Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 21

8/27/2019

Comments

 
Tumungo ako sa kakahuyan upang kumalma at lumanghap ng sariwang hangin. Batid kong sa panahong ito ay nakakakita ako ng mga diyos at diyosa ngunit nagulat pa rin ako nang masilayan ko ang isang higanteng tulad ni Angalo.
 
Mula sa mga kwento ng aking mga magulang, naaalala ko ang kakaibang alamat ng Ilocos Sur o Samtoy sa panahong ito. Sa halip na mga anito, diyos o diyosa, naniniwala sila na ang Luzon ay nabuo sa tulong ng mga higante at sila rin ang itinuturing nilang mga ninuno.
 
“Sisidlan.”
 
Nagulantang ako nang nakarinig ako ng tinig at sa aking paglingon ay naroon si Angalo sa kanyang normal na anyo. Mayroon siyang suot na salakot sa kanyang ulo at tanging bahag lamang ang tabing ng kanyang matipunong pangangatawan at kayumangging balat.
 
“A-Apo Angalo,” tawag ko at saka yumuko.
 
Naramdaman ko ang kanyang paglapit kaya’t nanatili akong nakatingin sa lupa.
 
“Tila nalalapit na ang kadiliman,” aniya habang nakatitig sa kalangitan.
 
Muli siyang tumingin sa akin at ngumiti ngunit kasabay niyon ay ang pagdaloy ng mga pahayag.
 
Tatlong sisidlan,
Isang dakilang digmaan;
Tatlong pintakasi,
Sino ang magwawagi?
 
Natitiyak kong may karugtong pa iyon ngunit nawala na lamang ang tinig sa aking isipan at pagdilat ko ay mayroon nang kasama si Angalo.
 
Nakatingin sa akin ang isang diyosang nasilayan ko na noon. Naalala ko ang kanyang maamong anyo at kasuotang hindi makamundo. Gaya dati ay nag-iiba ang kulay at hugis ng kanyang mga mata. Ang pagkakaiba lamang sa una naming pagkikita ay ang pagkawala ng kanyang ngiting tila nanlalambing at napalitan ito ng talamik na hayag.
 
“Angalo,” tawag ni Anagolay na tila may pagbabanta sa tinig.
“Ipagpaumanhin mo, Anagolay,” tugon ni Angalo at saka tumingin sa akin. “Nais ko lamang bigyan ng kaalaman ang ikatlong itinakdang sisidlan.”
“Ikatlo?” sambit ko habang nakatingin sa dalawang makapangyarihan sa aking harapan.
“Patawad, sisidlan, ngunit hindi ko maaaring sagutin ang iyong mga katanungan.” Muling bumaling ang kanyang tingin kay Angalo. “Bukod sa diyos o diyosa na iyong pinagsisilbihan, walang sinuman ang maaaring makialam sa paghahabi ng tadhana ng isang sisidlan.”
 
Tumalikod sina Anagolay at Angalo sa akin, hudyat ng kanilang paglisan, ngunit tumigil sa paglalakad si Anagolay at sumulyap kung saan ako nakatayo.
 
“Ngunit ito lamang ang maipapayo ko sa iyo, sisidlan ng Kaboloan: Malaki ang iyong tungkuling gagampanan, sapagkat bawat hibla ng iyong tadhana ay nakaugnay sa mga yugto ng dakilang kayarian at katapusan.”
 
Kasabay ng pagbitiw niya ng mga salitang iyon ay ang kanilang paglaho sa aking harapan. Naiwan akong nakatulala, iniisip kung ano ang ipinahihiwatig ng aking pangitain at ang pahayag ni Anagolay, nang marinig kong muli ang pagtawag sa aking ngalan.
 
“Apo Sayi!”
 
Natanaw ko si Anam mula sa bukana ng kakahuyan at mabilis siyang nakarating sa aking kinatatayuan.
 
“Nakahanda na ang pulong.”
 
***
 
Tumungo kami sa isang balay-pulungan at naroon na ang si Urduja, si Babacnang Darata at ang kanyang mga katalonan at gabay. Umupo ako sa kaliwang band ani Urduja habang sa kanan naman si Anam.
 
“Kung gayon, ang nais mo ay ang malayang paglalayag sa karagatan patungo sa mga karatig-nayon at pakikipagkalakalan sa kanilang mga kaharian,” sambit ng babacnang.
“Ganoon na nga,” tugon ni Urduja. “At kapalit niyon ay ang inyong kaligtasan mula sa mga mananakop at pakikipag-usap sa inyong mga diyos at diyosa.”
 
Lumipat sa akin ang paningin ng babacnang at ng kanyang mga gabay. Matapos kong ihayag sa kanila ang anyo ni Angalo kanina ay nagbago ang kanilang tingin sa akin. Saglit akong napatigil nang muli kong nakita ang marka ni Angalo sa itaas ng babacnang, at gaya nina Urduja at Atubang Kayo, tiyak kong may angkin siyang kakayahan at talas ng isipan upang maging pintakasi si Angalo.
 
“Tila hindi makatarungan ang kapalit na iyong inihahain, Hara,” aniya.
Kumunot ang noo ni Urduja ngunit agad niyang ikinalma ang kanyang sarili. “Anong bahagi ang hindi makatarungan, Babacnang?”
“Ano ang inyong nasilayan bago kayo makarating sa nayong ito?” tanong niya kay Anam.
“Ang karagatan at tiging na lupain,” mabilis na sagot ni Anam.
Tumango ang babacnang. “Siya nga. Tanging ang maliit na kalupaan na ito ang maaari naming pagtamnan sapagkat kami ay napaliligiran ng tiging na lupa at karagatan sa isang banda, at kagubatang pinamamahayan ng mga pugot at gulot,” sabay igik niya nang sambitin ang mga katagang iyon.
 
Bagama’t hindi ganoon kapansin ay nakita ko ang pagbabago sa mukha nina Urduja at Anam nang banggitin ng babacnang ang pugot at gulot. Tila hindi maganda ang kahulugan ng mga iyon.
 
“Maliit lamang ang aming nayon at wala kaming hukbo ng mga mandirigma gaya ng Kaboloan. Batid din naming hindi kami dalubhasa sa pangangaso kaya tanging ang karagatan lamang ang aming paraan upang mamuhay. Kung sakaling magkakaroon ng malayang paglalayag ang Kaboloan sa bahaging ito ay ano ang aming makukuha mula rito? Ang inihahain mong pangangalaga at pakikipag-usap sa mga diyos ay hindi namin mapakikinabangan sa pang-araw-araw naming pangangailangan.”
 
Nagkaroon ng katahimikan sa pulong. Mayroong punto si Babacnang Darata at ang pagliwanag ng simbolo ni Angalo ang patunay na kinikilala ng kanyang pintakasi ang kanyang ipinamalas na kadunungan.
 
“Hara,” mahina kong tawag kay Urduja at agad siyang tumingin sa akin. “Kung maaari ay idulog natin ito kay Magat,” mungkahi ko. “Tiyak na mas may kaalaman siya ukol sa ganitong uri ng talakayan.”
 
Makalipas ang ilang sandali ay tumango si Urduja.
 
“Kung gayon, nais kong idulog at ibahagi ang iyong mungkahi sa aking punong pantas,” saka siya tumayo. “At sa aking pagbabalik ay ibibigay ko ang aking kasagutan.”
 
Tumayo rin si Babacnang Darata at ang kanyang mga gabay upang magbigay galang kay Urduja.
 
“Marapat lamang, Hara. Umaasa ako sa isang mainam na kasagutan,” sambit niya.
 
Hindi na muling sumagot si Urduja at nagsimula siyang maglakad palabas ng bahay-pulungan kaya’t sumunod kami sa kanya ni Anam. Ngunit bago pa kami tuluyang makalabas ay tinawag ng babacnang ang aking pagkakakilanlan.
 
“Katalonan,” aniya kaya’t agad akong napalingon at nagulat ako nang bigla na lamang siyang yumuko. “Pagbibigay-pugay sa ngalan ni Angalo, ang diyos ng pagkayari. Ikinagagalak kong malaman na kami’y patuloy niyang pinapatnubayan.”
 
Hindi ko inasahan ang kanilang kilos kaya natulala na lamang ako ngunit kasabay niyon ay ang muling pagpapakita ni Angalo. Nakatayo siya sa gilid ng babacnang habang nakatingin sa akin. Doon ko napagtanto na tulad nina Atubang Kayo at Pawi ay mayroon ding malalim na pananalig sa isa’t isa sina Babacnang Darata at Angalo.
 
Bagama’t tuso at mapangahas ang dating ni Babacnang sa iba, tapat at mapangalaga naman siya sa kanyang nasasakupan. Kung uunawain ang kanyang ibinahagi sa pulong, nais lamang niyang mabigyan ng matiwasay na pamumuhay ang mga taga-Samtoy.
 
“Babacnang Darata,” tawag ko at nagtama ang aming mga mata. “Ikinagagalak ko ring masilayan at makilala ang iyong pintakasi—si Angalo.” Tumungo ang aking paningin sa diyos na nasa kanyang gilid. “Bilang isang sisidlan, nais kong ipabatid na kinikilala ni Angalo ang iyong ipinamalas sa pulong. Nawa ay patuloy kong pangalagaan ang iyong nasasakupan at maging isang mabuting pinuno.”
 
Matapos kong bitiwan ang mga salitang iyon ay tuluyan na kaming lumabas sa kanyang balay-pulungan.
 
***
 
Naging tahimik ang paglalakbay namin pabalik sa Kaboloan. Bagkus ay dahil sa sinabi ng babacnang at sa aking huling tinuran.
 
“Isa bang mabuting pinuno si Darata sa iyong paningin?” tanong ni Urduja habang nagpapatakbo ng kanyang kabayo na siyang bumasag sa katahimikan.
 
Naramdaman ko ang paghigpit sa hawak ni Anam sa tali ng aming kabayo at tila maging siya ay nahahapit sa mga salita ni Urduja.
 
“Patawad, Hara,” agad kong sambit.
“Wala kang dapat ihingi ng tawad, Sayi,” sagot naman niya. “Nais ko lamang malaman ang iyong paningin.”
 
Agad ko namang sinabi kung paano niya pahalagahan ang kanyang mga mamamayan sa kabila ng kanyang tusong pag-iisip. Nais niyang magkaroon ng kapalit na kapakinabangan ang malayang paggamit sa karagatan na minumungkahi ni Urduja.
 
“Naiintindihan ko ang iyong pag-iisip ngunit bagama’t mabuti siya sa kanyang nasasakupan ay marahas naman siya sa mga karatig-tribo.”
Kumunot ang noo ko nang sabihin niya iyon. “Ano ang iyong ibig sabihin?”
“Naalala mo ba ang kanyang tinuran sa pulong ukol sa kanilang hangganan, Apo Sayi?” tanong ni Anam.
“May kinalaman bai to sa mga pugot at gulot?” balik ko sa kanya.
“Iyan na ang huling pagkakataon na babanggitin mo ang mga salitang iyan, Apo,” sambit niya na tila isang babala.
“May mali ba sa mga salitang iyon?”
“Iyon ang tawag ng mga Samtoy sa mga tribong naninirahan sa kagubatan,” sagot ni Urduja. “Ang pugot ay tumutukoy sa mga Agta habang ang gulot ay ang iba pang tribong nasa kabundukan. Ang pugot ay isang uri ng lamanlupa. Sa mata ng mga Samtoy, ang mga tribong ito ay mababang uri ng mga nilalang sapagkat wala silang sistema sa kanilang pangkat.”
 
Hindi ko inakala na ganoon ang tingin ng babacnang sa mga tribong naninirahan sa kagubatan at kabundukan sa hilaga.
 
“Bagama’t iginagalang ng aking Ama at ni Babacnang Darata ang isa’t isa, iyon ang isa sa mga naging dahilan kung bakit unti-unti siyang lumayo sa kanya. Marahil ay nang makilala ni Ama si Atubang Kayo ay namulat siya sa uri ng pag-iisip ng babacnang.”
 
Muli kong naalala ang mga isinalaysay sa akin ni Atubang Kayo noong nakaraan. Dahil sa kanilang kakulangan sa kaalaman sa pamamahala ay marami sa kanila ang nahuli at naging alipin ng mga Sambal. Sa kabilang dako, napag-alaman kong hindi sila itinuturing na pantay ng Samtoy dahil sa kanilang itsura at uri ng pamumuhay. Nakalulungkot lamang isipin na ganito ang nararanasan nila kahit sa nakaraang panahon.
 
Makalipas ang tatlong araw ay nakarating kami sa Kaboloan at ang tanging laman lamang ng aking isip ay ang sitwasyon ng Samtoy, Kaboloan at Agta, at kung paano pagbubuklurin ni Urduja ang tatlong nayong ito.
 
Agad na nagtakda ng pulong si Urduja sa pagsikat ng araw kaya’t tumungo ako sa aking balay upang makapagpahinga at makapaghanda kinabukasan ngunit namataan ko ang anyo ni Ridge sa gilid kaya tumungo ako sa may bintana.
 
“Sa itsura ng Hara kanina, tila hindi naging maganda ang naging talakayan sa pagitan nila ng babacnang,” sambit niya.
Nagpakawala ako ng buntong-hininga. “Siya nga,” tugon ko. “Nais ng babacnang ng kapalit na kanilang mapakikinabangan sa pang-araw-araw ngunit may pag-aagam-agam si Urduja sapagkat mababa ang pananaw ng babacnang sa mga Agta na siyang bahagi na ng kanyang kadayangan.”
 
Nabalot ng katahimikan si Ridge na tila nag-iisip kung ano ang maaari naming gawin at makalipas ang ilang sandali ay aking nakita ang saglit niyang pagngiti.
 
“Tila mayroon ka nang naisip na paraan.”
Tumango siya. “Mapangahas, ngunit ito lamang ang naiisip ko sa ngayon.”
“At ano naman iyon?”
Lumingon siya sa akin at ngumiti. “Malalaman mo rin bukas, punong babaylan.”
 
Akmang magtatanong akong muli nang biglang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi.
 
“Siya nga pala. Wala ka bang napapansing kakaiba?” usisa niya.
“Sa alin?”
“Sa buwan.”
 
Sa pagbigkas niya niyon ay napatingin ako sa buwan, ngunit bago pa ako may makitang kakaiba ay dumaloy sa aking isipan ang mga pahayag at pangitaing kawangis ng aking narinig sa kakahuyan.
 
Tatlong sisidlan,
Isang dakilang digmaan;
Tatlong pintakasi,
Sino ang magwawagi?
At sa paglitaw ng pulang buwan,
Ang itinakda ay uupo sa luklukan.
 
At sa pagtatapos ng hayag ay aking nasilayan ang isang pangitaing nais ko ring agad na malimutan—ang buwan na tila nababalot ng dugo at ang nakahihindik na sigawan sa isang malagim na digmaan.

<< Kabanata 20
Kabanata 22 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads