Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 15

8/27/2019

Comments

 
Kasabay ng pagkawala ng liwanag ay ang pagtakas ng lakas mula sa aking katawan. Nanlambot ang aking mga tuhod at tila sinusunog ang aking kalamnan. Napaluhod ako sa lupa habang hawak pa rin ang piraso ng kahoy na ngayo'y bumalik na sa dati nitong anyo.
 
"Cyrene . . ." bulong ni Ridge habang nakaalalay sa akin. Bakas sa kanyang tono ang magkahalong pagkamangha at pagkalito sa nangyari.
 
Biglang sumagi sa aking isipan si Apo Bulan at kung paanong pagkatapos niyang banggitin ang mga katagang iyon ay nagkaroon ako ng tila kakaibang kapangyarihan. Muli kong tiningnan ang mala-sangang kahoy na aking hawak. Naaalala ko pa ang ilang sandaling pagbabago ng anyo nito. Tiyak kong tinulungan ako ng diyosa at isa iyon sa mga kakayahan niya. Ngunit bakit?
 
"Kaya mo bang tumayo?" tanong ni Ridge habang hawak ang aking braso. Nakaluhod pa rin ako sa lupa dahil wala nang natirang lakas sa aking katawan. "Kailangan na nating umalis dito. Dahil sa liwanag na iyon ay tiyak na papunta ang iba pang mga mandirigma sa direksyon na ito."
 
Tumango naman ako kahit na hirap pa rin akong igalaw ang aking katawan. Inalalayan niya ako hanggang sa makalayo kami roon. Nais kong malaman at maintindihan ang nangyari kanina ngunit wala nang oras. Rinig mula rito ang dagundong ng sigawan ng mga mamamayan at mandirigma sa puso ng nayon.
 
"Punong babaylan!"
 
Sabay kaming napalingon ni Ridge nang marinig namin ang sabay na pagtawag nina Handiran at Iliway sa akin. Gaya ng kanilang gayak tuwing kami'y nagsasanay, hawak nila ang kani-kanilang mga sandata—isang bihirang tanawin para sa mga babaylan.
 
"Narito sila, pinuno!" sigaw ng isang Sambal na halos kasunod lamang nina Handiran at Iliway sa pagdating.
 
Tila lalong nawala ang aking lakas nang makita ko ang pagmartsa ng ilan pang mga mandirigmang Sambal sa aming direksyon. Higit na mas marami ang kanilang bilang ngayon at mukhang iniwan na nila ang nayon upang harapin kami.
 
Mabuti, sambit ko sa aking isipan. Mas nanaisin ko pang ako ang kanilang pagtuunan ng pansin kaysa sa mga walang laban na mamamayan ng Kaboloan.
 
"Muli tayong nagkita, babaylan," saad ng isang pamilyar na mukha.
"Datu Karungan," tugon ko.
 
Wala pang kalahating buwan nang kanya kaming linlangin patungo sa kanyang nayon. Hindi ko pa nalilimutan kung paano niya ipinagkanulo ang kanyang kaluluwa kay Lakan Tagkan. Walang galang niyang ginamit ang pangalan at pamilya ni Urduja at hindi ko siya mapapatawad sa kanyang ginawa.
 
"Utos ba ito ni Lakan Tagkan?" tanong ko at binigyan naman niya ako ng mapanuksong ngiti.
"Hindi ko kailangan ng kanyang salita upang lumupig ng isang nayon."
"Datu, isang kalapastanganan ang pagtalikod sa iyong mga salita," ani ni Handiran.
"Manahimik ka, babaylan!" sigaw niya.
"Ikaw ba'y hindi natatakot sa iyong panata kay Apo Buralakaw?" dagdag ni Iliway.
 
Agad ko namang naalala ang pangalan na iyon. Ayon sa itinuro sa akin ng aking mga Gabay, isa si Apo Buralakaw sa mga diyos na nangangasiwa sa mga panata at pamumuhay ng mga datu, lakan at raha. Pinaniniwalaan ng mga pinuno na tuwing may pagpupulong sa isang tribo o nayon ay lagi siyang nakikinig bilang isang hukom. Siya ang humuhusga sa kakayahan ng isang pinuno kung karapat-dapat bang umusbong ang kanyang nayon o hindi.
 
Tila natauhan si Datu Karugan nang banggitin ni Iliway ang ngalan ni Apo Buralakaw, ang pinkatakasi ng mga tulad niyang pinuno.
 
"At isa ring kalapastanganan ang paggamit sa kanyang ngalan upang ako'y pigilin!" sigaw niya at saka niya inilabas ang kanyang tabak mula sa kaloban nito. "Kunin ang babaylan!"
 
Agad namang sumunod sa kanya ang kanyang mga mandirigma at agad nila kaming napalibutan. Gayon din ang ginawa nina Ridge, Handiran at Iliway sa akin.
 
"Huwag kang mag-alala, Apo Sayi," sambit ni Handiran. "Narito kami upang ika'y protektahan."
"Hindi namin hahayaang hawakan ka niya kahit kapalit ang aming buhay."
Nabigla naman ako sa mga binitiwan nilang mga salita. "Handiran . . . Iliway . . ." tawag ko at nais kong sabihin na hindi nila kailangang gawin iyon ngunit tila nahinto sa aking lalamunan ang mga salitang nais kong ihayag.
"Gayon din ako, punong babaylan," pahabol ni Ridge habang nakangiti kaya't tiningnan ko siya nang may halong pagkalito at gulat. "Hindi ko rin alam kung bakit ngunit iyon ang aking nais gawin."
"Ridge . . ."
 
Bakit? Bakit nais nila akong protektahan? Dahil ba isa akong babaylan? Sapat ba iyong dahilan upang ialay ang kanilang buhay?
 
"Marahil isa ito sa iyong kakayahan," sambit ni Ridge. "Hindi man ito sadya ay napupukaw mo ang damdamin ng mga tao dahil sa iyong mga salita at kilos. Sapagkat buo ang iyong tiwala sa amin ay ganoon din kami sa iyo." Lumingon siya sa akin at muling ngumiti. "Maging ang kamatayan ay hindi hadlang upang ipakita ang aming katapatan."
"Alang-alang sa Kaboloan!"
"Sa punong babaylan!"
 
Sa pagsigaw nilang tatlo ay sabay-sabay na sumugod ang mga mandirigmang Sambal sa aming direksyon. Napuno ng takot at agam-agam ang aking isipan. Nais kong makamtang muli ang kapangyarihang ipinahiram sa akin kanina ngunit tahimik si Apo Bulan. Hindi ko rin maramdaman ang kakaibang init na dumaloy sa aking katawan.
 
Nais ko silang tulungan. Nais ko silang iligtas. Nais kong dinggin ng kahit sinong diyos o diyosa ang aking kahilingan ngunit walang nangyari. Halos bumagsak ang aking katawan nang makita ko kung gaano kaliit ang kanilang pag-asang magwagi.
 
Hindi maaari. Hindi ako papayag na mawala sila sa akin.
 
"Huwag ninyo silang hawakan!" sigaw ko at itinaas kong muli ang piraso ng kahoy na aking hawak.
 
Sa isang iglap ay nagbago ito ng anyo, kasabay ng paghayag ng pilak na palaso. Agad kong hinila iyon, ngunit bago pa ito makawala mula sa aking pagkahawak ay bigla na lamang umulan ng mga palaso mula sa kalangitan.
 
Isa-isang nagbagsakan ang mga mandirigmang Sambal at bakas ang gulat sa kanilang mga mukha. Gayon din ang naramdaman ko, maging nina Handiran, Iliway at Ridge na napahinto sa paggalaw. Gumuhit din ang pagkalito sa aming mga mukha 'pagkat tila kami'y iniiwasan ng mga palaso.
 
Kasabay ng pag-ulan ng mga iyon ay ang pagsigaw ni Datu Karugan upang panandaliang umatras at humanap ng pagtataguan. Halos kalahati ang nabawas sa kanilang hukbo at nakahandusay sa lupa ang walang-buhay na mga mandirigma, habang ang ilan ay hindi makagalaw dala ng mga palasong nakabaon sa kanilang mga katawan.
 
Hindi ko naman pinalagpas ang pagkakataong iyon upang bumawi.
 
"Apo Anagolay, dinggin ang aking kahilingan," bulong ko at agad kong nakita ang anyo ni Datu Karugan habang tumatakbo palayo sa kagubatan. "Hinding-hindi kita mapapatawad."
 
Gamit ang natitirang lakas sa aking mga kamay, ibinuhos ko ang lahat ng aking nararamdaman sa pilak na palaso na aking hawak. Agad ko itong pinakawalan sa direksyon ni Datu Karugan at kasabay niyon ay ang nakabibinging tunog na gawa ng angking bilis nito, na tila huni ng ilang daang ibon.
 
Umalingawngaw ang sigaw ni Datu Karugan sa kagubatan habang dumadaloy ang dugo sa kanyang kaliwang balikat. Nais kong makita ang kanyang kahihinatnan ngunit tuluyan nang nawalan ng bisa ang kakaiba kong paningin, maging ang natitira kong lakas. Nabitiwan ko ang kahoy, na muling bumalik sa dati nitong anyo, at bumagsak ang aking katawan sa lupa.
 
"Apo Sayi!"
"Cyrene!"
"Sayi!"
 
Rinig ko ang pagtawag nila sa aking pangalan ngunit hindi na ako makagalaw. Napangiti naman ako nang marinig ko ang kanyang tinig 'pagkat alam kong siya ang nagligtas sa amin.
 
"Sayi!" muli niyang tawag at agad na gumaan ang aking pakiramdam nang masilayan ko ang kanilang mga mukha.
"Prinsesa," mahina kong bati. "Ligtas ka."
 
Nabunutan ng tinik ang aking dibdib nang makita kong nakapaligid sa akin sina Urduja, Bagim at Anam. Ligtas silang nakabalik at batid kong naging matagumpay rin ang kanilang pinangako. Ngunit bago ko maipabatid ang aking kasiyahan sa kanilang pagbabalik ay nabalot na ng kadiliman ang aking paligid.
 
***
 
Sa pag-usbong ng kanyang araw,
kadiliman ay muling dadalaw;
Kapalit ng kanyang sinag,
haligi'y papawian ng liwanag.
 
Napabalikwas ako ng bangon nang marinig ko ang mga salita na tila isang pangitain.
 
"Apo Sayi!"
 
Nabaling naman ang aking atensyon sa tinig na aking narinig at nagulat ako sa aking nakita. Nasa loob ako ng aking balay at nakapaligid sa akin sina Handiran, Iliway at Urduja habang nakaupo naman sa gilid sina Ridge, Bagim, Anam, Ditan at ang mga babaylan.
 
"Anong . . ."
 
Hindi ko na naituloy ang nais kong sabihin 'pagkat ngumiti si Urduja at tumayo rin ang mga punong gabay. Doon ko lamang naalala ang mga nangyari at kung paano ako nawalan ng malay matapos bumalik ng kanilang pangkat.
 
"Maligayang pagbabalik, Prinsesa," sambit ko at muli siyang ngumiti.
"Gayon din sa'yo, Sayi."
 
***
 
Isinalaysay naman nila sa akin ang nangyari nang mawalan ako ng malay. Nalaman kong naging matagumpay ang pagpunta nila sa kabundukan ng hilaga at nagmadali silang bumalik nang malaman nilang sumugod ang mga Sambal.
 
"Kahanga-hanga ang iyong ipinamalas, katalonan."
 
Nabigla ako nang may marinig akong bagong tinig sa aking pandinig. Tumingin ako sa pintuan at mayroong pumasok na matandang lalaki.
 
Namumuti na ang kanyang kulot na buhok at mayroon din siyang hawak na tungkod. Tanging bahag lamang ang kanyang kasuotan at higit na maliit siya kaysa sa amin ngunit bakas ang kalakasan at kaalaman sa kanyang tindig—tanda ng pagiging isang pinuno.
 
"Siya nga pala si Atubang Kayo," ani ni Urduja. "Puno ng tribo ng Agta."
 
Agad naman akong tumayo upang magbigay-galang sa kanya. Nagtama ang aming paningin at batid kong pinag-aaralan niya ako nang mabuti.
 
"Pagpupugay, katalonan," sambit niya.
 
Katalonan. Sa aking pagkakaalala ay iyon ang katumbas ng babaylan sa Luzon. Ngayon ko lamang ito narinig 'pagkat madalas ay babaylan ang kanilang ginagamit na ngalan sa amin. Sa katunayan, isa rin iyon sa aking mga ipinagtataka. Ang katagang babaylan ay ginagamit sa kapuluan ng Visayas ngunit ito rin ang tawag sa amin sa ibang kanayunan sa Luzon.
 
"Pagbati, Atubang Kayo."
"Tunay ngang ikaw ang natatanging sisidlan," dagdag niya at tila mayroon din siyang nakikita na tanging mga babaylan lamang ang nakakasaksi.
"At may taglay ka ring kakaibang binhi, Atubang Kayo," saad ko, dahilan upang siya'y mapangiti.
 
Hindi man ganoon kalinaw ay mayroon akong natanaw na kakaibang anyo sa kanyang likuran at batid kong may basbas din siya ng mga diyos at diyosa.
 
Lumapit naman si Urduja sa kanya at muling tumingin sa akin.
 
"Nais kong ipabatid sa iyo na nagkasundo ang Kaboloan at Agta upang maging magkatuwang sa pamumuhay at pakikidigma," pahayag ni Urduja at inilabas niya ang kanyang kampilan.
 
Inihanda naman nina Iliway at Handiran ang dalawang maliit na palayok na may lamang alak mula sa niyog. Sabay na sinugatan nina Urduja at Atubang Kayo ang kanilang palad at ipinatak ang dugo sa alak.
 
"At sa araw na ito, itinatalaga ko ang Agta at Kaboloan bilang mga nayon ng isang pausbong na kadayangan—ang Lusong."
 
Matapos ng kanyang pahayag ay ininom nila ang laman ng palayok. Sa sandaling iyon ay nakita ko ang simbolo ng kanilang pintakasi sa kani-kanilang ulunan: ang marka ng araw kay Urduja, at marka ng binhi kay Atubang Kayo. At kasabay niyon ay ang pagpapakita ng isang lalaki na tila nakikinig sa kanilang kasunduan.
 
Datapwa't ngayon ko lamang siya nasilayan ay batid ko ang kanyang pagkakakilanlan. "Apo Buralakaw," sambit ko.
 
Dumapo ang kanyang tingin sa akin.
 
"Ang kanilang mga salita ay aking tatandaan. Karapat-dapat nga ba silang mamuno sa sangkalupaan? Tama ba ang kanilang tatahaking daan? O magiging katulad din sila ni Karugan? Ikaw ang magiging saksi, natatanging babaylan."

<< Kabanata 14
Kabanata 16 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    February 2021
    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads