Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 26

12/14/2019

Comments

 
​“Tila wala na ang bakas ng takot sa iyong mukha,” tukso ni Ridge habang kami ay nakasakay sa kanyang kabayo.
 
Patungo kami ngayon sa nayon ng Agta upang turuan ang ilan na magsulat at magbasa, at iparating ang mga salita ni Urduja. Nais ko rin ibalita kay Datu Kayo ang aking pag-usad sa aming pagsasanay.
 
Bagama’t madilim ang kalangitan at lumalakas ang paghampas ng hangin ay matiwasay ang aming paglalakbay ngunit nagulat na lamang ako nang biglang umingil ang kabayo. Agad na hinila ni Ridge ang tali nito upang ito ay huminto at kumalma ngunit kasabay niyon ay ang pag-ikot ng mga piraso ng dahon sa aming harapan.
 
Napakunot ang aking noo. Isa lamang ang may kakayahang gumawa nito.
 
“Datu Kayo?” tawag ko at agad niyang inihayag ang kanyang sarili sa amin ngunit bakas sa kanyang mukha ang takot at pag-aalala.
“Katalonan! Pantas!” sigaw niya.
 
Tumalon si Ridge mula sa kabayo at inalalayan niya ako pababa. Nagtungo kami sa kinatatayuan ni Datu Kayo at tinanong kung ano ang bumabalisa sa kanya.
 
“Ang . . . ang aking anak,” pagal niyang sambit.
 
Muli kong naalala ang unang beses na makita ko ang kanyang anak na babae. Siya ang unang nasilayan ko nang mawalan ako ng malay sa nayon ng Agta noon. Ang huli ko na lamang pagkakaalam ay ipinagbubuntis niya ang susunod na pinuno ng kanilang nayon.
 
“Ano ang nangyari kay Raniag?” tanong ko.
“Sumama kayo sa akin.”
 
Kasabay ng pagbitiw niya ng mga salitang iyon ay ang pag-ikot ng aking paningin at kalamnan, isang pangyayaring akin nang naranasan noon. Sa isang iglap ay nakarating kami sa kanyang balay na nasa tuktok ng mga puno.
 
Napaupo ako sa hilo ngunit agad ko ring itinungo ang aking ulo nang makarinig ako ng ingay. Doon ko lamang napagtanto na naroon si Raniag at siya ay napalilibutan ng ilang babae.
 
“Anong . . .”
 
Muli siyang umiyak at pilit na inilalabas ang bata sa kanyang sinapupunan ngunit tila unti-unti nang nawawala ang kanyang lakas. Agad akong lumapit sa kanyang tabi habang nanatili naman sa ibaba sina Datu Kayo at Ridge.
 
“Raniag.”
 
Hinawakan ko ang kanyang kamay upang siya ay bigyang lakas ngunit napalingap ako nang marinig ko ang sigawan mula sa ibaba.
 
“Ano ang nangyayari?” tanong ko sa babaeng sumilip mula sa bintana. Sa halip na salita ay bigla na lamang siyang tumakbo patungo sa gilid at agad na kinuha ang pana at mga palaso.
“Katalonan,” sabay tango ng isa pa at saka tumingin kay Raniag. “Ikaw na ang bahala sa kanya.”
 
Isa-isa silang kumuha ng kani-kanilang mga pana at ang dalawa ay tumalon mula sa bintana habang nakamasid sa gilid ang mga naiwan.
 
“Ang mga tiga-ibaba!” rinig kong sigaw ng mga Agta.
 
Bumalot ang kaba at takot sa aking katawan. Tiyak na ang kanilang tinutukoy ay ang mga Sambal o ‘di kaya’y iba pang nayon sa timog.
 
Nais kong tingnan kung ano ang nangyayari sa ibaba ngunit hindi ko maiwan si Raniag lalo na at nanghihina na ang kanyang katawan. Isang katuwang na lamang ang aming kasama at pilit niyang pinalalabas ang sanggol sa sinapupunan ni Raniag.
 
“A-apo . . .” mahinang bigkas ni Raniag kaya’t napahigpit ang aking hawak sa kanyang kamay. “P-pakiusap . . . iyong tulungan ang aking ama . . .”
 
Bakas ang hapo sa kanyang mukha ngunit mas nangibabaw ang pag-aalala rito. Nais kong maging panatag ang kanyang kalooban habang isinisilang ang sanggol ngunit sa kasalukuyang nangyayari ay hindi iyon maaari.
 
“P-pakiusap . . .” pag-ulit niya at naantig ang aking puso nang makita ko ang luha sa kanyang mga mata.
“Ngunit . . .”
 
Napabuntong-hininga na lamang ako nang hindi niya inalis sa akin ang kanyang tingin. Tumayo ako at akmang tutungo na sa bintana nang may maaninag ako sa bandang gilid.
 
Isang babae ang nakatayo roon habang nakatingin kay Raniag. Nababalot ang kanyang leeg, braso at kamay ng mga gintong kalumbiga habang kulay rosas at kahel na mga bulaklak naman ang nasa kanyang ulunan. Sa uri ng liwanag na bumabalot sa kanyang katawan ay agad kong napagtanto ang kanyang pagkakakilanlan—isang diyosa.
 
Agad din naming napawi ang aking atensyon mula sa kanya nang lalong lumakas ang sigawan mula sa ibaba at kasabay niyon ay ang pagbagsak ng ulan. Tumakbo ako patungo sa bintana upang silipin ang pangyayari at napatakip ako sa aking bibig nang makita ko ang kalagayan ng kanilang nayon.
 
Ang ilang Agta ay nakahandusay sa lupa habang ang iba ay tumatakbo palayo sa mga taga-timog na may hawak na armas. Bilang mga mamamana, naging kahinaan din ng mga Agta ang pagbuhos ng ulan sapagkat hindi nila nakikita nang maayos ang mga kalaban at nababawasan ang lakas at bilis ang kanilang mga palaso.
 
Mula sa malayo ay natanaw ko si Datu Atubang at kaharap niya ang kalahati ng hukbo. Gamit ang kapangyarihan ng kanyang pintakasi ay nagawa niyang pigilan ang pagsugod ng mga ito kaya naman agad akong nabuhayan ng loob. Lumabas ako mula sa balay ngunit nanatili sa kaitaas-taasan. Ramdam ko ang tila maliliit na palasong patak ng ulan ngunit pinilit kong kumalma.
 
“Bulan, dinggin ang aking ngalan.”
 
Aking naramdaman ang kakaibang init na dumadaloy sa aking katawan. Ilang sandal pa ay nagliwanag ang marka sa aking kamay, hudyat ng pagdaloy ng kapangyarihan ng aking pintakasi. Mula sa aking baywang ay aking kinuha ang kahoy at agad itong nagbagong-anyo.
 
Lalo namang lumakas ang ulan hanggang sa hamog na lamang ang aking natatanaw mula rito sa itaas kung kaya’t naalala ko ang sinabi ni Datu Atubang noong kami’y nagsasanay. Maaari ko lamang magamit ang kapangyarihan ng mga diyos at diyosang akin nang nasilayan. Kung gayon . . .
 
“Apolaki, kung maaari . . .” bulong ko sa aking sarili.
 
Sa aking pagkakatanda ay nagamit ko na ang kanyang paningin noong sugurin kami ng mga Sambal. Sa pagkakataong ito, nais kong muling mahiram ang kanyang kakayahan.
 
Sa pagtawag ko ng kanyang ngalan ay nakaramdam ako ng bigat sa aking mga balikat at pag-init ng aking kalamnan. Tila hindi magandang pasya ang pagsabayin ang kanilang kakayahan ngunit nais kong tulungan ang nayon ng Agta.
 
Unti-unting nabalot ng kadiliman ang kagubatan. Natakpan ng mga ulap ang liwanag mula sa kalangitan at umugong ang napakalakas na kulog. Ang ilan ay napahinto sa pagtakbo at pagsugod, ang kanilang mukha’y saglit na tumunghay sa kalangitan. At sa gitna ng kadiliman, ang hilagyo ni Bulan na bumabalot sa akin ang nagsilbing liwanag.
 
“Ang nayon ng Agta ay nasa ilalim ng pangangalaga ni Hara Urduja!” hayag ko kaya’t napako ang kanilang paningin sa aking kinatatayuan. “At sa kanyang ngalan, nais kong kayo ay lumisan!”
 
Saglit na katahimikan ang bumalot sa kagubatan at tanging ang alingawngaw ng aking tinig at ang pagbuhos ng ulan ang aming naririnig. Ngunit agad din iyong nabasag nang bigla na lamang may lumipad na sibat sa aking gilid. Tila kumilos nang mag-isa ang aking katawan at sa isang iglap ay wala nang buhay ang may-ari nito. Ang pilak na palaso ay nakadaluhong sa kanyang dibdib ay agad naglaho at unti-unting naging abo ang kanyang katawan.
 
Batid kong mapanganib ang kapangyarihan ni Bulan ngunit nabibigla pa rin ako sa tuwing nagagamit ko ito. Muli kong naalala ang sinabi ni Datu Atubang noong nakaraan.
 
"Ang basbas ng ating pintakasi ay isang mabigat na tungkulin sapagkat dumadaloy sa ating katawan ang kanilang kapangyarihan. Kapangyarihang maaaring kumitil ng kayraming buhay sa isang iglap."
 
Nasilayan ko ang pagbabago sa galaw ng mga mananakop at bakas sa kanilang mukha ang pagkalito at takot. Ngunit bago pa man ako makapagsalita ay nag-iba ang ihip ng hangin. Inikot ko ang aking paningin at gamit ang pananaw ni Anagolay ay natanaw ko mula sa kalayuan ang isang babae at lalaki.
 
Nakasakay sa kabayo ang lalaki habang nababalot siya ng gintong kalumbiga at marka sa katawan habang ang babae ay nakabihis tulad ng aking kasuotan. Isang lakan at isang babaylan.
 
“Pagbati, sisidlan,” sambit niya at hindi ko mawari kung papaanong naririnig ko ang kanyang tinig gayong napakalayo ng kanilang kinalalagyan.
“Ano ang inyong kailangan sa Agta? Bakit kayo narito?” tanong ko at sinuklian niya ako ng matamis na ngiti.
 
Mula sa kanyang likuran ay aking nasilayan ang hilagyong ngayon ko lamang nakita at sa kanyang ulunan ay isang simbolo ang sumilang—ang ulan.
 
“Narito kami upang batiin ang huling natatanging sisidlan,” tugon niya. “At upang isakatuparan ang isang pangitaing aking nakinggan.”
 
At sa pagtatapos ng kanyang salita ay lumakas ang hangin at ulan na tila mayroong bagyong humahagupit sa gitna ng kagubatan. Pilit kong tiningnan ang mukha ng sisidlan mula sa kalayuan at muli niya akong binigyan ng ngiting nakalalason.
 
“Ang ngalan ko’y Ilati, ang sisidlan ng nararapat sa lukluhan, ang aming Lakan Silang ng Seludong,” sambit niya. “At sa paglubog ng araw ay magsisimula ang kadiliman. Kadilimang may samyo ng dugo at digmaan.”
 
Sa aking isipan ay muli kong napakinggan ang malagim na pangitaing aking unti-unting nauunawaan.
 
Sa paglisan ng isang sisidlan,
magsisimula ang kadiliman;
Sa pag-usbong ng bagong binhi,
paggalaw ng dakilang sanhi.
 
Ang pangitaing pilit kong iniiwasan. Sapagkat batid kong isang buhay ang lilisan.

<< Kabanata 25
Kabanata 27 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads