Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 25

10/31/2019

Comments

 
Ilang araw makalipas ng aming pagbabalik mula sa Samtoy ay dumating naman sa aming nayon si Atubang Kayo at ilan pang mga Agta bilang pag-ayon sa kahilingan ni Urduja. Sa mga nagdaang gabi ay hindi ako nakatulog nang maayos dahil sa mga kaisipang patuloy na bumabagabag sa akin.

Ayon kay Malem, mayroon pang dalawang natatanging babaylan na maaari ring makapagbago ng kasaysayan at ang kanilang mga ngalan ay Ilati at Sinaya. Hindi ko batid kung saan at ano ang nayon na kanilang pinagsisilbihan ngunit tiyak na magtatagpo ang aming mga landas.

Narito ako ngayon sa pook-dasalan upang ikalma ang aking kaisipan. Patuloy pa rin ang aking pagsasanay sa paggamit ng mahiwagang pana ngunit hindi ko na muling maulit ang nangyari noong lumusob ang mga Sambal. Tila nanghihina lamang ang aking katawan sa tuwing nais kong palabasin ang kapangyarihan ni Bulan. Nais ko siyang hingan ng payo ngunit tahimik ang kanyang hilagyo nitong mga nakaraang araw.

"Tila maraming bumabagabag sa iyong isipan, katalonan."

Agad akong napalingon sa narinig kong tinig at aking nakita si Atubang Kayo na nakatayo ilang hakbang mula sa akin. Ni hindi ko man lamang napansin o naramdaman ang kanyang kilos.

"Atubang Kayo," tawag ko habang nakayuko sa kanya.

Naglakad siya patungo sa aking kinatatayuan at agad akong tumayo nang maayos nang siya ay nasa akin nang harapan.

"Idinulog na sa akin ng iyong mga gabay ang iyong agam-agam," aniya at muli kong naalala ang sinabi ni Handiran noong nakaraan."
"Atubang," muli kong yukod. "Maaari ninyo ba akong sanayin?"
"Matagal na panahon na noong huli kong nagamit ang aking kapangyarihan ngunit sa ngalan ni Datu Urang at Apo Sambilay, ikinalulugod kong tumulong sa iyong pagsasanay."

Sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang sabihin niya iyon ngunit nagtaka ako nang banggitin niya ang ngalan ng dating punong babaylan.

"Tulad mo rin ba si Apo Sambilay?" usisa ko.
"Siya nga. Isa siya sa pinakamalalakas na katalonan na aking nakilala ngunit namuhay siya sa panahong hindi pa kailangan ng mga diyos at diyosa ng mga natatanging sisidlan."

Sa ipinakitang panggalang ng mga babaylan at ni Urduja noong pumanaw si Apo Sambilay, batid kong isa siyang makapangyarihang sisidlan. Nais kong matulungan si Urduja sa kanyang dakilang adhikain kahit pa kapalit noon ay ang paghihirap sa pagsasanay na ito.

"Kung gayon, ikinagagalak kong tanggapin ang iyong pagsasanay," sambit ko.

Pagkabigkas ko niyon ay idiniin niya ang kanyang tungkod sa lupa at agad na bumalot sa kanyang paligid ang mga dahon at butil ng lupa. Kasabay no'n ay ang pagliwanag ng marka sa kanyang kanang kamay at ang simbolo ni Pawi sa kanyang ulunan.

"Nasaksihan ko ang pagdaloy ng kapangyarihan ng iyong pintakasi sa iyong katawan, ngunit nangyari lamang iyon dahil sa matinding damdamin na iyong ipinamalas. Bilang isang natatanging sisidlan, nararapat lamang na magamit mo ang kapangyarihan ni Bulan sa kahit anong kalagayan, hanggang sa maging kasindali na lamang ito ng iyong paghinga."

Matapos iyong sabihin ni Atubang Kayo ay tila nagkaroon ng alipuyo sa kanyang paligid kung saan mabilis na umiikot ang mga dahon at lupa. Sa paghampas ng dulo ng kanyang tungkod sa lupa ay agad na tumigil sa paggalaw ang mga ito at nag-iba ng anyo. Ang mga dahon ay tila naging mga patalim dahil sa talas ng kanilang paligid habang ang mga butil ng lupa ay unti-unting nagbubuklod na tila may kakayahang ilukob ang sinuman.

"Ang basbas ng ating pintakasi ay isang mabigat na tungkulin sapagkat dumadaloy sa ating katawan ang kanilang kapangyarihan. Kapangyarihang maaaring kumitil ng kayraming buhay sa isang iglap."

Halos hindi ko maisara ang aking bibig nang bigla na lamang sumalakay ang mga tila-patalim na dahon sa mga kapunuan at naputol ang mga katawan nito. Hindi ko na nais malaman pa kung gaano katalas ang mga dahon na iyon na nagawang patumbahin at putulin ang naglalakihang puno sa paligid.

Unti-unti namang nababalot ng lupa ang ilang punong nagsitumbahan at matapos ang ilang sandali ay agad akong napaatras nang makita ko ang nangyari. Ang mga luntiang nitong dahon ay naging tuyot at ang makapal na katawan ay kasingkapal na lamang ng isang tangkay.

Muling tumingin sa akin si Atubang Kayo at sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang kanyang makita ang takot sa aking mukha.

"Bilang sisidlan, ito ang ating pangunahing kakayahan. At bilang isang natatanging sisidlan, nais kong masaksihan ang hangganan ng iyong kapangyarihan."

***

Sa nagdaang mga araw ay nanatili ako sa pook-dasalan sa gitna ng kagubatan upang magsanay. Ayon kay Atubang Kayo, ang lakas-hilagyo ng isang sisidlan ay nakaugnay sa bilang ng mga diyos at diyosang kanilang nakatagpo at nakausap. Ilang diyos at diyosa na rin ang aking nakadaupang-palad at nananatili sa aking loob ang kanilang hilagyo ngunit hindi ko iyon magamit bilang kapangyarihan sapagkat hindi sapat ang aking kaalaman at pagsasanay.

Dumako ang aking paningin sa marka sa aking kamay. Mula sa aking mga karanasan, sa tuwing may panganib o hindi kaya'y pangitain lamang nagliliwanag ang mga markang ito; hudyat na maaari kong gamitin ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ni Bulan. Ngunit nais ni Atubang Kayo na magamit ko ito sa kahit anong panahon at sa aking kagustuhan.

"Apo Sayi."

Natigil ang aking pagsasanay nang marinig ko ang tinig ni Handiran sa aking likuran. Paglingon ko ay naroon sina Handiran at Iliway at agad silang lumapit sa aking kinatatayuan.

"Ipinapatawag ka ng Hara, Apo Sayi," ani ni Iliway. "Patungo na rin sa Balay Parsua ang iba pang mga punong gabay."

Napakunot naman ang aking noo sa biglaang pulong. "Nakarating na sina Hara Urduja at Ri—" Agad akong napahinto sa pagbigkas ng ngalan ni Ridge sapagkat hindi iyon ang kanyang pagkakakilanlan sa panahong ito. "at Magat?" pagtama ko.

"Gayon nga, Apo," sagot naman ni Handiran.

Matapos naming bumalik mula sa Samtoy ay muling naglakbay sina Urduja at Ridge patungo sa pinakahilagang bahagi ng kapuluan—ang Batanes, o mas kilala bilang nayon ng Idjang sa panahong ito.

Nais ni Urduja na mapalawig ang kanyang nasasakupan at magkaroon ng ugnayan sa mga nayon sa kahilagaan, lalo pa at may pagbabanta ang mga kaharian mula sa timog. Mula noong nakaharap niya si Lakan Tagkan ng Kaharian ng Namayan ay hindi na naalis ang agam-agam sa kanyang isipan. Batid niyang hindi iyon ang magiging huli nilang pagkikita, lalo na at inihayag ng lakan na nais niyang makuha ang aking kapangyarihan.

Sumunod ako kina Handiran at Iliway palabas sa kagubatan at napansin ko ang pagdami ng mga taong nais tumungo at umusisa sa balay-pulungan.

"Ano ang nangyayari?" pabulong kong tanong kay Handiran. "Bakit tila papunta ang mga tao sa balay-pulungan?"
"Sapagkat hindi lamang sina Hara Urduja at Magat ang nagbalik sa Kaboloan."

Nang marinig ko iyon ay nagmadali ako patungo sa Balay Parsua. Sa labas nito ay nagbubulungan ang mga taga-Kaboloan at bakas sa kanilang mga mukha ang magkahalong pagkamangha at pangamba.

Sa aking pagpasok sa balay ay dumako sa akin ang kanilang mga paningin at agad akong napahinto sapagkat hindi ako makapaniwala sa aking nakikita.

"Sayi, narito ka na."
"Hara."

Marahan akong naglakad patungo sa kanyang kinauupuan at ramdam ko ang pagtitig sa akin ng iba pang mga panauhin liban sa mga punong-gabay.

"Nais kong malaman ang kalagayan ng iyong pagsasanay."
"Nagkita tayong muli, katalonan."
"Siya ba ang iyong tinutukoy, Hara?"
"Ang basbas ni Kabunian . . ."

Sa aming harapan ay naroon sina Atubang Kayo, Babacnang Darata at dalawa hindi ko pa nakikilalang panauhin, ngunit mayroon na akong kaisipan sa kanilang pagkakakilanlan.
Makalipas ang ilang sandali ay tumayo si Urduja at agad na natahimik ang lahat.

"Sa aking mga punong-gabay, nais kong ihayag sa inyo ang magiging balangkas ng ating kadayangan," panimula niya. "Bilang tagapamuno ng isang dakilang kadayangan, batid kong hindi ko mapamamahalaan nang malapit at masinsinan ang bawat kanayunan, kaya't iminungkahi ni Magat na magtalaga ng pinuno sa bawat nayon na siyang magbibigay-ulat sa akin."

Bakas din sa mukha ng iba pang gabay liban kay Ridge ang pagkagulat sa binitiwang mga salita ni Urduja.

"Kung gayon, Apo Buralakaw, dinggin ang aking ngalan," saad niya at aking nakita ang paglitaw ng marka ni Apo Init sa kanyang ulunan.

Kasabay niyon ay ang paglabas ng hilagyo ni Apo Buralakaw, na siyang nangangasiwa sa mga panukala at mga panata ng mga namumuno sa bawat nayon. Hindi man nila nakikita ang diyos ay tiyak na batid nilang narito siya.

"Ibinibigay ko ang katayuan ng datu, na siyang magsisilbi bilang patnugot ng bawat nayong nasasakupan ng Kadayangan ng Hilaga, sa mga nararapat na katauhan." Tumingin siya sa apat na panauhin sa kanyang harapan. "Magmula sa araw na ito, kayo ay kikilalanin bilang Datu Kayo ng Nayon ng Agta; Datu Darata ng Nayon ng Samtoy; Datu Arayu ng Nayon ng Idjang; at Datu Lawig ng Nayon ng Golot."

At sa pagtatapos ng kanyang panata ay muling nagliwanag ang marka ng kanyang pintakasi—ang marka ni Apo Init. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi lamang sa ulunan ni Urduja lumitaw ang simbolo ng araw, kundi maging sa mga datu na kanyang itinalaga. Isang hudyat na kinikilala nina Apo Init ang apat bilang mga kasí o katuwang ni Urduja.

"Kung gayon, bilang Datu ng Agta, ako'y nagbibigay-pugay sa aking Hara," sabay yukod ni Datu Kayo kay Urduja.
"Gayon din ako, bilang Datu ng Samtoy," pagsunod naman ni Datu Darata.
"Pagpupugay sa Hara, mula sa Datu ng Idjang," dagdag ni Datu Arayu.
"At mula sa Datu ng Golot, ako ay nagbibigay-pugay sa iyo," sambit ni Datu Lawig.

Nagtaasan ang mga balahibo sa aking katawan nang makita kong nakayukod ang bawat datu ng nayon sa kanya.

"Pagpupugay sa Hara!" sigaw ni Anam at sumunod naman kami sa kanya, hanggang sa maging ang mga mamamayan sa labas ng balay ay sumigaw rin at nagbigay-pugay kay Urduja.

Matapos ng pagpupulong na iyon ay inihatid nina Urduja at ng mga gabay ang mga datu sa kani-kanilang mga kaabay na nakamasid din mula sa labas ng balay-pulungan. Doon ko lamang napagtanto na naroon din si Apo Malem, ang katalonan ng Samtoy at ngumiti siya sa akin nang nagtama ang aming mga mata.

Muli kong naalala ang dalawa pang natatanging sisidlan na kanyang isinalaysay sa akin noon.

"Kumusta ang iyong pagsasanay?" tanong ni Ridge kaya't nabaling sa kanya ang aking paningin.

Kaming dalawa na lamang ang naiwan sa balay-pulungan pagkat kasama ng mga datu sina Urduja at iba ang gabay.

"Nabalitaan kong nasa ilalim ka ng pagsasanay mula kay Atubang—ah, hindi na nga pala iyon ang kanyang pagkakakilanlan. Datu Kayo," pagtatama niya.
"Siya nga," sagot ko. "Ngunit hindi ko pa—"

Agad naman akong napatigil nang bigla na lamang may mga katagang naglaro sa aking isipan. Isang pangitaing dati ko nang narinig at muli na namang dumaan sa aking isip.

Sa paglisan ng isang sisidlan,
magsisimula ang kadiliman;
Sa pag-usbong ng bagong binhi,
paggalaw ng dakilang sanhi.

Sa aking pagkakatanda, unang dumaluhong ang mga katagang ito noong napunta kami sa nayon ng Agta. Tila may hindi magandang mangyayari sa mga susunod na paglubog ng araw at lalo lamang lumalalim ang aking mga pag-a-agam-agam.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Ridge nang sandali akong tumigil sa paggalaw at pagsasalita.
Umiling ako. "Sa tingin ko ay unti-unti nang nahahabi ang kasaysayan ayon sa paggalaw ng mga sisidlan at ng kanilang napiling pagsilbihan."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nalalapit na ang paghaharap ng mga natatanging sisidlan. Nalalapit na ang pag-aagawan ng mga pinuno sa kapangyarihan ng luklukan."
​

<< Kabanata 24
Kabanata 26 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads