Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 40

11/25/2020

Comments

 

ang huling habilin
​

Tila isang walang lamang sisidlan lamang ang babaeng hatak ni Ditan. Walang buhay ang kanyang mga mata at nagpapahila na lamang sa kung saan man kami tutungo.
 
Nanatili kaming nakasunod ni Ridge habang nakaalalay siya sa akin. Tila bibigay na rin ang aking mga binti ngunit nais kong tulungan sina Urduja sapagkat ako lamang ang maaaring makapigil kay Ilati.
 
Ilang sandali pa ay muli kong natanaw sina Bagim at Anam. Tiyak na nais din nilang tumungo sa Hara ngunit kaiba sa mga karaniwang mandirigma ay malakas ang kanilang mga kaharap.
 
Halos manindig ang aking mga balahibo nang masilayan ko sina Urduja, Lakan Silang at Ilati. Namumukod-tangi ang kanilang mga hilagyo at walang nagtangkang lumapit sapagkat kamatayan lamang ang kanilang makakamit.
 
Ang anyo ng kanilang mga diyos at diyosang pinagsisilbihan ay unti-unting nagiging tunay at hindi na lamang katipunan ng liwanag sa kanilang likuran. Kaiba sa kadalasang hilagyo ay matayog ang kanilang anyo. Halos kalahati lamang ng kanilang mga katawan ang kanilang mga pintakasi.
 
Ngayon ko lamang din natanaw ang hilagyo nina Dumakulem at Anitun Tabu. Nababalot ng mga markang kahalintulad sa mga mandirigma ang pangangatawan ni Apo Dumakalem at ang kayumanggi niyang kulay ay tila sumasalamin sa kalupaan sa kabundukan. Sa kanyang likuran ay mayroon malaking pana at hawak naman niya sa kanang kamay ang isang palakol. Ang kanyang itim at mahabang buhok ay tila mga baging at sanga. Maamo ang kanyang mga mata ngunit bakas din sa mga ito ang kahusayan sa pakikipaglaban. Samantala, kawangis ni Anitun Tabu si Apo Bulan ngunit higit na marahas ang kanyang kaanyuan. Tila umaalong tubig ang kanyang gayak at puti lamang ang kanyang mga mata.
 
Agad kong hinila ang braso ni Ditan kaya’t nabaling ang kanyang tingin sa akin.
 
“Hindi ka maaaring tumungo roon,” sambit ko at sumulyap ako kay Ridge. “Manatili muna kayo rito at kung maaari ay tulungan ninyo sina Bagim at Anam.”

“Sayi . . .” ani ni Ridge. “Ngunit—”

“Tanging ang mga sisidlan at pinuno na lamang ang makatatagal sa labang iyon.”
 
Muli akong napatingin kay Ditan. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot at pagsisisi. Nais kong tanungin kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon ngunit sa aking isipan ay batid ko na ang dahilan. Humigpit ang kanyang hawak sa kamay ng babae na nakatingin lamang sa kawalan.
 
Nagulat ako nang bigla na lamang ngumiti si Ditan at iniabot niya sa akin ang kampilan na kailanma’y hindi niya ginamit sa labanan. Halos kawangis ito ng gamit ni Urduja ngunit yari ang puluhan nito sa ginto.
 
“Maaari bang ibigay mo ito sa Hara?” malamlam niyang pakiusap at marahan ko itong tinanggap. “Ito ang pinakamainam kong likha—ang sandatang inalay ko sa nakaraang pinuno,” paglalahad niya. “Sa pagpanaw ni Datu Urang ay inihabilin niya ang kanyang kampilan sa akin. Nais niyang ipamana ito kay Uriyan ngunit maging ang magiting niyang binata ay napaslang. Sa nagdaang panaho’y hindi pa sapat ang tiwala ng Kaboloan sa prinsesa ngunit sa pagkakataong ito ay lubos kong pinauubaya sa kanya ang aking buhay at karangalan bilang punong-panday.”
 
Isang malungkot na ngiti ang kanyang pinakawalan habang nakatanaw sa kinaroroonan ni Urduja. Datapwa’t siya ang may katandaan ay hindi maiaalis na umaasa’t nagtitiwala rin siya sa Hara bilang pinuno.
 
“Masusunod, Ditan,” sambit ko.
 
Bagama’t hapo pa rin ay pinilit kong tumungo nang mabilis sa kanilang kinatatayuan. Halos tangayin ako ng napakalakas na paghampas ng hangin kaya’t tinawag ko ang hilagyo ni Apo Ikapati upang panatilihin ang aking mga paa sa kalupaan.
 
Agad akong nagpakawala ng palasong yari sa liwanag ng buwan sa kinaroroonan ni Ilati sapagkat pinagtutulungan na nila si Urduja. Isang mabalasik na huni ang dumagundong nang tumama ito sa tipak ng lupang lumulutang dahil sa kapangyarihan ni Lakan Silang at Dumakulem.
 
Nalipat ang kanilang pansin sa akin at nagtama ang paningin namin ni Urduja. Isang mabilis na pagkakaintindihan ang namagitan sa amin at agad kong inihagis ang kampilan na aking hawak.
 
“Apo Bulan, dinggin ang aking ngalan,” bulong ko at agad kong naramdaman ang pagdaloy ng kanyang hilagyo at ang pagsilang ng kanyang anyo sa aking likuran.
 
Isang matamis na ngiti ang binitiwan ni Ilati habang nakatingin sa akin.
 
“Kung sumuko ka lamang sisidlan,” sambit niya. “Kung inialay mo lamang ang iyong kakayahan at ngalan sa aming lakan ay hindi na kailangan pang humantong sa ganitong pangyayari.”

“Hindi ko kailanman ipagkakanulo ang aking sinumpaan,” sagot ko. “Ang aking katapatan ay sa Hara at sa Kaboloan.”

​“Mayroon bang kakayahan ang Kaboloan upang lumaban sa Kaharian ng Tundun?” balik niya. “Hindi ba’t nalupig ang inyong kalupaan at pinaslang ang dati nitong pinuno?”
 
Muli kong naalala ang salaysay ni Urduja tungkol doon. Kung paanong namatay sa digmaan ang kanyang ama at nakatatandang kapatid sa kamay ng lakan ng Tundun. Kung paanong maging siya ay muntik nang paslangin kung hindi lamang siya iniligtas at itinakas ni Bagim mula sa kanyang balay.
 
“Tanging ang Seludong lamang o hindi naman kaya’y ang Kaharian ng Sugbu mula sa karagatan sa katimugan ang may kakayahang harapin ang lakas ng hukbo ng Tundun. Isang kasayangan ang hindi magamit ang iyong kakayahan ngunit mas makabubuting mawala na lamang ang Kaboloan kaysa magamit ng Tundun ang inyong kapangyarihan.”
 
Sa pagkumpas ng kanyang kamay ay tila naging maliliit na palaso ang mga patak ng ulan na tumungo sa aking kinatatayuan, habang nabalot ng mabangis na hangin ang kanyang kaanyuan, at ganoon din si Anitun Tabu. Naramdaman ko ang pagdaloy ng mas matinding kapangyarihan sa aking katawan. Gumalaw nang kusa ang aking mga kamay at batid kong kawangis nito ang tindig ni Apo Bulan sa aking likuran.
 
Sa isang iglap ay nilamon ng dilim ang paligid at isang napakatayog na alon ang sumilang mula sa likuran. Halos bumagsak ang aking mga braso dahil nadama ko ang bigat ng mga ito. Tila hawak ko ang katubigan mula sa ilog. Sa paggalaw ng aking kamay ay umindayog ang alon at nilamon nito ang mga palasong yari sa tubig ulan.
 
Hinayaan kong pamahalaan ni Apo Bulan ang aking katawan at sa bawat paggalaw ng dalawang diyosa ay tila nagngingitngit ang kalupaan at kalangitan. Sa kabilang banda naman ay patuloy na nagliliwanag ang anyo ni Urduja habang tila lalong naging matipuno ang pangangatawan ng lakan . . .
 
. . . ngunit higit na mas mapangahas ang mga dali ni Urduja dala ng galit. Ang ningas ng apoy na siyang bumabalot sa kanyang katawan ay tila kulay dugo. Ang dalawang kampilan na kanyang hawak ay nagmistulang mga sinag ng araw.
 
Agad kong napansin ang saglit na pagkabalisa sa mukha ni Ilati nang mabaling din ang tingin niya sa dalawang pinuno. Bago pa man ako makagalaw ay dinala siya ng hangin sa kanilang direksyon.
 
“A-apo Bulan . . .”
 
Mabilis na tumugon sa aking hiling ang diyosa at muli kong naramdaman ang pagdaloy ng lakas sa aking mga binti. Agad kong sinundan si Ilati ngunit mas mabilis ang kanyang paggalaw. Tumilapon ang katawan ni Urduja gawa ng hanging tila ipu-ipo na humarang sa pagitan niya at ng lakan.
 
“Hara!” sigaw ko habang papalapit sa kanya ngunit bigla na lamang lumutang ang lupang aking kinatatayuan.
 
Sa paghampas ni Lakan Silang ng kanyang kamay ay bumagsak ang tipak ng lupa at bumaon ang kalahati ng aking binti.
 
Napansin ko ang dumadaloy na dugo sa kanyang baywang at kung papaano siya alalayan ni Ilati kaya’t agad kong ginamit ang kakayahan ng pulang buwan. Tila naging pula rin ang aking paningin at sa isang iglap ay narinig ko ang impit na pagsigaw ng lakan.
 
“Lakan!”
 
Halos mawalan din ako ng malay matapos kong gamitin ang natitira kong lakas upang mawala ang kamalayan ng lakan. Nagulat na lamang ako nang may humawak sa aking braso at pilit akong hinatak. Pagtingin ko ay sumalubong ang hapong mukha ni Urduja.
 
Halos mabalot ng mga sugat ang kanyang mga kamay at mayroong bakas ng dugo sa kanyang mukha. Nang tuluyan akong makalaya mula sa tipak ng lupa ay muli kaming humarap kina Ilati at Lakan Silang ngunit unti-unti na silang dinadala ng hangin.
 
Kahit papaano ay mayroong katiting na kaginhawaan akong nadama nang makita ko ang kanilang pag-urong ngunit nabahala ako nang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Ilati.
 
“Hindi man ito ang inaasahan kong katapusan ay hindi na rin masama,” sambit niya. “Sa huli, Ang kaharian ng Seludong at Tundun pa rin ang magwawagi at magtatapat sa luklukan.”
 
Hindi ko mawari kung ano ang nais niyang ipahatid sa kanyang salaysay. Sa tulong ng ulan at hangin ay agad silang nawala sa aming paningin at kasabay noon ay ang pagbigay ng mga tuhod ni Urduja.
 
“Hara!”
 
Natanaw ko mula sa hindi kalayuan ang pagtakbo nina Anam at Bagim sa aming kinatatayuan at bakas ang takot sa kanilang mga mukha. Mayroon silang isinisigaw ngunit sa lakas ng hangin ay hindi ko matiyak ang mga salitang kanilang binibitiwan . . .
 
. . . hanggang sa nanindig na lamang ang aking mga balahibo nang maramdaman ko ang malagim na presensiya sa aming likuran.
 
Si Lakan Tagkan na siyang kaharap ni Bagim kani-kanina lamang ay nakasakay sa kabayo habang nakatutok ang sibat sa aming kinalalagyan. Nababalot na ng dugo ang kanyang katawan at tila nais na lamang niyang kitilin si Urduja bilang pagganti sa nangyari sa kanyang nayon, lalo na at umatras na sa laban ang Seludong.
 
Pinilit kong tumayo ngunit maging ang hilagyo ni Bulan ay naglaho na sa aking likuran. Samantala, tila naubusan na rin ng lakas si Urduja, ngunit pinilit niyang tumayo gamit ang isang kampilan bilang tungkod.
 
“O, Parsua, diyos ng kalangitan, nawa’y gabayan sa huling laban,” bulong niya habang nakatingin sa papalapit na lakan. “Sa aking paghimlay, hiling ko’y kaligtasan ng aking mga gabay.”
 
Halos gumapang ako tungo sa kanya habang nanginginig ang kanyang mga kamay mula sa paghawak lamang ng kampilan. Isinigaw ko ang kanyang pangalan at pilit na humiling kay Apo Bulan na siya ay iligtas sa huling pagkakataon.
 
“Sa ngalan ng Namayan!” bulyaw ni Lakan Tagkan at nanubig na lamang ang aking mga mata nang makita ko ang kahihinatnan naming dalawa . . .
 
. . . ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang sumalubong sa aming mga mata.
 
Sa halip na tumama kay Urduja ang sibat ay si Ditan ang sumalo nito gamit ang kanyang katawan.
 
“DITAN!”
 
Ilang sandali pa ay nakarating sina Bagim at Anam at mabilis nilang itinumba si Lakan Tagkan mula sa kanyang kabayo.
 
Nanatili si Ditan na nakatayo sa harapan ni Urduja habang nakatagos sa kanyang katawan ang sibat. Isang malamlam na ngiti ang kanyang binitiwan habang nakaguhit ang pagkabigla at sakit sa mukha ni Urduja.
 
“P-patawarin mo ako, Hara,” mahina niyang sabi. “Ito lamang ang aking kayang gawin kapalit ng aking pagtataksil sa ating nayon.”
 
Tila batid din ni Urduja ang ibig sabihin ni Ditan at lalo lamang gumuhit ang pighati sa kanyang mga mata.
 
“Noong tayo’y sinupil ng Tundun ay kayraming bata at babae ang kanilang kinamkam. Nawala ang aking pamilya at tinanggap ko nang hindi ko na muli silang masisilayan. Ngunit nang sumugod ang mga Namayan sa unang pagkakatao’y lihim na ipinaalam sa akin na ipinagbili ang aking kabiyak bilang alipin ng lakan.”
 
Saglit siyang tumingin sa kalayuan at tiyak na naroon ang babaeng hawak niya kanina kasama ni Ridge. Bigla na lamang siyang lumuhod sa harapan ni Urduja at dumaloy ang luha sa kanyang mukha.
 
“Isinumpa ko sa himlayan ni Datu Urang na ang aking katapatan ay sa Kaboloan lamang ngunit sa huli, itinatwa ko ito alang-alang sa kaligtasan ng aking kabiyak. Sa huli, ang aking katapatan ay sa aking sarili.” Nagtuluy-tuloy ang pagdaloy ng dugo mula sa kanyang dibdib at unti-unti na ring nawawala ang sigla sa kanyang mukha. “H-hara, maiintindihan ko kung kailanma’y hindi mo ako mapapatawad, ngunit walang sala ang aking kabiyak. Nais kong maghilom ang kanyang isip at damdamin. Nais kong mamuhay siya nang mapayapa sa Kaboloan.”
 
Bigla na lamang bumagsak ang kanyang katawan, dahilan upang lumuhod din si Urduja at alalayan siya. Napatakip na lamang ako sa aking bibig nang masilayan ko ang tahimik na pagpatak ng luha mula sa mga mat ani Urduja habang hawak ang tila-babasaging kamay ni Ditan.
 
“H-hindi ako naging mabuting gabay sa iyo rito sa kalupaan, ngunit titiyakin kong gagabayan kita mula sa Kaluwalhatian, Prinsesa Urduja,” bulong niya habang nakangiti nang taimtim sa Hara. Tumingin siya sa kalangitan at nagpakawala ng hininga. “Nawa’y maisakatuparan mo ang iyong dakilang adhikain, Prinsesa. Nasa iyong mga kamay ang kapangyarihan.”
 
At sa pagbitiw niya ng mga salitang iyon ay tuluyan nang pumikit ang kanyang mga mata at ang pagkawala ng kanyang hilagyo.
 
Sa kalupaan ng Namayan ay pumanaw ang dalawang gabay ng Kaboloan. Ngunit bago pa man makapagluksa ay bigla na lamang lumitaw sa aming harapan si Raniag at mayroong bakas ng dugo sa kanyang kasuotan.
 
“Ano ang nangyari sa iyo, Raniag?” tanong ni Urduja.
 
Sabay namang lumapit sina Anam at Bagim habang hawak ni Bagim ang pinugot na ulo ng Lakan. Doon ko lamang napansin na itinanghal ni Anam ang katawan ni Lakan Tagkan sa gitna ng kalupaan ng Namayan ang sinapit ng kanilang lakan—isang katibayan na sila ang talunan sa laban.
 
Ilang sandali pa ay nasilayan ko rin si Ridge at ang kabiyak ni Ditan sakay ng isang kabayo. Muling nagparamdam ang lumbay sa aking puso nang makita ko kung paano niya tingnan ang katawan ni Ditan. Walang anumang emosyon sa kanyang mukha ngunit mayroong pahiwatig ng malasakit sa kanyang mga mata.
 
“H-hara, ang Kadayangan,” sambit ni Raniag kaya’t muling nabaling sa kanya ang aming pansin.

“Ano ang ibig mong iparating?”


“Isa lamang itong paglihis ng pansin,” halos nanginginig niyang tugon. “Ang pagtungo ng pangunahing hukbo ng Kadayangan sa timog ay kasama sa kanilang banghay. Ngayo’y walang magliligtas sa Kaboloan at ang hukbo ng Tundun ay nakarating na sa kabundukan. Ang mga datu ay nasa kani-kanilang nasasakupan kaya’t matatagalan ang dagdag na mandirigma.”

 
Nanlamig ang aking katawan nang marinig ko iyon mula kay Raniag. Sa aming pagkakaalam ay tumigil sa paglalakbay sina Lakan Gambang ng Kaharian ng Tundun sapagkat ginamit lamang ang kanilang hukbo upang ilihis ang aming pansin sa pagsugod ng Sambal at Namayan sa Kaboloan noong nadakip si Handiran.
 
“Ito ang aking kinatatakutan,” mahinang bigkas ni Ridge. “Kapwa nilang ginamit ang hukbo ng Tundun at Namayan upang malito ang ating pangkat, ngunit sa huli, kahit sino pa man ang ating harapin, ay tiyak na malilipol ang Kaboloan ng hukbong ginamit sa panlilinlang.”
 
“Hindi maaari . . .”
 
Pilit na tumayo si Urduja ngunit muling bumigay ang kanyang katawan. Agad naman siyang naalalayan ni Bagim at mabilis na ipinasan sa kanyang mga braso.
 
“Hara, tungkulin mong maging matatag bilang pinuno ng kadayangan,” sambit niya at nagsimulang maglakad tungo sa naiwang kabayo ng pumanaw na lakan. “Huwag kang mag-alala, anuman ang mangyari ay mananatili kami sa iyong tabi.”
 
Gayon din ang ginawa ni Anam at marahan niyang inilagay ang katawan ni Ditan sa likod ng kabayong nakalaya mula sa namatay na mandirigma. Isinakay niya rin ako sa kanyang harapan at madaling naglakbay ang aming pangkat pabalik sa Kaboloan.
 
At sa gitna ng katahimikan, batid kong hindi pa matatapos ang kadiliman.
​


<< Kabanata 39
Kabanata 41 >>


Comments
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    March 2021
    February 2021
    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads