Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 25

10/31/2019

Comments

 
Ilang araw makalipas ng aming pagbabalik mula sa Samtoy ay dumating naman sa aming nayon si Atubang Kayo at ilan pang mga Agta bilang pag-ayon sa kahilingan ni Urduja. Sa mga nagdaang gabi ay hindi ako nakatulog nang maayos dahil sa mga kaisipang patuloy na bumabagabag sa akin.

Ayon kay Malem, mayroon pang dalawang natatanging babaylan na maaari ring makapagbago ng kasaysayan at ang kanilang mga ngalan ay Ilati at Sinaya. Hindi ko batid kung saan at ano ang nayon na kanilang pinagsisilbihan ngunit tiyak na magtatagpo ang aming mga landas.

Narito ako ngayon sa pook-dasalan upang ikalma ang aking kaisipan. Patuloy pa rin ang aking pagsasanay sa paggamit ng mahiwagang pana ngunit hindi ko na muling maulit ang nangyari noong lumusob ang mga Sambal. Tila nanghihina lamang ang aking katawan sa tuwing nais kong palabasin ang kapangyarihan ni Bulan. Nais ko siyang hingan ng payo ngunit tahimik ang kanyang hilagyo nitong mga nakaraang araw.

"Tila maraming bumabagabag sa iyong isipan, katalonan."

Agad akong napalingon sa narinig kong tinig at aking nakita si Atubang Kayo na nakatayo ilang hakbang mula sa akin. Ni hindi ko man lamang napansin o naramdaman ang kanyang kilos.

"Atubang Kayo," tawag ko habang nakayuko sa kanya.

Naglakad siya patungo sa aking kinatatayuan at agad akong tumayo nang maayos nang siya ay nasa akin nang harapan.

"Idinulog na sa akin ng iyong mga gabay ang iyong agam-agam," aniya at muli kong naalala ang sinabi ni Handiran noong nakaraan."
"Atubang," muli kong yukod. "Maaari ninyo ba akong sanayin?"
"Matagal na panahon na noong huli kong nagamit ang aking kapangyarihan ngunit sa ngalan ni Datu Urang at Apo Sambilay, ikinalulugod kong tumulong sa iyong pagsasanay."

Sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang sabihin niya iyon ngunit nagtaka ako nang banggitin niya ang ngalan ng dating punong babaylan.

"Tulad mo rin ba si Apo Sambilay?" usisa ko.
"Siya nga. Isa siya sa pinakamalalakas na katalonan na aking nakilala ngunit namuhay siya sa panahong hindi pa kailangan ng mga diyos at diyosa ng mga natatanging sisidlan."

Sa ipinakitang panggalang ng mga babaylan at ni Urduja noong pumanaw si Apo Sambilay, batid kong isa siyang makapangyarihang sisidlan. Nais kong matulungan si Urduja sa kanyang dakilang adhikain kahit pa kapalit noon ay ang paghihirap sa pagsasanay na ito.

"Kung gayon, ikinagagalak kong tanggapin ang iyong pagsasanay," sambit ko.

Pagkabigkas ko niyon ay idiniin niya ang kanyang tungkod sa lupa at agad na bumalot sa kanyang paligid ang mga dahon at butil ng lupa. Kasabay no'n ay ang pagliwanag ng marka sa kanyang kanang kamay at ang simbolo ni Pawi sa kanyang ulunan.

"Nasaksihan ko ang pagdaloy ng kapangyarihan ng iyong pintakasi sa iyong katawan, ngunit nangyari lamang iyon dahil sa matinding damdamin na iyong ipinamalas. Bilang isang natatanging sisidlan, nararapat lamang na magamit mo ang kapangyarihan ni Bulan sa kahit anong kalagayan, hanggang sa maging kasindali na lamang ito ng iyong paghinga."

Matapos iyong sabihin ni Atubang Kayo ay tila nagkaroon ng alipuyo sa kanyang paligid kung saan mabilis na umiikot ang mga dahon at lupa. Sa paghampas ng dulo ng kanyang tungkod sa lupa ay agad na tumigil sa paggalaw ang mga ito at nag-iba ng anyo. Ang mga dahon ay tila naging mga patalim dahil sa talas ng kanilang paligid habang ang mga butil ng lupa ay unti-unting nagbubuklod na tila may kakayahang ilukob ang sinuman.

"Ang basbas ng ating pintakasi ay isang mabigat na tungkulin sapagkat dumadaloy sa ating katawan ang kanilang kapangyarihan. Kapangyarihang maaaring kumitil ng kayraming buhay sa isang iglap."

Halos hindi ko maisara ang aking bibig nang bigla na lamang sumalakay ang mga tila-patalim na dahon sa mga kapunuan at naputol ang mga katawan nito. Hindi ko na nais malaman pa kung gaano katalas ang mga dahon na iyon na nagawang patumbahin at putulin ang naglalakihang puno sa paligid.

Unti-unti namang nababalot ng lupa ang ilang punong nagsitumbahan at matapos ang ilang sandali ay agad akong napaatras nang makita ko ang nangyari. Ang mga luntiang nitong dahon ay naging tuyot at ang makapal na katawan ay kasingkapal na lamang ng isang tangkay.

Muling tumingin sa akin si Atubang Kayo at sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang kanyang makita ang takot sa aking mukha.

"Bilang sisidlan, ito ang ating pangunahing kakayahan. At bilang isang natatanging sisidlan, nais kong masaksihan ang hangganan ng iyong kapangyarihan."

***

Sa nagdaang mga araw ay nanatili ako sa pook-dasalan sa gitna ng kagubatan upang magsanay. Ayon kay Atubang Kayo, ang lakas-hilagyo ng isang sisidlan ay nakaugnay sa bilang ng mga diyos at diyosang kanilang nakatagpo at nakausap. Ilang diyos at diyosa na rin ang aking nakadaupang-palad at nananatili sa aking loob ang kanilang hilagyo ngunit hindi ko iyon magamit bilang kapangyarihan sapagkat hindi sapat ang aking kaalaman at pagsasanay.

Dumako ang aking paningin sa marka sa aking kamay. Mula sa aking mga karanasan, sa tuwing may panganib o hindi kaya'y pangitain lamang nagliliwanag ang mga markang ito; hudyat na maaari kong gamitin ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ni Bulan. Ngunit nais ni Atubang Kayo na magamit ko ito sa kahit anong panahon at sa aking kagustuhan.

"Apo Sayi."

Natigil ang aking pagsasanay nang marinig ko ang tinig ni Handiran sa aking likuran. Paglingon ko ay naroon sina Handiran at Iliway at agad silang lumapit sa aking kinatatayuan.

"Ipinapatawag ka ng Hara, Apo Sayi," ani ni Iliway. "Patungo na rin sa Balay Parsua ang iba pang mga punong gabay."

Napakunot naman ang aking noo sa biglaang pulong. "Nakarating na sina Hara Urduja at Ri—" Agad akong napahinto sa pagbigkas ng ngalan ni Ridge sapagkat hindi iyon ang kanyang pagkakakilanlan sa panahong ito. "at Magat?" pagtama ko.

"Gayon nga, Apo," sagot naman ni Handiran.

Matapos naming bumalik mula sa Samtoy ay muling naglakbay sina Urduja at Ridge patungo sa pinakahilagang bahagi ng kapuluan—ang Batanes, o mas kilala bilang nayon ng Idjang sa panahong ito.

Nais ni Urduja na mapalawig ang kanyang nasasakupan at magkaroon ng ugnayan sa mga nayon sa kahilagaan, lalo pa at may pagbabanta ang mga kaharian mula sa timog. Mula noong nakaharap niya si Lakan Tagkan ng Kaharian ng Namayan ay hindi na naalis ang agam-agam sa kanyang isipan. Batid niyang hindi iyon ang magiging huli nilang pagkikita, lalo na at inihayag ng lakan na nais niyang makuha ang aking kapangyarihan.

