Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 20

8/27/2019

Comments

 
Napatingin ako sa kaliwang banda at nasilayan ko ang malalakas na hampas ng mga alon sa dalampasigan. Sa aming harapan naman ay bumungad ang malawak na lupaing pulos buhangin. Walang kahit anong puno o anumang bakas ng pamumuhay sa pook na ito.
 
“Nasaan sila?” bulong ko kay Anam habang nakasakay pa rin kami sa kanyang kabayo.
“Nakababahala,” tugon niya. “Walang mandirigmang nakabantay sa kanilang hangganan. Marahil ay may mga inilatag silang patibong sa malawak na kabuhanginang ito.”
 
Napatingin kaming dalawa kay Urduja, naghihintay ng kanyang pasya. Kanyang siniyasat ang kabuuan ng patag na lupain hanggang sa karagatan sa aming kaliwa. Muli siyang tumingin sa amin at tumango.
 
“Tayo na,” aniya at agad namang tumango si Anam at tumungo kami sa harapan ni Urduja.
“Ako’y iyong sundan, Hara,” sabi niya.
 
Nakamamangha ang katapatan niya kay Urduja. Batid kong bilang isang Kalakian at kanyang gabay, tungkulin niyang protektahan ang kanyang prinsesa ngunit tila hindi niya alintana ang panganib na kaakibat nito. Walang bakas ng takot sa kanyang mukha at tanging karangalan lamang na mapagsilbihan si Urduja ang aking nakikita sa kanya.
 
Humawak ako nang mahigpit sa baywang ni Anam at nagsimulang tumakbo ang aming mga kabayo. Sa bawat hakbang nila ay lumalakas ang aking kaba sapagkat anumang oras ay maaaring may bitag o patibong sa aming harapan.
 
Nabigla na lamang ako nang sa isang iglap ay tila naglaho ang lahat. Doon ko lamang napagtanto na muntik na kaming malaglag sa isang malalim na hukay. Naapakan iyon ng aming kabayo at nawala ako sa likuran ni Anam ngunit agad akong nahawakan ni Urduja habang nakaunat ang kanyang kamay at habang tumatakbo ang kanyang kabayo. Mabilis niya akong hinatak patungo sa kanyang harapan at padapa akong nakasakay sa kabayo. Sa kabilang banda, agad namang bumaba si Anam at hinatak ang tali ng kabayo bago pa man ito tuluyang malaglag sa hukay at saka muling sumakay rito habang patuloy itong tumatakbo.
 
Hinahabol ko pa ang aking hininga matapos mangyari iyon ngunit tila karaniwan na ang pangyayaring tulog no’n sa kanilang dalawa. Umayos ako ng pagkakaupo at nakakahiya dahil nasa harapan na ako ni Urduja.
 
“Paumanhin, Hara,” mahina kong sabi.
Sumilay naman ang ngiti sa kanyang mga labi. “Wala kang dapat ihingi ng tawad, Sayi,” sambit niya. “Batid naming hindi pangkaraniwan sa iyo ang paglalakbay.”
 
Nais kong sabihin sa kanila na araw-araw akong naglalakbay sa kasalukuyan ngunit hindi sa pamamagitan ng kabayo at lalong hindi sa lugar na may mga bitag at patibong.
 
“Nakamamangha, Apo Sayi,” ani ni Anam. “Tila hindi ka na nasindak sa isang hindi inaasahang pangyayari.”
“Siya nga,” dagdag naman ni Urduja.
 
Napayuko na lamang ako at hindi na sumagot pagkat naunahan na ako ng hiya. Ito na ang pangalawang pagkakataon na kinailangan nila akong iligtas mula sa mga hindi kanais-nais na kaganapan.
 
Makalipas ang ilang sandal ay unti-unting napapalitan ang buhangin ng kalupaan, hanggang sa masilayan namin ang ilang balay. Ngunit bago pa man kami makalampas sa kabuhanginan ay mayroong sumalubong sa aming mga mandirigma. Agad nila kaming napalibutan at sa aming harapan ay mayroong naglalakad na kabayo, sakay ang isang lalaki.
 
Bakas sa kanyang mukha at katawan ang ilang taong karanasan. Ang kanyang tindig at pagtingin ay may kakayahang mag-udyok ng takot sa kahit sinuman.
 
“Pagbati, Babacnang Darata,” sambit ni Urduja.
“Ano ang aking maipaglilingkod sa iyo, binukot?” magaspang na tanong ng lalaki.
 
Sandaling katahimikan ang pumagitna sa kanilang dalawa at nagpipigil ng hininga ang mga mandirigma, maging kami ni Anam sapagkat maaaring hind imaging maganda ang susunod na mangyayari.
 
Ngayon ko lamang din narinig na tawagin siyang binukot sa halip na Prinsesa o Hara. Sa aking pagkakaalala ay hindi naging maayos ang kanilang ugnayan matapos pumanaw nina Datu Urang at Uriyan, ang ama at kapatid na lalaki ni Urduja. Siya ang naging pinuno ng kanilang nayon ngunit ayon kay Babacnang Darata ay hindi siya karapat-dapat sapagkat siya ay babae, lalo na at isa rin siyang binukot.
 
“Hara, Babacnang,” tugon ni Urduja. “Hindi lamang binukot ang iyong nasa harapan.”
 
Hindi makapaniwala ang ilang mandirigma sa kanilang narinig ngunit umuyam lamang si Babacnang Darata na tila isang biro lamang ang mga binitiwang salita ni Urduja.
 
“Hara? Iyan ba ngayon ang iyong pagkakakilanlan? Kung gayon, narito ka ba upang kami ay sakupin?”
“Nais mo bang iyon ang mangyari, Babacnang?” tanong niya pabalik at tila hindi iyon inaasahan ng babacnang. “Batid mo ang lakas ng aking mga mandirigma at Kalakian. Naging maluwag ang pakikitungo ko sa iyo noon, Babacnang Darata, sapagkat batid ko rin ang pagkakaibigan ninyo ng aking ama, ngunit hindi na iyon mauulit.”
 
Lalo lamang naging nakakasakal ang sitwasyon namin dahil sa mga binitiwang salita ni Urduja. Nag-igting ang pang ani Babacnang Darata at bakas sa kanyang mukha ang pagpipigil ng galit ngunit makalipas ang ilang sandali ay sumilay ang isang ngiting hindi ko mawari kung ano ang nais iparating.
 
“Sa sandaling panahon ay naging matatas ka sa pagsasalita . . . Hara Urduja,” sambit niya. “Kung gayon, tumungo tayo sa aking balay upang makapagpulong.”
 
Nagsimulang maglakad ang kabayong sinasakyan ng babacnang maging ang mga mandirigmang nakapaligid sa amin kaya agad kaming sumunod sa kanila.
 
Hindi napigilan ng aking mga matang mapatingin kay Urduja habang pinatatakbo niya ang aming kabayo. Walang pag-aalinlangan sa kanyang mukha at kilos.
 
“May nais ka bang sabihin o itanong, Sayi?” bulong niya habang nakatingin lamang sa aming harapan.
Napaiwas naman ako ng tingin. “Ayos lamang ba sa iyo na ganito nila maalala ang iyong pakikitungo?” mahina kong tanong sa kanya.
“Batid kong iba ang aking paraan ng pakikipagtungo sa Agta at Samtoy,” tugon niya. “Walang paggalang sa akin ang babacnang sapagkat isa akong binukot noon. At bilang isang babaeng itinatago sa lahat ng tao, mahina ang tingin ng lahat sa isang binukot. At lalong hindi siya karapat-dapat na maging pinuno ng isang nayon. Sa isang katulad ni Babacnang Darata na sinubok na ng panahon sa pakikipaglaban, tanging takot at lakas lamang ang makapagbabago ng kanyang isipan.” Binigyan niya ako ng isang mabilis na ngiti. “Iyon din ang payo nina Bagim at Ditan, bilang nakita at nakasama na nila si Babacnang Darata sa ilang laban, at ni Magat nang aking ilarawan ang katauhan niya.”
 
Saglit akong namangha sa kanyang tinuran. Akala ko ay napangunahan na ang kanyang isipan ng ambisyon ngunit binigyan niya ng halaga ang mga salita ng mga punong gabay. Tunay ngang unti-unti na siyang nagiging karapat-dapat upang umupo sa itaas.
 
Nakarating kami sa isang nayon na kalapit lamang ng dalampasigan kung saan ang lupain ay hindi na buhangin kundi ang uring mapagtatamnan.
 
Magkawangis lamang ang itsura at pananamit ng mga taga-Kaboloan at Samtoy. Ang ilang pagkakaiba ay ang disenyo ng kanilang putong, o iyong telang sinusuot ng mga kalalakihan. Sa Kaboloan, ang mga lalaking nakapatay ng pito o higit pang tao ay nakasuot ng pulang putong na may burda sa harapan, samantalang sa Samtoy naman ay pulang putong na mayroong makapal na itim na guhit sa gitna. Mahahaba rin ang buhok ng kanilang mandirigma ngunit iniipit nila iyon sa pagitan ng kanilang mga putong.
 
Huminto kami sa harap ng isang malaking balay na tulad ng kay Urduja sa Kaboloan. Mabilis na bumaba si Urduja at sumunod sa babacnang habang inalalayan naman ako ni Anam. Tumungo rin kami sa loob ngunit halos mapatalon ako sa aking nakita.
 
Napatingin ang lahat sa akin, maging si Babacnang Darata at ang ilang katalonan at tagapagsilbi na naroon.
 
“Anong nangyari sa iyo, Apo Sayi?” bulong ni Anam habang nakatingin din si Urduja na tila nag-aalala.
 
Dahan-dahan kong ibinalik ang aking paningin sa bintana at naroon pa rin ang nakagugulat na anyo—isang napakalaking matang nakatitig sa akin.
 
“M-mayroon bang higante rito?” nanginginig kong tanong at hindi ko inaasahan ang kanilang naging reaksyon.
 
Magkahalong gulat, pagsinghap at kalituhan ang gumuhit sa mga mukha ng taga-Samtoy, habang naging matalim naman ang tingin sa akin ni Babacnang Darata. Makalipas ang ilang sandali ay lumapit siya sa akin at agad namang humarang sa aking harapan si Anam.
 
“Huwag kang mag-alala, Kalakian,” aniya. “Wala akong balak na siya ay saktan. Ngunit mayroon akong katanungan sa iyo, katalonan.”
 
Pabalik-balik ang aking paningin kina Urduja, Babacnang Darata at sa tila higanteng nasa paligid ng balay niya.
 
“Ako ay iyong nakikita.”
 
Napatakip ako sa aking tainga dahil sa lakas at lalim ng boses na aking napakinggan. Doon ko lamang napagtanto na iyon ay galing sa higanteng nasa labas. Titingin pa lamang sana ulit ako sa bintana kung nasaan siya nang biglang lumiwanag ang bahaging iyon at makalipas ang ilang sandali ay isang normal na lalaki ang lumitaw sa likuran ng babacnang. Kahit hindi ko itanong ay batid kong iyon ang higante sapagkat magkawangis sila ng matang nakita ko kanina.
 
“Magiging mas maayos ang ating pag-uusap sa ganitong liit ng katawan,” sabay tingin niya sa kanyang bagong wangis. “Ang ngalan ko ay Angalo, at ikaw . . . ikaw ba ang isa sa mga natatanging sisidlan?”
 
Bago ko pa masagot ang kanyang katanungan ay nagsimulang magsalita si Babacnang Darata.
 
“Tunay ba ang tinuran mo kanina?” tanong niya at marahan akong tumango.
“Ang ngalan niya ay Angalo,” saad ko habang nakatingin sa diyos o anitong iyon. “At siya ay narito ngayon.”
 
Pagkasabi ko ng mga salitang iyon ay hindi mapakali ang mga nasa loob na tila hinahanap sa buong balay si Angalo, ngunit tulad ng nangyari sa mga diyos at diyosang aking nakasalamuha ay ako lamang ang nakakakita sa kanya.
 
“Mahabaging Angalo,” gulat na sambit ng babacnang. “Ano ang iyong pagkakakilanlan, katalonan?”
 
Lahat ng kanilang mga mata ay sa akin nakatingin kaya’t mabilis akong tumingin kay Urduja ngunit binigyan niya lamang ako ng isang maliwanag na ngiti at tumungo. Huminga ako nang malalim upang kumalma at saka muling humarap kay Babacnang Darata.
 
“Ang ngalan ko’y Sayi, ang pintakasi ni Apo Bulan, at ang natatanging babaylan ng Katalonan.”
 
Naglakad si Urduja at huminto sa aking tabi. Napuntang muli sa kanya ang atensyon ng babacnang at nanindig ang aking mga balahibo nang nasilayan ko ang mga marka sa itaas ng kanilang ulunan—ang simbolo ng araw at yapak.
 
“Babacnang Darata,” tawag ni Urduja. “Isa lamang ang aking nais—ang payagan ang aming mga manlalayag na makipagkalakalan gamit ang inyong daan sa karagatan. Kapalit nito ay ang proteksyon ng inyong nayon sa ilalim ng kadayangan ng Kaboloan at ang pagkakataon na makausap ang inyong mga diyos, diyosa at anito sa tulong ng aming babaylan.”
 
Sa pagkakataong iyon ay aking napagtanto na sa tuwing may mga pinunong pinili ng mga diyos at diyosa ang magtatagpo, nakikita ko ang kanilang mga marka na tila hudyat upang ipaalam ang kanilang pananagutan.
 
“Babacnang,” sambit ko. “Bagkus ay hindi mo pa batid ang iyong tadhana.”
Napakunot naman ang kanyang noo sa aking sinabi. “Ano ang ibig mong sabihin.”
“Mayroon kang tungkuling gagampanan sa kasaysayan, nais mo man itong mangyari o hindi. Bilang pintakasi ni Angalo, ang diyos ng kayarian, ito ang iyong tadhana.”
 
Sa pagbitiw ng mga salitang iyon, aking natanaw ang kaanyuan ng kanilang diyos na pinaglilingkuran—sina Apo Init at Angalo.
 
At sa paghaharap ng dalawang pintakasi, isang desisyon ang magsisimula ng kasaysayan . . . at magiging hudyat sa mga pinuno, diyos at diyosa ng nalalapit na kadiliman.

<< Kabanata 19
Kabanata 21 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads