pag-usbong ng liwanagPatuloy ang paghampas ng marahas na hangin at ulan. Mula sa kalayuan ay tanaw ko pa rin ang isa sa mga natatanging sisidlan katuwang ang kanyang pinagsisilbihang lakan, sina Ilati at Lakan Silang ng Seludong. "Ilati, iyong isakatuparan ang aking mithi," malumanay na hayag ng lakan na taas-noong nakatindig sa kanyang kabayo. "Masusunod, aking Lakan," sambit ni Ilati. Hanggang ngayon ay hindi ko tiyak kung papaano ko napakikinggan ang kanilang usapan ngunit batid kong hindi kaaya-aya ang mga susunod na mangyayari. Sa paghagupit ng tila latigong hangin at mala-palasong mga patak ng ulan, pilit kong tiningnan ang kalagayan mula sa ibaba. Agad ko namang naaninag ang anyo ni Ridge na patuloy na lumalaban sa mga nananakop. Sa kabilang banda naman ay mag-isa pa rin si Datu Kayo habang gamit ang kanyang kakayahan bilang sisidlan ng pintakasi upang pigilan ang pagsulong ng hukbo ng kalaban. Tila huminto ang aking paghinga nang bigla na lamang sumilay ang tingin ni Ilati sa aking kinalulugdan. Isang nakapangingilabot na ngiti ang kanyang ibinigay at doon ko napagtanto ang tunay nilang nais makamtan. Ang binhi. Muli kong narinig ang pag-iyak ni Raniag habang pilit na isinisilang ang kanyang anak. Marahil ito ang dahilan kaya't narito ang mga mandirigma sa Seludong. Sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Ang marahas na hangin ay tila naglaho sa alapaap. Ang matutulis na patak ng ulan ay tumigil sa pagbuhos. Isang nakalalagim na katahimikan ang bumalot sa buong kagubatan. "Sa ngalan ng aking pintakasi, Anitun Tabu, dinggin ang aking mithi." Ang nakahihindik na katahimikan ay napalitan ng nakabibinging hiyaw ng hangin, at nagsimulang bumuhos ang ulan nang pahalang . . . patungo sa aking kinatatayuan. Tiyak na malilipol ang anumang pook na tatamaan ng mala-bagyong pagsalakay na iyon. Agad akong nag-isip kung sinong diyos o diyosa ang maaaring hiraman ng kakayahan ngunit hindi tugma ang kanilang kapangyarihan sa mga elementong tulad ng hangin at ulan. Napatakbo ako sa loob upang maging sanggalang ni Raniag. "A-apo . . ." Bakas ang pag-aalala at takot sa kanyang mukha habang nakatanaw kami sa palapit na delubyo. Binigyan ko siya ng ngiti at humarang sa kanyang paningin. "Huwag kang mag-alala, narito ako," malumanay kong sabi. Ako'y humiling kay Bulan na kahit papaano ay mailigtas si Raniag kahit hindi sakop iyon ng kanyang kapangyarihan. Ramdam ko na ang hagupit ng kapangyarihan ni Ilati patungo sa balay na ito kaya't pinilit kong maging mahumpay sa harapan ni Raniag. Hinintay ko ang pagdaluhong ng mga palasong patak ng ulan sa aking katawan ngunit bigla na lamang dumilim ang paligid at hindi na muling narinig ang hangin at ulan. Dahan-dahan akong lumingon at agad kong natanaw ang malalagong dahon at katawan ng puno na siyang nakatabing sa mga bintana. "A-ama . . ." iyak ni Raniag at ilang sandali pa ang makalipas ay unti-unting umatras ang kalikasang nagligtas sa amin. Sumama ang aking kutob at dali-daling lumabas, nananalanging sana ay mali ang aking nararamdaman. Ngunit nang tumingin ako sa kinatatayuan ni Datu Kayo ay agad akong napasinghap. Walang-imik siyang nakatayo roon habang may sibat na nakabudlong sa kanyang dibdib. Sa halip na iligtas niya ang kanyang sarili ay pinilit niyang iligtas kami. At ang pagitan ng layo ng aming kinalulugaran ay tiyak na nangangailangan ng malaking halaga ng hilagyo. "O, diyos ng Agta, Gutugutumak-kan, nawa ay bigyang basbas ang aking anak at ang kanyang anak, sila ay iligtas mula sa kamay ng mga ibaba. Iyon ang aking nais," bulong ni Datu Kayo habang patuloy na dumadaloy ang kanyang dugo sa lupa. Sa isang iglap ay nagsi-usbungan ang malalaking mga ugat ng punongkahoy sa kalupaan. Nagkulay-dugo ang mga ito at walang habas na sinalakay ang mga manlilipol habang ang ilang ugat ay naging kalasag ng Atubang. Nandilim ang aking paningin nang makita ko ang kalagayan ni Datu Kayo. Tila nag-init ang dugo sa aking katawan, at galit ang aking tanging nararamdaman. Isa lamang ang aking nais makamtan—ang saktan ang nagdulot ng kanyang kinasapitan. Muling nagdilim ang kalangitan, ngunit hindi dahil sa pagtakip ng mga ulap sa araw. Sa ngalan ni Bulan, ay lumitaw ang kabilugan ng buwan at tinakpan ang liwanag. Nilamon ng kadiliman ang kagubatan at ang ilan ay tumingin sa kalangitan. "Huwag kayong titingin sa araw!" rinig kong sigaw ni Ridge sa mga Agta. Ang ilang mandirigma mula sa Seludong ay tumingala ngunit agad din itong pinagsisihan. Unti-unting nasunog ang kanilang mga mata hanggang sa abo na lamang ang matira sa kinalalagyan ng mga ito. Muli kong naramdaman ang pagdaloy ng kapangyarihan ni Bulan sa aking mga ugat at ang kulay pilak na liwanag na bumabalot sa aking katawan. At gaya ng buwan, ang aking hilagyo ang nagsilbing liwanag sa gitna ng kadiliman. "Ang lupaing ito ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Hara," mariin kong sambit, sapat upang umalingangaw sa buong kagubatan. "At hinding-hindi ko mapapatawad ang sinumang lumapastangan sa kanyang adhikain." Ang mga mandirigmang nakasilay ang paningin sa akin ay unti-unting naging abo, hindi lamang ang kanilang mga mata, kundi ang buo nilang katawan. Tumingin ako sa kalayuan at naroon pa rin sina Ilati at Lakan Silang kaya't hinugot ko mula sa aking baywang ang kahoy na siyang naging pana. "At sa inyo, kayo'y pagbabayarin ko sa inyong ginawa," bulong ko. Itinutok ko ang pana sa ulo ng lakan ngunit agad silang nabalot ng kalupaan. Humiwalay ang isang tumpok ng lupa at iniangat ang dalawa. "Mapangahas," sambit ng lakan. "Hindi ito ang pook ng aking kamatayan, sisidlan." "Magkikita tayong muli, natatangi," dagdag ni Ilati. "At sa panahong iyon, ang mga sisidlan ang magpapasya kung sino ang nararapat sa luklukan . . . sa gitna ng madugong digmaan." Unti-unting dinala ng hangin ang tipak ng lupa kung saan sila nakatayo. Umigting ang nararamdaman kong poot at tinawag ang isa pang diyos. "Ikapati, dinggin ang aking nais." Bilang diyos ng ani ay batid niya ang lahat ng halaman, maging ang nagtataglay ng lason. Sa pagdaloy ng kanyang ngalan at kapangyarihan sa aking hilagyo ay nabalot ng hindi nakikitang lason ang dulo ng aking palaso, ngunit kasabay niyon ay ang pagbigat ng aking balikat at on ng aking hinga. "Sa ngalan ng Atubang, nawa ay inyong maramdaman ang sakit na kanyang nakamtan." Isang nakabibinging tunog ang umalingawngaw sa kagubatan kasabay ng pagsalakay ng dalawang palaso patungo sa babaylan at lakan. "Hangal," sabay iling ni Ilati. Malakas na humampas ang hangin sa kanilang paligid, ngunit gumuhit ang pagkalito sa kanilang mga mukha nang patuloy pa rin ang pagdali ng aking mga palaso. Isang malamig na ngiti ang sumilay sa aking mga labi. "Siya nga," ani ko. "Hangal lamang ang siyang kayang maliitin ang kapangyarihan ni Bulan." Sinubok nilang iwasan ang mga palaso at dumaplis lamang sa kanang balikat ng lakan ang isa habang nagawa namang umilag ni Ilati. Bago ko pa man masilayan ang mukha ng lakan ay nabalot na sila ng ulan at lupa. Hindi man napuruhan ay tiyak na nakasusuklam ang sakit na kanyang nararamdaman. Tila mapaglaro ang kapalaran sapagkat kasabay niyon ay ang pagkaubos ng aking lakas-hilagyo. Agad na lumisan ang kapangyarihan nina Bulan at Ikapati sa aking katawan. Napatingin ako sa kalangitan at unti-unti ring nawala ang pagharang ng buwan sa araw. Nanindig ang aking mga balahibo nang bigla na lamang may narinig akong pag-iyak sa loob ng balay at doon ko napagtanto na tuluyan nang naisilang ni Raniag ang kanyang anak. Nakarinig naman ako ng kaguluhan sa ibaba. Tila bumagsak ang aking puso nang makita ko ang pagbagsak ng katawan ni Datu Kayo sa lupa habang tumatakbo ang mga Agta sa kanyang kinaroroonan. Muli kong nakinggan ang pangitaing aking iniiwasan. Sa paglisan ng isang sisidlan, magsisimula ang kadiliman; Sa pag-usbong ng bagong binhi, paggalaw ng dakilang sanhi. Dumaluhong sa buong kagubatan ang masiglang pag-iyak ng anak ni Raniag at kasabay niyon ay ang pagbabalik ng liwanag sa kalangitan. Ang huling liwanag na aming masisilayan. Tuluyang nawala ang lakas sa aking katawan at nagdilim ang aking paningin. Hindi na ako nakagalaw sa aking kinatatayuan at naramdaman ko ang paghulog ng aking katawan mula sa mataas na balay. Sa pag-usbong ng kanyang araw, kadiliman ay muling dadalaw; Kapalit ng kanyang sinag, haligi'y papawian ng liwanag. Isang panibagong pangitain ang aking narinig ngunit hapo na ang aking isip. Pilit kong ibinukas ang aking mga mata at mula sa itaas ay natanaw ko si Bulan at ang isa pang diyosang aking nakita sa balay kanina. "Iyo nang nahanap ang nararapat na buwan," sambit ng diyosa. "At siya ay magliliwanag kasabay ng kanyang araw at mga tala." Lumisan ang kanilang hilagyo at unti-unti na ring tumatakas ang aking diwa. "Cyrene!" Isang tinig ang aking narinig mula sa ibaba ngunit kadiliman na lang ang aking nakikita. "R-Ridge . . ." Naramdaman ko ang kanyang pagsalo ngunit kasabay niyon ay tuluyan nang nabalot ng dilim ang aking kapaligiran.
Comments
“Tila wala na ang bakas ng takot sa iyong mukha,” tukso ni Ridge habang kami ay nakasakay sa kanyang kabayo. Patungo kami ngayon sa nayon ng Agta upang turuan ang ilan na magsulat at magbasa, at iparating ang mga salita ni Urduja. Nais ko rin ibalita kay Datu Kayo ang aking pag-usad sa aming pagsasanay. Bagama’t madilim ang kalangitan at lumalakas ang paghampas ng hangin ay matiwasay ang aming paglalakbay ngunit nagulat na lamang ako nang biglang umingil ang kabayo. Agad na hinila ni Ridge ang tali nito upang ito ay huminto at kumalma ngunit kasabay niyon ay ang pag-ikot ng mga piraso ng dahon sa aming harapan. Napakunot ang aking noo. Isa lamang ang may kakayahang gumawa nito. “Datu Kayo?” tawag ko at agad niyang inihayag ang kanyang sarili sa amin ngunit bakas sa kanyang mukha ang takot at pag-aalala. “Katalonan! Pantas!” sigaw niya. Tumalon si Ridge mula sa kabayo at inalalayan niya ako pababa. Nagtungo kami sa kinatatayuan ni Datu Kayo at tinanong kung ano ang bumabalisa sa kanya. “Ang . . . ang aking anak,” pagal niyang sambit. Muli kong naalala ang unang beses na makita ko ang kanyang anak na babae. Siya ang unang nasilayan ko nang mawalan ako ng malay sa nayon ng Agta noon. Ang huli ko na lamang pagkakaalam ay ipinagbubuntis niya ang susunod na pinuno ng kanilang nayon. “Ano ang nangyari kay Raniag?” tanong ko. “Sumama kayo sa akin.” Kasabay ng pagbitiw niya ng mga salitang iyon ay ang pag-ikot ng aking paningin at kalamnan, isang pangyayaring akin nang naranasan noon. Sa isang iglap ay nakarating kami sa kanyang balay na nasa tuktok ng mga puno. Napaupo ako sa hilo ngunit agad ko ring itinungo ang aking ulo nang makarinig ako ng ingay. Doon ko lamang napagtanto na naroon si Raniag at siya ay napalilibutan ng ilang babae. “Anong . . .” Muli siyang umiyak at pilit na inilalabas ang bata sa kanyang sinapupunan ngunit tila unti-unti nang nawawala ang kanyang lakas. Agad akong lumapit sa kanyang tabi habang nanatili naman sa ibaba sina Datu Kayo at Ridge. “Raniag.” Hinawakan ko ang kanyang kamay upang siya ay bigyang lakas ngunit napalingap ako nang marinig ko ang sigawan mula sa ibaba. “Ano ang nangyayari?” tanong ko sa babaeng sumilip mula sa bintana. Sa halip na salita ay bigla na lamang siyang tumakbo patungo sa gilid at agad na kinuha ang pana at mga palaso. “Katalonan,” sabay tango ng isa pa at saka tumingin kay Raniag. “Ikaw na ang bahala sa kanya.” Isa-isa silang kumuha ng kani-kanilang mga pana at ang dalawa ay tumalon mula sa bintana habang nakamasid sa gilid ang mga naiwan. “Ang mga tiga-ibaba!” rinig kong sigaw ng mga Agta. Bumalot ang kaba at takot sa aking katawan. Tiyak na ang kanilang tinutukoy ay ang mga Sambal o ‘di kaya’y iba pang nayon sa timog. Nais kong tingnan kung ano ang nangyayari sa ibaba ngunit hindi ko maiwan si Raniag lalo na at nanghihina na ang kanyang katawan. Isang katuwang na lamang ang aming kasama at pilit niyang pinalalabas ang sanggol sa sinapupunan ni Raniag. “A-apo . . .” mahinang bigkas ni Raniag kaya’t napahigpit ang aking hawak sa kanyang kamay. “P-pakiusap . . . iyong tulungan ang aking ama . . .” Bakas ang hapo sa kanyang mukha ngunit mas nangibabaw ang pag-aalala rito. Nais kong maging panatag ang kanyang kalooban habang isinisilang ang sanggol ngunit sa kasalukuyang nangyayari ay hindi iyon maaari. “P-pakiusap . . .” pag-ulit niya at naantig ang aking puso nang makita ko ang luha sa kanyang mga mata. “Ngunit . . .” Napabuntong-hininga na lamang ako nang hindi niya inalis sa akin ang kanyang tingin. Tumayo ako at akmang tutungo na sa bintana nang may maaninag ako sa bandang gilid. Isang babae ang nakatayo roon habang nakatingin kay Raniag. Nababalot ang kanyang leeg, braso at kamay ng mga gintong kalumbiga habang kulay rosas at kahel na mga bulaklak naman ang nasa kanyang ulunan. Sa uri ng liwanag na bumabalot sa kanyang katawan ay agad kong napagtanto ang kanyang pagkakakilanlan—isang diyosa. Agad din naming napawi ang aking atensyon mula sa kanya nang lalong lumakas ang sigawan mula sa ibaba at kasabay niyon ay ang pagbagsak ng ulan. Tumakbo ako patungo sa bintana upang silipin ang pangyayari at napatakip ako sa aking bibig nang makita ko ang kalagayan ng kanilang nayon. Ang ilang Agta ay nakahandusay sa lupa habang ang iba ay tumatakbo palayo sa mga taga-timog na may hawak na armas. Bilang mga mamamana, naging kahinaan din ng mga Agta ang pagbuhos ng ulan sapagkat hindi nila nakikita nang maayos ang mga kalaban at nababawasan ang lakas at bilis ang kanilang mga palaso. Mula sa malayo ay natanaw ko si Datu Atubang at kaharap niya ang kalahati ng hukbo. Gamit ang kapangyarihan ng kanyang pintakasi ay nagawa niyang pigilan ang pagsugod ng mga ito kaya naman agad akong nabuhayan ng loob. Lumabas ako mula sa balay ngunit nanatili sa kaitaas-taasan. Ramdam ko ang tila maliliit na palasong patak ng ulan ngunit pinilit kong kumalma. “Bulan, dinggin ang aking ngalan.” Aking naramdaman ang kakaibang init na dumadaloy sa aking katawan. Ilang sandal pa ay nagliwanag ang marka sa aking kamay, hudyat ng pagdaloy ng kapangyarihan ng aking pintakasi. Mula sa aking baywang ay aking kinuha ang kahoy at agad itong nagbagong-anyo. Lalo namang lumakas ang ulan hanggang sa hamog na lamang ang aking natatanaw mula rito sa itaas kung kaya’t naalala ko ang sinabi ni Datu Atubang noong kami’y nagsasanay. Maaari ko lamang magamit ang kapangyarihan ng mga diyos at diyosang akin nang nasilayan. Kung gayon . . . “Apolaki, kung maaari . . .” bulong ko sa aking sarili. Sa aking pagkakatanda ay nagamit ko na ang kanyang paningin noong sugurin kami ng mga Sambal. Sa pagkakataong ito, nais kong muling mahiram ang kanyang kakayahan. Sa pagtawag ko ng kanyang ngalan ay nakaramdam ako ng bigat sa aking mga balikat at pag-init ng aking kalamnan. Tila hindi magandang pasya ang pagsabayin ang kanilang kakayahan ngunit nais kong tulungan ang nayon ng Agta. Unti-unting nabalot ng kadiliman ang kagubatan. Natakpan ng mga ulap ang liwanag mula sa kalangitan at umugong ang napakalakas na kulog. Ang ilan ay napahinto sa pagtakbo at pagsugod, ang kanilang mukha’y saglit na tumunghay sa kalangitan. At sa gitna ng kadiliman, ang hilagyo ni Bulan na bumabalot sa akin ang nagsilbing liwanag. “Ang nayon ng Agta ay nasa ilalim ng pangangalaga ni Hara Urduja!” hayag ko kaya’t napako ang kanilang paningin sa aking kinatatayuan. “At sa kanyang ngalan, nais kong kayo ay lumisan!” Saglit na katahimikan ang bumalot sa kagubatan at tanging ang alingawngaw ng aking tinig at ang pagbuhos ng ulan ang aming naririnig. Ngunit agad din iyong nabasag nang bigla na lamang may lumipad na sibat sa aking gilid. Tila kumilos nang mag-isa ang aking katawan at sa isang iglap ay wala nang buhay ang may-ari nito. Ang pilak na palaso ay nakadaluhong sa kanyang dibdib ay agad naglaho at unti-unting naging abo ang kanyang katawan. Batid kong mapanganib ang kapangyarihan ni Bulan ngunit nabibigla pa rin ako sa tuwing nagagamit ko ito. Muli kong naalala ang sinabi ni Datu Atubang noong nakaraan. "Ang basbas ng ating pintakasi ay isang mabigat na tungkulin sapagkat dumadaloy sa ating katawan ang kanilang kapangyarihan. Kapangyarihang maaaring kumitil ng kayraming buhay sa isang iglap." Nasilayan ko ang pagbabago sa galaw ng mga mananakop at bakas sa kanilang mukha ang pagkalito at takot. Ngunit bago pa man ako makapagsalita ay nag-iba ang ihip ng hangin. Inikot ko ang aking paningin at gamit ang pananaw ni Anagolay ay natanaw ko mula sa kalayuan ang isang babae at lalaki. Nakasakay sa kabayo ang lalaki habang nababalot siya ng gintong kalumbiga at marka sa katawan habang ang babae ay nakabihis tulad ng aking kasuotan. Isang lakan at isang babaylan. “Pagbati, sisidlan,” sambit niya at hindi ko mawari kung papaanong naririnig ko ang kanyang tinig gayong napakalayo ng kanilang kinalalagyan. “Ano ang inyong kailangan sa Agta? Bakit kayo narito?” tanong ko at sinuklian niya ako ng matamis na ngiti. Mula sa kanyang likuran ay aking nasilayan ang hilagyong ngayon ko lamang nakita at sa kanyang ulunan ay isang simbolo ang sumilang—ang ulan. “Narito kami upang batiin ang huling natatanging sisidlan,” tugon niya. “At upang isakatuparan ang isang pangitaing aking nakinggan.” At sa pagtatapos ng kanyang salita ay lumakas ang hangin at ulan na tila mayroong bagyong humahagupit sa gitna ng kagubatan. Pilit kong tiningnan ang mukha ng sisidlan mula sa kalayuan at muli niya akong binigyan ng ngiting nakalalason. “Ang ngalan ko’y Ilati, ang sisidlan ng nararapat sa lukluhan, ang aming Lakan Silang ng Seludong,” sambit niya. “At sa paglubog ng araw ay magsisimula ang kadiliman. Kadilimang may samyo ng dugo at digmaan.” Sa aking isipan ay muli kong napakinggan ang malagim na pangitaing aking unti-unting nauunawaan. Sa paglisan ng isang sisidlan, magsisimula ang kadiliman; Sa pag-usbong ng bagong binhi, paggalaw ng dakilang sanhi. Ang pangitaing pilit kong iniiwasan. Sapagkat batid kong isang buhay ang lilisan. |