Sumunod ako kina Handiran at Iliway palabas sa kagubatan at napansin ko ang pagdami ng mga taong nais tumungo at umusisa sa balay-pulungan.

"Ano ang nangyayari?" pabulong kong tanong kay Handiran. "Bakit tila papunta ang mga tao sa balay-pulungan?"
"Sapagkat hindi lamang sina Hara Urduja at Magat ang nagbalik sa Kaboloan."

Nang marinig ko iyon ay nagmadali ako patungo sa Balay Parsua. Sa labas nito ay nagbubulungan ang mga taga-Kaboloan at bakas sa kanilang mga mukha ang magkahalong pagkamangha at pangamba.

Sa aking pagpasok sa balay ay dumako sa akin ang kanilang mga paningin at agad akong napahinto sapagkat hindi ako makapaniwala sa aking nakikita.

"Sayi, narito ka na."
"Hara."

Marahan akong naglakad patungo sa kanyang kinauupuan at ramdam ko ang pagtitig sa akin ng iba pang mga panauhin liban sa mga punong-gabay.

"Nais kong malaman ang kalagayan ng iyong pagsasanay."
"Nagkita tayong muli, katalonan."
"Siya ba ang iyong tinutukoy, Hara?"
"Ang basbas ni Kabunian . . ."

Sa aming harapan ay naroon sina Atubang Kayo, Babacnang Darata at dalawa hindi ko pa nakikilalang panauhin, ngunit mayroon na akong kaisipan sa kanilang pagkakakilanlan.
Makalipas ang ilang sandali ay tumayo si Urduja at agad na natahimik ang lahat.

"Sa aking mga punong-gabay, nais kong ihayag sa inyo ang magiging balangkas ng ating kadayangan," panimula niya. "Bilang tagapamuno ng isang dakilang kadayangan, batid kong hindi ko mapamamahalaan nang malapit at masinsinan ang bawat kanayunan, kaya't iminungkahi ni Magat na magtalaga ng pinuno sa bawat nayon na siyang magbibigay-ulat sa akin."

Bakas din sa mukha ng iba pang gabay liban kay Ridge ang pagkagulat sa binitiwang mga salita ni Urduja.

"Kung gayon, Apo Buralakaw, dinggin ang aking ngalan," saad niya at aking nakita ang paglitaw ng marka ni Apo Init sa kanyang ulunan.

Kasabay niyon ay ang paglabas ng hilagyo ni Apo Buralakaw, na siyang nangangasiwa sa mga panukala at mga panata ng mga namumuno sa bawat nayon. Hindi man nila nakikita ang diyos ay tiyak na batid nilang narito siya.

"Ibinibigay ko ang katayuan ng datu, na siyang magsisilbi bilang patnugot ng bawat nayong nasasakupan ng Kadayangan ng Hilaga, sa mga nararapat na katauhan." Tumingin siya sa apat na panauhin sa kanyang harapan. "Magmula sa araw na ito, kayo ay kikilalanin bilang Datu Kayo ng Nayon ng Agta; Datu Darata ng Nayon ng Samtoy; Datu Arayu ng Nayon ng Idjang; at Datu Lawig ng Nayon ng Golot."

At sa pagtatapos ng kanyang panata ay muling nagliwanag ang marka ng kanyang pintakasi—ang marka ni Apo Init. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi lamang sa ulunan ni Urduja lumitaw ang simbolo ng araw, kundi maging sa mga datu na kanyang itinalaga. Isang hudyat na kinikilala nina Apo Init ang apat bilang mga kasí o katuwang ni Urduja.

"Kung gayon, bilang Datu ng Agta, ako'y nagbibigay-pugay sa aking Hara," sabay yukod ni Datu Kayo kay Urduja.
"Gayon din ako, bilang Datu ng Samtoy," pagsunod naman ni Datu Darata.
"Pagpupugay sa Hara, mula sa Datu ng Idjang," dagdag ni Datu Arayu.
"At mula sa Datu ng Golot, ako ay nagbibigay-pugay sa iyo," sambit ni Datu Lawig.

Nagtaasan ang mga balahibo sa aking katawan nang makita kong nakayukod ang bawat datu ng nayon sa kanya.

"Pagpupugay sa Hara!" sigaw ni Anam at sumunod naman kami sa kanya, hanggang sa maging ang mga mamamayan sa labas ng balay ay sumigaw rin at nagbigay-pugay kay Urduja.

Matapos ng pagpupulong na iyon ay inihatid nina Urduja at ng mga gabay ang mga datu sa kani-kanilang mga kaabay na nakamasid din mula sa labas ng balay-pulungan. Doon ko lamang napagtanto na naroon din si Apo Malem, ang katalonan ng Samtoy at ngumiti siya sa akin nang nagtama ang aming mga mata.

Muli kong naalala ang dalawa pang natatanging sisidlan na kanyang isinalaysay sa akin noon.

"Kumusta ang iyong pagsasanay?" tanong ni Ridge kaya't nabaling sa kanya ang aking paningin.

Kaming dalawa na lamang ang naiwan sa balay-pulungan pagkat kasama ng mga datu sina Urduja at iba ang gabay.

"Nabalitaan kong nasa ilalim ka ng pagsasanay mula kay Atubang—ah, hindi na nga pala iyon ang kanyang pagkakakilanlan. Datu Kayo," pagtatama niya.
"Siya nga," sagot ko. "Ngunit hindi ko pa—"

Agad naman akong napatigil nang bigla na lamang may mga katagang naglaro sa aking isipan. Isang pangitaing dati ko nang narinig at muli na namang dumaan sa aking isip.

Sa paglisan ng isang sisidlan,
magsisimula ang kadiliman;
Sa pag-usbong ng bagong binhi,
paggalaw ng dakilang sanhi.

Sa aking pagkakatanda, unang dumaluhong ang mga katagang ito noong napunta kami sa nayon ng Agta. Tila may hindi magandang mangyayari sa mga susunod na paglubog ng araw at lalo lamang lumalalim ang aking mga pag-a-agam-agam.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Ridge nang sandali akong tumigil sa paggalaw at pagsasalita.
Umiling ako. "Sa tingin ko ay unti-unti nang nahahabi ang kasaysayan ayon sa paggalaw ng mga sisidlan at ng kanilang napiling pagsilbihan."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nalalapit na ang paghaharap ng mga natatanging sisidlan. Nalalapit na ang pag-aagawan ng mga pinuno sa kapangyarihan ng luklukan."
​

<< Kabanata 24
Kabanata 26 >>

Comments

Kabanata 24

10/1/2019

Comments

 
Nabalot ng nakasasakal na katahimikan ang balay-pulungan ng Samtoy matapos ang nangyari kanina. Magkarap sina Urduja at Babacnang Darata. Nakatayo si Bagim sa likuran ni Urduja at ganoon din ang kanang-kamay ng babacnang.
 
“Makikinig ako sa iyong salaysay, Babacnang Darata,” sambit ni Urduja habang nakatingin sa kanya.
 
Unti-unti nang bumabalik ang kulay sa mukha ng babacnang ngunit bakas pa rin dito ang takot at pag-aalala. Mula sa aming naabutan kanina ay tiyak na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang nayon.
 
“Nais nilang ibigay namin ang aming mga ani at malayang gamitin ang aming daan ng paglalakbay sa karagatan,” panimula ng babacnang. “Tiyak kong hindi iyon ang aming napagkasunduan noon kaya’t aking ipinaalala ang kanilang mga salita.”
“Ngunit hindi sila kasapi sa kasunduan,” pagtutuloy ni Urduja.
Tumango naman ang babacnang. “Siya nga. Sila ay kasapi ng isang bagong dinastiya.”
“Magat,” sabay tingin ni Urduja kay Ridge. “Maaari mo bang isalaysay sa amin ang iyong nalalaman?”
“Marapat lamang, Hara.”
 
Agad na inilatag ni Ridge ang kanina lamang niya ginawang mapa ng Tsina at ipinaliwanag ang pag-usbong ng bagong dinastiya na pinangalanang Ming at kung paano bumagsak ang Yuan. Muli akong namangha sa lawak ng kanyang kaalaman, hindi lamang sa ating kasaysayan, kundi ang ilan pang bansang naging kaugnay natin sa nakaraan.
 
Habang ipinaliliwanag iyon ni Ridge ay dumako naman ang aking tingin sa mga katalonan sa isang tabi. Nagtama ang aming paningin ng punong katalonan at batid kong mayroon siyang nais sabihin kaya’t marahan kaming lumabas mula sa balay-pulungan. Sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa dalampasigan kung saan dumaong ang mga Tsino ilang sandali lamang ang nakararaan.
 
“Ikinalulugod ko ang inyong pagtulong sa aming babacnang,” bati niya habang nakatingin sa malawak na karagatan.
 
May ilan mang bakas ng katandaan sa kanyang mukha at katawan ay nananatili pa rin ang kanyang kagandahan, lalo na noong tumama sa kanya ang sinag ng araw.
 
“Ang Hara ang nararapat mong kaluguran, katalonan,” sambit ko. “Ano ang iyong ngalan?”
“Malem, Apo Sayi,” tugon niya. “Ngunit hindi ang aking ngalan ang nararapat mong tandaan, kundi ang dalawa pang natatanging babaylan.”
 
Tanging ang malakas na paghampas lamang ng mga alon at hangin ang aming narinig sapagkat ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa aming pagitan matapos niyang sambitin ang mga katagang iyon. Paano niya nalaman ang tungkol dito?
 
“Sina Apo Angalo at Apo Anagolay ang aking pinaglilingkuran. Matagal na panahon na ang lumipas noong huli ko silang nasilayan ngunit nananatili sa akin ang iniwan nilang kakayahan.” Tahimik akong nakinig sa kanya at muli kong naalala ang dalawang diyos na kanyang binanggit. “Sandali man ay may kakayahan akong makita ang paghahabi ng tadhana. Gaya ni Apo Anagolay, isa lamang akong tagamasid. At ang nayon ng Samtoy ay mananatiling tagamasid. Ngunit dahil sa inyong ginawa ay nais kong ikaw ay tulungan.”
“Anong ibig mong iparating?”
“Nanatili ako sa tabi ng babacnang sa mahabang panahon at naging saksi sa ilang pagbabago ng mga nayon, ngunit sa panahong ito, hindi lamang iyon ang maaaring magbago kundi ang buong kasaysayan.” Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. “Bilang tagamasid, ikaw ang nais kong kilalanin bilang sisidlan.”
“Apo Malem . . .”
“Ilati at Sinaya. Iyon ang ngalan ng dalawa pang sisidlan. Ipagdarasal ko ang iyong tagumpay, Sayi.”
 
Matapos niyang bitiwan ang kanilang mga ngalan ay bumalik siya sa nayon at nanatili naman akong nakatayo roon. Pinagmasdan ko lamang ang malawak na karagatan at ang paglubog ng araw. Maya-maya pa ay naramdaman ko ang kanyang hilagyo.
 
“Apo Bulan,” tawag ko at inihayag niya ang kanyang anyo sa aking harapan.
“Ano ang bumabagabag sa iyong isipan, sisidlan?”
“Paano niya nalaman ang tungkol sa mga sisidlan?”
 
Dumako ang tingin ni Apo Bulan sa aming likuran kung saan naglakad si Malem.
 
“Hindi madaling magkaroon ng pintakasing tulad ni Anagolay,” saad niya.
“Maaari ko bang malaman kung bakit?”
“Sapagkat maaari nilang mabago ang habi at daloy ng tadhana. Dahil sa kakayahan ni Anagolay, na siyang ipinagkakaloob rin niya sa kanyang napili, ay labis na panganib ang lagi nilang kinahaharap. Kung kaya’t maikli rin ang kanilang buhay. Marahil ay siya na ang huli,” paliwanag niya at may lungkot akong naramdaman nang marinig ko iyon.
 
Nais ko pa sanang magtanong ukol sa dalawang sisidlan ngunit bigla na lamang nawala ang anyo ni Apo Bulan. Ilang sandali pa ay narinig ko ang pagtawag ni Ridge habang naglalakad patungo sa akin.
 
“Ano ang nangyari?” tanong ko nang makarating siya sa aking tabi.
Binigyan niya ako ng isang banayad na ngiti. “Pumayag si Babacnang Darata na maging bahagi ng kadayangan ng Hara bilang kabayaran sa kanyang pagkakaligtas,” tugon niya kaya’t agad akong natuwa.
“Kung gayon . . .”
“Siya nga. Maaari na nating gamitin ang bahaging ito ng karagatan sa pakikipagkalakalan.”
 
Ayon kay Urduja, hindi man malakas ang kanilang hukbo ay bihasa naman sa pakikipagkalakalan at pakikipagpalitan ng mga balita at kaalaman kaya’t nananatili silang ligtas laban sa mga karatig-nayon. Kung kasapi na ang Samtoy sa kadayangan ay magiging mas malawak ang ugnayan nito sa mga kaharian sa ibang bansa.
 
“Kung gayon ay hindi mo rin nailatag ang konsepto ng rehiyon sa kanila,” sambit ko nang maalala ko iyon.
Tumango si Ridge at tumingin sa karagatan. “Mas mainam naman ang nangyari kaya’t ayos lamang. Ngunit natitiyak kong magagamit din natin ito lalo na kapag nagtungo tayo sa malayong Hilaga.”
“Sa malayong Hilaga?”
Agad dumako ang kanyang tingin sa akin. “Sa Idjang.”
“Idjang.”
“Sa kapuluan ng Batanes.”
 
Matapos niyang sabihin ‘yon ay isang malaking alon ang humampas sa dalampasigan at agad kaming napaatras. Lumabas na rin sina Urduja at Bagim mula sa balay-pulungan kaya’t naglakad kami patungo sa kanila. Halos wala nang araw kaya’t minabuti naming agad nang umalis bago pa lumalim ang gabi.
 
Tinahak namin ang madilim na daan at napahigpit ako nang hawak kay Ridge dahil mas mabilis ang kanilang pagpapatakbo ngayon. Nang lumalim na ang gabi ay huminto kami malapit sa isang batis at muling gumawa ng tulugan si Bagim.
 
Tila walang balak dumalaw ng antok sa akin kaya’t bumangon ako at wala roon sina Urduja at Bagim. Tiyak na nagsasanay na naman ang dalawa.
 
“Nakamamangha, hindi ba?”
 
Napasigaw ako nang marinig ko ang tinig sa aking gilid at doon ko lamang napagtanto na gising din pala si Ridge. Isang malumanay na halakhak ang narinig ko mula sa kanya habang nabalot ako ng hiya.
 
“Tila mayroon ka na namang pag-aagam-agam,” saad niya habang nakatingin din sa direksyon nina Bagim at Urduja.
“Sa tingin mo ba ay si Urduja ang uupo sa luklukan? Siya ba ang pinunong babago sa kasaysayan?” tanong ko nang aking maalala ang salaysay nina Apo Bulan at Malem.
“Iyon ang aking kahilingan,” sagot naman niya. “Ngunit tanging panahon lamang ang makasasagot niyan.”
 
Nais ko ring magtagumpay si Urduja sa kanyang adhikain ngunit hindi maalis sa aking isipan ang mga tanong na natatakot akong malaman ang kasagutan:
 
Bakit walang mga kasulatan tungkol sa Kadayangan?
Bakit nawala si Urduja sa kasaysayan?
 
"Magpahinga ka na," mungkahi ni Ridge. "Mas mabuting isantabi mo muna ang iyong mga pag-aalinlangan."
 
Ilang sandali akong nanatiling nakatulala lamang hanggang sa bumigay na rin ang aking katawan at isipan. Mabuti ngang ipahinga ko na muna ito.
 
***
 
Makalipas ang ilang araw ay nakabalik kami sa Kaboloan at agad na sinalubong nina Anam at Handiran. Sa kanilang likuran ay nakasunod si Ditan na tila katatapos lamang sa kanyang pagpapanday.
 
"Anam, nais kong makausap si Atubang Kayo ukol sa pagsapi ng Samtoy sa aking Kadayangan. Maaari mo bang ipagbigay-alam iyon sa kanya?"
Agad na lumuhod si Anam. "Masusunod, Hara."
Dumako naman ang tingin ni Urduja sa amin ni Ridge. "Maaari na kayong magpahinga. Batid kong napagal kayo sa paglalakbay."
"Kung gayon, mauna na ako, Hara," paalam ni Ridge at naglakad siya palayo sa amin.
 
Ganoon din ang aking ginawa at pagdating ko sa aking balay ay napaupo na lamang ako sa higaan. Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan matapos ang mga nangyari noong mga nakaraang araw.
 
"Apo Sayi?"
 
Nang marinig ko ang kanyang boses ay doon ko lamang napagtanto na sumunod pala sa akin si Handiran. Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala kaya't pinilit kong ngumiti sa kanyang harapan.
 
Bilang isa ring babaylan, tiyak na batid niya ang aking nararamdaman, lalo na at pinagsilbihan niya rin ang nakaraang punong babaylan.
 
“Mayroon ka bang nais sabihin?” tanong niya at muli akong nagpakawala ng isang mabigat na buntong-hininga.
“Nababahala at natatakot ako sa maaaring mangyari,” pag-amin ko. “Isang malaking tungkulin ang nakaatang sa aking mga balikat. Natatakot akong hindi iyon magampanan nang mabuti."
 
Isang payak na ngiti ang kanyang ibinigay. "Kung gayon, kailangan mo lamang tiyakin na tama ang iyong tinatahak. Marahil ay panahon na upang ikaw ay magsanay."
 
Magsanay? Ng armas? Hindi ba't iyon na ang aming ginagawa tuwing magbabago ang hugis ng buwan?
 
"Ibang pagsasanay ang aking nais ipahatid, Apo."
Kumunot ang aking noo sa aking narinig. "Iba? Anong ibig mong sabihin?"
"Pagsasanay ng katawan ang binibigyang-halaga ng mga mandirigma. Ngunit bilang mga babaylan at katalonan, ang kainaman ng ating hilagyo ang mas mayroong kabuluhan."
"Ngunit paano . . ."
"Kailangan natin ng kanyang tulong."
"Sino ang iyong tinutukoy."
"Gaya mo ay isa rin siyang sisidlan at nagsanay kasabay ng pumanaw na punong babaylan. Ang pinuno ng Agta, si Atubang Kayo."
 
Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa aking balay at naramdaman ko ang pag-init ng marka sa aking mga kamay.
 
Marahil ito na ang takdang panahon upang harapin ang aking tungkulin.
Isang pagsasanay sa ilalim ng atubang.
Isang sisidlang gagabay sa aking kapangyarihan.

<< Kabanata 23
Kabanata 25 >>

Comments
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads