Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 28

1/12/2020

Comments

 

pamamaalam
​

​"Tiyak na nais niya ring masilayan ang kanyang labi ngunit wala pa ring malay—"
 
Umandap ang aking mga mata at kasabay niyon ay ang pagtulo ng luha mula sa mga ito. Gumuhit sa aking isipan ang nangyari bago ako nawalan ng diwa at tila isang malalim na sugat ang kumukutog sa aking dibdib.
 
"Atubang . . ." Halos bulong lamang ang kumawala mula sa aking bibig.
 
Hindi pa rin matanggap ng aking kalooban ang aking nasilayan noong araw na iyon. Nais kong paniwalain ang aking sarili na hindi iyon tunay . . . na nakaligtas siya at marahil ay kasama na niya si Raniag at ang kanyang apo . . .
 
"Apo Sayi," tawag ni Handiran at bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan.
 
. . . ngunit batid kong iyon ang katotohanan.
Narating na ng atubang ang kanyang hangganan.
 
Muling sumilay ang aking paningin sa aking dalawang gabay. Nakasuot sila ng kaiba sa kanilang karaniwang bihis. Marahan akong bumangon at dumako naman sa aking magkabilang-gilid sina Handiran at Iliway.
 
"Ano ang kalagayan ng Agta?" mahina kong tanong at agad naman silang nagtinginan, tila nag-aalangan sa kanilang itutugon.
"Apo . . . pumanaw na ang datu," hayag ni Iliway.
 
Batid ko na iyon ngunit tila lumubog pa rin ang aking puso nang aking marinig ang kanyang sagot.
 
Pinigil ko ang aking luha. "A-at si Raniag?"
"Naroon ngayon ang Hara," dagdag ni Handiran. "Sa katunayan, ikaw ay kanilang hinihintay roon, Apo Sayi."
 
Nanghihina man ay pinilit kong tumayo at tinulungan nila akong maghanda upang magtungo sa nayon ng Agta. Tulad nila ay iba rin ang kasuotang ibinihis nila sa akin at doon ko napagtanto na ito rin ang kanilang isinuot noong pumanaw ang nakaraang punong babaylan. Sa halip na puti ay sari-saring kulay ang yari ng aming kasuotan. Ayon sa kanila, isang kalapastanganan kay Silagan, diyos ng paglilibing at ng mga pumanaw, ang pagsusuot ng anumang puti o payak na kulay sa libing ng isang namayapa. Kanyang isinusumpa ang sinumang lumabag dito at tiyak na mapupunta ang kanilang kaluluwa sa Kasanaan.
 
Inalalayan nila ako palabas ng aking balay at naglakad kami patungo sa Balay Parsua kung saan naghihintay si Ridge. Naroon din sina Bagim, Anam at Ditan, at silang tatlo ay nakasuot ng kalasag habang hawak ang kanilang mga sandata.
 
Sa aking pagdating ay tumindig sila sa aking harapan. Ang punong babaylan ang may kapangyarihang magtakda ng kailangang gawin sa sandaling lumiban ang pinuno ng isang nayon.
 
"Apo Sayi, kung inyong mamarapatin, nais naming manatili sa Kaboloan," sambit ni Anam.
Tumango naman ako. "Marapat lamang," ani ko. "Nais kong malaman ang kalagayan ng ating mga hangganan."
 
Itinaas ko ang aking braso at makalipas ang ilang sandali ay lumapag doon ang isang kalapati.
 
"Ipagbigay alam ninyo sa akin ang anumang paggalaw o pagbabago at ihahatid ko ito sa Hara," utos ko at agad namang lumipat ang kalapati sa braso ni Bagim.
"Masusunod, Apo Sayi," sabay nilang sambit.
"Tayo na, punong babaylan," sambit ni Ridge habang nakasakay sa kanyang kabayo. "Naghihintay ang Hara at ang Agta."
 
Marahan akong tumungo sa kanya at tinulungan niya akong makasakay roon. Saglit na nawala sina Handiran at Iliway at nang sila ay bumalik ay dala na rin nila ang kanilang mga kabayo at sandata.
 
Sabay silang tumango kay Ridge at agad na tumakbo ang kanyang kabayo, habang nakasunod naman sa amin ang dalawa.
 
"Maayos na ba ang iyong kalagayan?" bulong ni Ridge.
 
Tahimik naman akong tumango. Ang aking huling alaala ay ang pagkahulog ko mula sa balay ni Raniag sa itaas ng mga puno at ang pagsalo ni Ridge sa akin.
 
"Ano ang nangyari noong nawalan ako ng malay?" mahina kong tanong.
 
Naramdaman ko ang paglalim ng kanyang paghinga at ang dala nitong pag-aalala at suliranin.
 
"Isang nakabibinging katahimikan," tugon niya. "Pumalibot ang lahat kay Datu Kayo at nagbigay-galang. Bilang isang pinuno. Bilang isang sisidlan. At bilang isang ama."
 
Pilit kong pinigil ang pagpatak ng aking luha. Maikli man ang panahong pinagsamahan namin ni Atubang Kayo ay siya ang tumayong ama at tagapaggabay sa akin.
 
Bigla namang napatigil ang kabayo sapagkat mayroong hindi inaasahang pangyayari sa aming harapan. Unti-unting tinangay ng hangin ang mga dahon at butil ng lupa sa isang tila buhawing-panggalaw. Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso sapagkat siya lamang ang nakagagawa nito.
 
Sa isang iglap ay nagbago ang kapaligiran. Tila umikot ang mundo at napapikit na lamang ako. Makalipas ang ilang sandali ay isang pamilyar na pook ang aking nasilayan.
 
Dumako ang mga mata ng mga Agta sa amin at aking nakita sa kalagitnaan sina Urduja at Raniag. Bakas sa kanilang mga mukha ang pighati. Tiyak na isang malaking dagok ang pagkawala ng kanilang pinuno na siyang nangalaga sa kanilang kaligtasan sa mahabang panahon.
 
Bumaba kami sa aming mga kabayo at marahang lumapit sa kanila ngunit tila bumigat ang bawat hakbang nang masilayan ko ang katawang nakaratay sa kanilang harapan.
 
"Apo Sayi," paiyak na tawag ni Raniag habang hawak ang kanyang sanggol.
 
Batid ko ang aking nararapat gawin. Bilang isang babaylan, ako ang kanilang inaasahan upang tiyaking sa Kaluwalhatian magtutungo ang kanyang kaluluwa.
 
Tahimik akong nagtungo sa kinahihimlayan ng atubang. Nakabalot siya sa malalaking dahon at ugat habang nakapatong sa kanyang katawan ang kanyang tungkod.
 
Muling nabalot ng katahimikan ang paligid at tanging ang paghampas lamang ng hangin ang aming naririnig. Huminga ako nang malalim at nagsimulang umawit ng dalangin.
 
O, Gutugutumak-kan,
diyos ng Agta,
dinggin ang kanyang ngalan;
O, Bathala,
diyos ng Kaluwalhatian,
dinggin ang kanyang ngalan;
Kayo, ang pinuno ng Agta,
isang tunay na mandirigma,
isang huwarang ama;
sa ngalan ni Pawi,
ang kanyang pintakasi,
at sa ngalan ni Bulan,
bilang kanyang sisidlan,
dinggin ang aking kahilingan:
nawa ang kaluluwa ng atubang,
ay inyong pagbuksan,
sa natatanging kinalulugdan,
ang Kaluwalhatian.
 
Sa aking pagbigkas ng huling mga salita ay natanaw ko si Apo Pawi sa kanyang ulunan. Ayon kay Handiran, madalang lamang magpakita ng makamundong damdamin ang mga diyos at diyosa ngunit bakas sa mukha ng kanyang pintakasi ang pagkalumbay.
 
Dumako ang tingin ng diyos sa akin at saglit na tumungo.
 
"Dininig ng Kaluwalhatian ang iyong kahilingan, babaylan," aniya. "Ikinalulugod kong siya ang aking naging sisidlan."
 
At sa muling paghampas ng hangin ay unti-unting tinangay ang kanyang katawan, na naging kalipulan na lamang dahon, patungo sa kalangitan, hanggang sa tuluyan nang naglaho ang kanyang kalahatan at ang kanyang hilagyo.
 
Agad akong napatingin sa gilid nang masilayan ko ang pagningning ng isang marka. Sa ulunan ng anak ni Raniag ay nagliwanag ang marka ni Apo Pawi—ang marka ng binhi.
 
Lumapit ako kina Urduja at Raniag at tinitigan ang kanyang anak.
 
"Ano ang kanyang ngalan?" tanong ko.
 
Sumilay ang ngiti sa kanyang labi datapwa't may bakas din ng lungkot sa kanyang mga mata.
 
"Sinag," sambit niya.
 
Kasabay noon ay ang muling pagsagi sa aking isipan ng isang pangitaing aking nais nang kalimutan.
 
Sa paglisan ng isang sisidlan,
magsisimula ang kadiliman;
Sa pag-usbong ng bagong binhi,
Paggalaw ng dakilang sanhi.
 
Tiyak na ito ang tinutukoy nito. Ang pagsilang ng kanyang anak, ni Sinag, ang bagong binhi, ay siya ring hudyat ng pagsisimula ng kadiliman . . . ng paglalaban ng mga napiling kapunuan ng mga natatanging sisidlan sa kataas-taasang luklukan.
 
"Magat, Sayi" tawag ni Urduja kaya't lumapit din si Ridge sa aming kinatatayuan.
"Ano iyon, Hara?"
"Nais kong magkaroon ng pulong ang mga datu," utos niya. Tumingin naman siya kay Raniag. "At bilang anak ni Datu Kayo, ikaw ang nararapat na maluklok sa kanyang nilisang katayuan."
"Masusunod, Hara," sambit namin.
"Ikinalulugod ko ang inyong basbas, Hara," sagot ni Raniag.
"Hindi ko mapapatawad ang hangal na kumitil sa kanyang buhay," halos pabulong na angil ni Urduja. "Nais kong panagutin ang Katimugan. Buhay kapalit ng buhay."
 
At sa pagtama ng sinag ng araw sa kanyang mukha, nasilayan ko ang pag-apoy ng galit sa kanyang mga mata.
 
"Kung gayon, Hara, tayo na at bumalik sa Kaboloan."
 
 
***
 
Makalipas ang isa't kalahating araw ay nakarating kami sa Kaboloan at agad na naghanda sa pulong si Urduja. Ayon kay Ridge, na siyang nagbigay-alam sa mga datu ukol sa pulong, sila ay darating sa mga susunod na araw.
 
Sinamahan niya ako patungo sa aking balay at nang kami ay makapasok ay agad niyang nilatag ang papel na tila naglalaman ng isang balangkas.
 
"Ano ito?" tanong ko habang nakaturo roon.
"Iba't ibang bahagdan ng taktika sa nalalapit na digmaan," tugon niya.
 
Sa kanyang pagsambit ng digmaan ay tila nagsitayuan ang mga balahibo sa aking katawan. Batid kong hindi na mapipigil ito ngunit natatakot ako sa maaaring mangyari.
 
"Makapangyarihan ang nayon ng Seludong," ani ko. "Nasugatan ko man ang lakan, mayroon naman silang napakalakas na sisidlan."
"Siya nga. At tiyak na gagalaw rin ang nayon ng Tundun."
 
Kumunot ang aking noo nang aking marinig ang kanyang salaysay.
 
"Ang Tundun?"
 
Sa aking pagkakatanda, ang nayon na iyon ang siyang nagpabagsak sa pamumuno ni Datu Urang at ang kanilang lakan ang kumitil sa kanyang buhay. Ang nayon na kinamumuhian ni Urduja.
 
"Ayon kay Bagim, unti-unting lumalaki ang kanilang hukbo at tila mayroon din silang tinatago."
 
Tila isang kidlat ang tumama sa akin nang mapagtanto ko ang maaaring ibig niyang sabihin.
 
"Ang isa pang sisidlan . . . marahil ay nasa nayon ng Tundun."
"Kung kaya't kailangan natin ng iba pang kasangga."
 
Nilabas niya ang isa pang papel kung saan nakaguhit ang mapa ng Lusong . . . at mga karatig nitong bansa.
 
"Ano ang nais mong gawin? Huwag mong sabihing . . ."
Pumukaw ang ngiti sa kanyang mga labi. "Kailangan natin ng kanilang dunong lalo na at bihasa sila sa pakikidigma."
"Ngunit . . ."
"Inilahad ko na ito sa Hara at iniwan niya sa akin ang pagpapasiya."
"Ibig mong sabihin ay tutungo tayo sa Silangan?"
 
Napaawang na lamang ang aking ngiti nang siya ay tumango sa aking katanungan.
 
"Siya nga. Bilang sugo ng Kadayangan ng Kaboloan, tayo ay tutungo sa Imperyo ng Dakilang Ming sa Tsina, at Kasugunan ng Ashikaga sa Hapon."

<< Kabanata 27
Kabanata 29 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    February 2021
    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads