Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 17

8/27/2019

Comments

 
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat ng narinig ko mula kay Atubang Kayo ilang araw na ang nakararaan. Ang dakilang adhikain ni Datu Uran na pagbuklurin ang Pilipinas ay isang banghay na aabutin ng ilang daang taon, lalo na at binubuo ang bansa ng mga pulo na may kani-kaniyang sistema ng pamamahala.
 
Ngunit nangyari iyon sa hinaharap. Naging isang bansa ang Pilipinas.
 
“Tila nababagabag ka pa rin sa pahayag ni Atubang Kayo.”
 
Napalingon ako sa aking likuran at nakita kong naglalakad si Ridge patungo sa aking kinatatayuan habang nakatingin sa kalangitan. Bakas sa kanyang mukha ang pagod at pag-a-agam-agam ngunit may kakaibang ningas ang kanyang mga mata.
 
Hindi ako nakatulog nang maayos kaya’t minabuti kong pumunta rito upang ikalma ang aking isipan at tila ganoon din ang nangyari kay Ridge.
 
“Tiyak na ikaw rin,” turan ko.
Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. “Sapagkat batid natin ang sasapitin ng kanyang adhikain.”
 
Nabalot kami ng katahimikan at tanging ang paghampas ng hangin sa mga puno ang aming naririnig. Nanatili kaming nakatayo sa harap ng pook-dasalan sa gitna ng gubat habang unti-unting sumisilip ang araw.
 
“Nais ko siyang tulungan,” sambit ko, dahilan upang mapatingin siya sa akin. “Nais kong makamit niya ang unang hakbang sa pagbubuklod ng mga kaharian at nayon sa Pilipinas.”
“Kung gayon, siya na ba ang iyong napili bilang iyong pinuno?” tanong niya. “Ayon kay Atubang Kayo, tanging ang mga may basbas lamang ng mga diyos at diyosa, pati na rin ang pinili ng mga babaylan, ang may kakayahang baguhin ang kasaysayan. Buo na ba ang iyong pasya na hubugin ang prinsesa bilang isang natatanging mandirigma?”
 
Nang marinig ko ang kanyang katanungan ay doon lamang naging malinaw kung bakit napili ko si Urduja na pagsilbihan bilang kanyang gabay. Tumama sa aming mga mukha ang sinag ng araw at napangiti ako nang maalala ko ang una naming pagkikita ng Prinsesa.
 
“Siya nga,” sagot ko sa kanyang katanungan. “Sa panahong pulos kalakihan ang may hawak ng kapangyarihan, isa siya sa mga magpapatunay na hindi hadlang ang kasarian at gulang upang pamunuan ang kanyang nasasakupan. Likas sa kanya ang pagiging pinuno at mandirigma.” Sandali akong napahinto ‘pagkat marahan siyang tumawa.
 
“Bilang isang babaylan, tiyak akong karapat-dapat siyang pagsilbihan,” aniya at nagulat ako sa aking narinig ‘pagkat iyon ang mga salitang sana’y aking sasambitin.
“At bilang kanyang babaylan . . .” pagtutuloy ko at napatitig ako sa kanya nang sabayan niya ako sa pagsasalita. “. . . titiyakin kong tama ang kanyang landas na tatahakin.”
 
Ilang sandali ang lumipas na nakatitig lamang ako sa kanya ‘pagkat hindi ko mawari kung paano niya nalaman ang aking naiisip. Kung paano nagtugma ang aming mga salita.
 
“Ngayon ay tiyak na ako na ikaw ang babaylan at susi na aking hinahanap,” pahayag niya.
“P-paanong . . .”
“Paano ko nalaman ang iyong mga salita?” Agad akong tumango. “Sapagkat iyon ang nakatala sa kasaysayan ng aming angkan. Iyon ang mga salitang binitiwan ng babaylan na siyang pumukaw sa punong pantas upang manatili sa tabi niya at ng prinsesa.”
“Ridge . . .”
 
Nanindig ang mga balahibo sa aking katawan nang marinig ko ang kanyang pahayag at doon ko napagtanto na unti-unti nang hinahabi ng tadhana ang aming nakaraan at kasalukuyan.
 
“Ito ang ating tungkulin sa panahong ito,” dagdag niya. “At bilang isang pantas, natitiyak kong hindi ka nagkamali ng pagpapasya.”
 
Sa sandaling iyon ay akin ding napagtanto na siya ang aking katuwang sa nakaraan, at marahil, maging sa kasalukuyan.
 
***
 
Sa loob ng ilang araw na puno ang aking isip ng pag-aalinlangan ay ngayon lamang ako nakatulog nang maayos. Marahil ay nakatulong ang aking pagtanggap sa hirap at panganib na dala ng adhikaing nais naming makamtan.
 
Bumangon ako at naghanda para sa aking pagsasanay ngunit mukhang wala pang gising kina Iliway at Handiran. Napagpasyahan kong magsanay na lamang mag-isa habang naghihintay sa kanila. Matapos ang pagsugod ng mga Sambal ay nasaksihan ko ang aking kakulangan sa kaalaman sa pakikipaglaban. Kung hindi dahil sa aking mga gabay at kay Ridge ay tiyak na hindi ako makaliligtas. Hindi ko rin nais na patuloy umasa sa kapangyarihang taglay ng isang sisidlan na mula sa mga diyos at diyosa.
 
“Walang lakas ang iyong braso.”
 
Halos mapatalon ako nang marinig ko ang tinig na iyon sa aking likuran. Mabilis akong lumingon at nasilayan ko si Bagim na nakamasid sa aking pagsasanay.
 
“Bagim,” sambit ko at naglakad siya patungo sa akin.
 
Nanigas ako sa aking kinatatayuan ‘pagkat siya ang pinakamagaling na mandirigma sa Kaboloan at nasaksihan niya kung gaano ako kamangmang pagdating sa paggamit ng kambantuli.
 
“Ipagpaumanhin mo ang aking kapangahasan, punong babaylan,” sambit niya habang nakatayo sa aking harapan.
“Wala kang dapat ihingi ng paumanhin, Bagim,” tugon ko. “Isa kang mandirigma na nakasaksi ng isang hindi kanais-nais na tanawin.”
 
Kinuha niya ang kambantuli na aking nabitiwan at iwinasiwas niya iyon na tila hindi alintana ang bigat at talim nito. Napansin ko naman ang pagkakawangis ng kanyang galaw sa ipinamalas ni Urduja noong unang pagkakataon na nilusob ang Kaboloan ng Namayan.
 
“Ikaw ba ang naghasa sa kakayahan ng Prinsesa sa paggamit ng kampilan at iba pang armas?” usisa ko at napahinto siya sa paggamit ng kambantuli.
 
Pinagitnaan kami ng katahimikan ngunit makalipas ang ilang sandali ay tumango siya. Ayon sa kanya, hindi sapat kay Urduja ang panonood lamang sa pagsasanay ng kanyang kapatid noon kaya’t lihim siyang humingi ng tulong kay Bagim. Isang malaking pagkakasala ang makita ang isang binukot at higit ang kaparusahan kapag nakipag-usap. Sa kwento ni Bagim, kailanman ay hindi kumilos bilang isang binukot si Urduja. Sa gabi ay tumatakas siya upang hikayatin si Bagim na turuan siyang humawak ng armas. Bagama’t tutol si Bagim noong umpisa dahil sa kanilang katayuan ay unti-unti ring nakuha ang kanyang tiwala. Sa huli ay sinanay niya si Urduja upang sakali mang wala siya sa kanyang tabi ay maililigtas niya ang kanyang sarili.
 
“Kung gayon, ikaw ang—”
 
Napatigil ako sa pagsasalita nang bigla na lamang may mga imaheng sumalimbay sa aking isipan.
 
Mga bangka. Kakaibang mga kalakal. Mga dayuhan.
 
“Mga dayuhan,” bulong ko sa aking sarili at agad namang nag-iba ang tingin ni Bagim.
 
Kasabay ng aking babala ay ang pagtunog ng mga tambuli, hudyat na may bumabaybay sa karagatang sakop ng Kaboloan.
 
Nagmadali kami ni Bagim patungo sa pampang at nabahala ako sa nakita kong pangitain. Nakatitiyak akong galing ang mga dayuhan sa Silangang Asya kung ang kanilang pisikal na kaanyuan ang titingnan. Ngunit ano ang kanilang pakay sa pook na ito?
 
“Bagim, Apo Sayi!”
 
Napahinto kami nang aming makita si Anam habang nakasakay sa kanyang kabayo at kasabay nila ay ang isa pang walang sakay na Kalakian. Agad na sumaklang si Bagim sa kabayong iyon at hinigit naman ako ni Anam paakyat. Sabay nilang pinatakbo nang mabilis ang kanya-kanya nilang mga kabayo at makalipas ang ilang minuto ay nakarating kami sa pampang.
 
Naabutan namin si Urduja na nakatayo roon habang hinihintay na bumaba ang dayuhang sakay ng pinakamalaking bangka. Sa kanyang tabi ay si Ridge na tila nakaabang din sa bisitang dayuhan ngunit bakas sa kanilang tindig ang pagkabalisa at tensyon.
 
“Gōngzhǔ nǐ hǎo,” (Pagbati, Prinsesa,) pagbati ng dayuhan habang nakakuyom ang kanyang kanang kamay at nakabalot doon ang kanan.
 
Mula sa Tsina, isip ko.
 
Napakunot naman ang aking noo. Tila magkakilala sina Urduja at ang sugo mula sa Tsina. May ugnayan ba ang Kaboloan sa kasalukuyang dinastiya ng bansang iyon?
 
Napakaraming tanong ang bumabagabag sa aking isipan ngunit nanlaki ang aking mga mata nang bigla na lamang hinugot ng Intsik ang kanyang espada. Akmang hahakbang na ako patungo sa kanilang direksyon ngunit pinigilan ako ni Bagim habang nakatingin nang matalim sa kanila.
 
Mabilis na hinila ni Urduja ang kanyang kampilan mula sa kanyang baywang at nagtama ang kanilang mga patalim. Hindi ko mawari kung ano ang nangyari ngunit sa loob ng ilang sandali ay bumagsak sa lupa ang hawak na sandata ng Intsik at itinutok ni Urduja ang dulo ng kanyang kampilan sa leeg ng kalaban.
 
Buong akala ko ay magiging madugong muli ang tagpuang ito ngunit agad ding inilayo ni Urduja ang kanyang sandata at sinuklian naman siya ng ngiti ng dayuhang iyon.
 
“Zhēn qiángdà,” (Tunay ngang ika’y malakas,) sambit ng dayuhan at matapos ng nangyari ay agad din silang bumalik sa kanilang mga bangka.
 
Hinintay nina Urduja at Ridge na makaalis ang mga bangka mula sa Tsina at nang makalayo sila ay dali-dali akong lumapit papunta sa kanilang kinatatayuan.
 
“Prinsesa!” sabay na tawag nina Bagim at Anam sa kanya.
Sinalubong niya ang dalawa ng ngiti. “Wala kayong dapat ipag-alala,” aniya. “Hindi ko hahayaang masupil ako sa paggamit ng kampilan.”
 
Tiningnan ko lang ang kanyang mga mandirigma na tila balisa pa rin sa mga nangyari. Nais ko sanang magtanong ngunit abala pa sila sa pakikipag-usap sa isa’t isa.
 
“Ayon sa Prinsesa, inihayag niyang magiging kabiyak niya ang sinumang makatalo sa kanya,” mahinang pagpapaliwanag ni Ridge kaya napalingon ako sa kanya.
“A-ano?! B-bakit?”
“Marahil ay tiwala siya sa kanyang lakas o hindi naman kaya ay upang masukat niya ang kanyang kakayahan.”
“Ngunit—”
“Wala kang dapat ipag-alala,” dagdag niya. “Si Bagim ang nagsanay sa kanya. Tiyak na hindi madadaig ng sinuman ang ating Prinsesa. Kahit pa laban sa mga dayuhan.”
 
Napansin ko naman ang pagbabago ng kanyang mukha. Nakatanaw siya sa karagatan kung saan naglalakbay ang mga dayuhang kagagaling lamang sa aming pook. Lumapit ako sa kanya at dinulog ang aking alintana.
 
“Ano ang ugnayan ng Kaboloan at Tsina?” usisa ko.
“Kung wasto ang aking natatandaan, sa panahong ito, ang dinastiyang Yuan ang kasalukuyang kaharian sa kalakhang Tsina. Ayon sa Prinsesa, nais nilang mapasakanila ang yamang taglay ng Kaboloan ngunit hindi nagpakita ng takot si Datu Uran noong unang pumarito ang mga Tsino.”
 
Napanganga na lamang ako nang marinig ko iyon. Nakamamangha ang ipinamalas ni Datu Uran sa isang bansang may kakayahang pabagsakin ang maliit na nayong tulad ng Kaboloan.
 
“Ngunit hindi nagtagumpay ang mga dayuhan ‘pagkat higit na dalubhasa at may kasanayan sa paglalayag ang mga taga-Kaboloan. Binalaan ni Datu Uran ang mga dayuhan na hindi sila kailanman makakadaan sa dagat na namamagitan sa dalawang kaharian ‘pagkat palulubugin niya ang mga ito. Malaki ang nakukuha ng dinastiya sa pakikipagkalakalan at ang katubigang ito ang kadalasan nilang binabaybay upang makarating sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa huli ay minabuti nilang makipagkasundo sa Kaboloan. Nangako silang hindi nila ito gagalawin kapalit ng ligtas na pagbaybay sa bahaging ito ng karagatan.”
 
Nang marinig ko iyon ay lalo akong napahanga sa kakayahan ni Datu Uran bilang isang pinuno at taktiko. Doon ko rin napagtanto na maaari naming gamitin ang ugnayang ito upang higit na makinabang ang Kaboloan.
 
“Kalakalan,” turan ko at nakita ko ang pagngiti ni Ridge nang marinig niya iyon.
“Magkatulad ang ating balak, kung gayon,” aniya.
 
Ngayon ay batid ko na kung bakit kilala si Urduja sa mga alamat bilang isang prinsesang dalubhasa sa ilang wika. Hindi lamang siya makikilala bilang natatanging prinsesa sa Pilipinas. Ang kanyang pangalan ay maririnig ng iba’t ibang kaharian sa mundo.
 
At iyon ang magiging hudyat ng panahon ng kanyang kapangyarihan.

<< Kabanata 16
Kabanata 18 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads