Ayon sa kanya, nakabantay ang mga tagatanaw sa lahat ng hangganan ng Kaboloan upang maagap na makapagbigay ng anumang babala. Nanatili naman sa mga moog ang ilan naming mga mandirigma habang ang mga Kalakian ang nagsilbing tagabantay na lumilibot sa buong nayon.
 
“Ano ang lagay sa piitan?” tanong ko.

Napasikad si Ditan. “Dalawa na lamang ang nanatili,” tugon niya habang hawak ang isang kampilan, “ngunit malubha ang kanilang kalagayan.”

 
Muling gumapang ang takot sa aking katawan. Nakaawang lamang ang aking bibig sa kanyang tinuran. Dalawa ang nanatili mula sa halos tatlumpung bihag?
 
“Apo Sayi, tiyak na susugod muli ang mga taga-timog sa sandaling mabatid nila ang iyong ipinamalas,” ani ni Ridge. “Tiyak na nais nilang mapasakamay ang iyong kapangyarihan.”
 
Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan habang nanatili ang kanilang paningin sa akin.
 
“Hindi ko hahayaang mapasakanila ang kapangyarihan ni Apo Bulan,” sambit ko. “Ang Hara lamang ang aking pagsisilbihan.”
 
Sa gitna ng katahimikan ay nakadinig kami ng ingay mula sa labas ng Balay Parsua. Nagpalitan kami ng tingin at agad na kinuha ang aming mga sandata. Sabay-sabay kaming tumungo sa labas at bumungad sa amin ang bunton ng mga mandirigma at Kalakian na nakatingin sa bandang hilaga.
 
Ilang sandali pa ay nakadinig kami ng padyak ng mga kabayo mula sa hangganan ng Kaboloan at Samtoy. Tila pigil ang hininga ng bawat mandirigma, nag-aabang sa maaaring magpakita mula sa kagubatan . . . hanggang sa lumitaw ang aming hukbo na tumungo sa Agta.
 
“Hara!” sigaw naming lahat.
 
Agad na lumuhod ang mga mandirigma at Kalakian nang kanilang masilayan ang kanilang pinuno. Tila isang malaking tinik ang nabunot mula sa aking dibdib nang masilayan ko ang kanyang mukha. Ang kanyang wangis ay sapat na upang mapalagay ang loob ng lahat.
 
Bagama’t puno ng dumi at sugat ang kanyang balat ay hindi niya ito inalintana. Agad siyang tumungo sa Balay Parsua at sumunod ang kanyang mga gabay. Umupo siya sa gitna ng talaan at kami ay nagtipon sa kanyang harapan.
 
“Natanggap ko ang inyong ulat,” kanyang pagsisimula.
 
Agad naming isinalaysay ang mga kaganapan at tahimik silang nakinig. Nang makarating na kami sa pagligtas ni Handiran sa akin ay tila nabasag ang aking tinig. Isang impit na hikbi ang lumabas sa aking bibig nang ipaalam ko sa kanila na dinakip ng Namayan at Seludong si Handiran.
 
Itinuran din ni Anam ang pagkamatay ng mga bihag dulot ng aking kapangyarihan. Isang mahiwagang tingin ang ibinato ni Urduja sa akin ngunit agad ko iyong iniwasan.
 
Isang nakasusulasok na katahimikan ang muling bumalot sa talaan. Hindi man niya sambitin ay ramdam ng bawat punong gabay ang poot sa mukha ni Urduja.
 
“Maghanda kayo,” saad niya na siyang bumasag sa katahimikan. “Maglalakbay tayo tungo sa katimugan.”
 
Napatayo si Ridge, maging si Ditan, sa kanyang naging pasya.
 
“Ngunit, Hara—”

“Magat,” tawag niya na tila nagbabanta. “Batid ko ang iyong galing sa pagbabanghay ngunit hindi ito sapat.”


“Hara . . .” pag-ulit ni Ditan.


“Husto na ang ating pagsasanggalang sa ating kalupaan.” Isang malagim na tingin ang kanyang binitiwan. “Hindi ako makapapayag na ang hilaga ang patuloy na nagigipit. Kung nais nila ng digmaan, ibibigay ko iyon sa kanilang kalupaan.”

 
Sa ilang sandali ay walang gumalaw at nagsalita, hanggang sa sabay na tumayo sina Bagim at Anam hawak ang kanilang mga sandata.
 
“Sa ngalan ng Kaboloan,” sambit ni Bagim.
 
Muling tumingin ang tatlo sa amin, naghihintay sa aming pasya.
 
“Anuman ang mangyari ay ililigtas ko ang aking kaibigan,” mahinang saad ni Anam at agad na sumilay sa aking isipan si Handiran.
 
Bagama’t may pag-a-agam-agam ay tumayo rin ako bilang pag-ayon sa kanyang pasya. Ako ang dahilan ng kanyang pagkadakip kaya’t gagawin ko rin ang lahat upang siya ay mailigtas.
 
Walang nagawa ang dalawa kung hindi pumayag sa nais ng Hara kaya’t nakiisa rin sila sa kanyang pasya. Matapos ang pulong ay agad niya kaming pinaghanda sa paglalakbay.
 
Agad akong tumungo sa aking balay ngunit napahinto ako nang madaanan ko ang pook-dasalan. Unti-unting bumigat ang aking mga hakbang ngunit pinilit kong lakasan ang aking kalooban.
 
Nang makapasok ako ay agad kong natanaw si Iliway na nakahalimhim sa higaang yari sa dayami. Nakatapal sa kanyang buong katawan ang mga halamang-gamot at dalawang babaylan ang patuloy na nagdadasal sa kanyang tabi. Agad silang nagbigay-galang nang makita nila akong palapit sa kanila. Tumango ako at naglakad sila palabas ng pook upang iwan kami ni Iliway.
 
Mahimbing siyang nakahimlay at maputla pa rin ang kanyang mukha. Lumuhod ako sa kanyang tabi at marahang hinawakan ang kanyang kamay.
 
“Patawarin mo ako,” bulong ko. “Kung hindi lamang ako pinanghinaan ng loob ay hindi ito mangyayari.”
 
Pilit kong pinigilan ang nagbabadyang luha sa aking mata at hinigpitan ang paghawak sa kanyang kamay. Isang panalangin ang aking idinulog sa mga diyos at diyosa, humihiling na sana ay mayroong kahit isa man lamang na nakikinig.
 
“Hindi man paniwalaan ng kalahatan ay lagi kaming nakikinig.”
 
Halos mapasigaw ako nang makarinig ako ng tinig sa paligid. Nang imulat ko ang aking mga mata ay bumungad sa akin ang isang lalaki na nakaupo sa kabilang gilid ni Iliway.
 
Mayroon siyang suot na paimbabaw na siyang nagkukubli sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha. Ang itim niyang buhok ay nakatambad sa kanyang balikat. Gaya ni Ikapati ay nababalot din ng baging at iba’t ibang dahon ang kanyang katawan na tila mayroong sariling mga buhay.
 
Agad akong nagbigay-galang at yumukod sa kanyang harapan. Narinig ko ang kanyang impit na halakhak at muli akong tumingin sa diyos sa aking harapan.
 
“Ang ngalan ko’y Mapulon,” pakilala niya.
 
Sumagi ang kanyang tingin kay Iliway at bakas sa kanyang mga mata ang pagkaawa.
 
“Ang mga nasa bingit ng kamatayan ay madalas humihiling sa aking ngalan,” kanyang pagpapatuloy. “Bilang diyos ng panggagamot at kalusugan, ito ang uri ng mga hiling na aking nakikinggan.”
 
Tila nabuhayan ang aking loob nang marinig ko iyon mula sa kanya.
 
“Kung gayon, Apo Mapulon, maaari bang . . .”

Muling dumapo ang kanyang tingin sa akin. “Ngunit kaiba sa karaniwang hiling, tila ang iyong mga gabay ay mas nais masilayan ang iyong kaligtasan sa harap ng lagusan ng kamatayan.”

 
Kasabay ng paglubog ng aking puso ay ang paggapang ng kabalisahan sa aking dibdib. Sa aking isipan ay hindi ako karapat-dapat upang maging kapalit ng kanilang buhay.
 
“Ang digmaan ay kadalasang nangyayari sapagkat pumipili ang mga diyos at diyosa ng mga nayon at pinunong nais nilang katigan. Ngunit ang ilan sa amin ay pinipiling huwag pumanig sa anuman sapagkat kinakailangan kami ng sangkalahatan.” Isang malamlam na ngiti ang sumilang sa kanyang mga labi. “Ang pagdanak ng dugo ay nagsimula na kaya’t hindi na ito mapipigil pa.”

“Apo . . . ano ang . . .”

 
Bigla namang mayroong tumubong halaman sa balikat ni Iliway na siyang bumalot sa kanyang katawan.
 
“Tanggapin mo ang aking munting tulong, sisidlan,” sambit niya. “Kapalit ng ipinakita niyang masidhing malasakit liban sa kanyang sarili, siya ay mananatili sa iyong tabi.”

“Apo Mapulon,” sambit ko. “Ikinalulugod—”


“Ngunit sisidlan, ang lahat ng bagay ay mayroong kapalit,” dagdag niya. “Nawa’y ikaw ay handa sa habi ng iyong tadhana.”

 
Bago pa man ako makapagsalita ay naglaho na nang tuluyan ang hilagyo ng diyos ng kagamutan.
 
***
 
Inihanda ko ang aking mahiwagang kahoy at suot-pandigma. Paglabas ko ng aking balay ay sumalubong ang anyo ni Ridge habang nakasakay sa kanyang putting kabayo. Agad niya akong tinulungang sumakay roon at marahang pinatakbo ito tungo sa Balay Parsua.
 
Napatingala ako sa kalangitan at naroon pa rin ang tinta ng pula sa paligid ng buwan. Pagdating namin sa balay ay nakahanda na rin ang mga punong-gabay.
 
Tumango si Urduja at mabilis na tumakbo ang kanyang kabayo. Agad naman kaming sumunod sa kanya habang nasa likuran namin ang sampung mandirigma at sampu pang Kalakian na pinili nina Bagim at Anam batay sa kanilang kakayahan upang sumama sa paglalakbay tungo sa timog.
 
Sa loob ng dalawang araw ay narating namin ang kalakhang kapatagan na naghihiwalay sa timog at hilaga. Dumaan kami sa hangganan ng Lui-sin na siyang mas ligtas kaysa sa Sambal. Isa pa, ang nayon ng Tundun ang sasalubong sa amin kung iyon ang daang aming tatahakin.
 
Sa ikalawang gabi ay natanaw namin ang hangganan ng Lui-sin at Namayan. Nang masilayan iyon ni Urduja ay tila mas bumilis ang kanyang pagtakbo. Unti-unti na ring sumisilip ang araw kaya’t nais ni Ridge na magtago muna at sa pagkagat ng dilim isagawa ang pagsalakay ngunit hindi iyon pinakinggan ni Urduja.
 
Sa pagsikat ng araw ay nakarating kami sa katimugan at bumungad ang hukbo ng Namayan. Ilang mandirigma ang tumuro sa aming kinalalagyan at isang hukbo ang sumugod sa amin.
 
Sumigaw sina Bagim at Anam sa kanilang mga mandirigma at Kalakian ngunit lahat kami ay nagulat nang mag-isang sumugod si Urduja.
 
Sa kanyang ulunan ay sumilang ang marka ni Apo Init ngunit tila nagbago ang anyo nito. Ang mga sinag ng araw ay unti-unting naging tunay . . . hanggang sa mabalot nito ang kaanyuan ni Urduja.
 
Isang nakabibinging sigaw ang kanyang binitiwan kasabay ng pagtaas niya sa kanyang kampilan.
 
“Sa ngalan ng Kaboloan!”
 
At sa kanyang pagsugod ay aking naaninag ang hilagyo ni Apo Init sa kanyang likuran. Sa bawat pag-indayon ng kanyang kampilan sa mga kalaban ay natupok ang kanilang mga katawan ng apoy na tila yari sa init ng araw. At sa loob ng ilang sandali ay ang kanilang abo na lamang ang aming nasilayan.
 
Ang nagngingitnit na liyab lamang ng apoy sa kanyang kampilan ang tanging ingay na aming narinig matapos tangayin ng hangin ang alabok ng mga kalaban.
 
At sa halip na araw, ang sinag ni Urduja ang siyang sumalubong sa kalupaan ng Namayan. ​
​

<< Kabanata 35
Kabanata 37 >>

Comments
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads