Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 30

3/11/2020

Comments

 

hudyat ng pagsisimula

Ilang sandali na ang nakalipas ngunit hindi ko rin alam ang gagawin. Marahil ay hapo na ang kanyang isip at katawan kung kaya’t hindi na niya kinaya.
 
Nakatulog na lamang si Ridge sa aking balay matapos niyang isalaysay ang aking tungkulin sa nalalapit na paggalaw ng Kadayangan ng Hilaga.
 
“Magpahinga ka muna,” mahina kong sabi at saka naglagay ng patungan sa kanyang ulunan.
 
Dumako ako sa bintana at muling tinanaw ang liwanag ng buwan at ng mga bituin sa kalangitan. Ramdam ko ang hanging tila pumipigil sa aking paghinga.
 
“Ang samyo ng dugo . . .” sambit ko.
 
Hindi man ganoon kalakas ay tila dinadala ng hangin ang tila bakal na amoy sa dugo. Isang hudyat na nagsisimula na ang pakikipaglaban ng iba’t ibang nayon upang mapalawig ang kani-kanilang sakop na lupain.
 
Muli akong napatingin kay Ridge at napangiti. Marahil kung hindi siya napunta sa panahong ito ay malabong manalo ang Kaboloan. Ang lawak ng kanyang kaalaman ang dahilan kung bakit unti-unting nakaaangat ang Kaboloan at ang mga nayong kasangga nito sa iba pa.
 
Tulad niya, nais ko ring makatulong sa kaunlaran at kaligtasan ng aming nayon.
 
Sa kailaliman ng gabi ay lumabas ako sa aking balay at nagtungo sa pusod ng gubat kung nasaan ang pook-dasalan. Agad akong napatigil nang makarinig ako ng ingay mula roon. Marahan akong nagtago sa likod ng puno at sumilip.
 
“Nalupoy!” (Mahina!) sigaw ni Anam kay Handiran habang nagsasanay sa pagkikipaglaban gamit ang sibat.
 
Nanindig ang aking katawan nang makita ko ang mga mata ni Handiran mula sa liwanag ng buwan—mga matang nag-aalab sa kasugiran.
 
“Nais nila lumakas upang ikaw ay ligtas.”
 
Isang impit na sigaw ang lumabas mula sa aking bibig nang marinig ko ang tinig na iyon sa aking tabi. Sa aking paglingon ay sumalubong ang tingin ni Bagim habang nakatingin sa kalangitan.
 
“B-Bagim.”
“Sa Hara . . . at sa punong babaylan . . . aming tungkulin ang inyong tiyak na kaligtasan.”
 
Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa aming pagitan. Siya nga. Bawat tao sa nayon ay may kani-kaniyang tungkulin. At bilang babaylan, batid ko ang nararapat kong gampanan.
 
Ikinuyom ko ang aking kamay at tumingin kay Bagim.
 
“Mayroon akong kahilingan,” saad ko.
 
At doon nagsimula ang aking paghihirap.
 
***
 
Sa pag-usbong ng kanyang araw,
kadiliman ay muling dadalaw;
Kapalit ng kanyang sinag,
haligi'y papawian ng liwanag.
 
Agad akong napabangon habang hinahabol ang aking hininga nang muling kumisap sa aking isipan ang pangitain na iyon.
 
“Bangungot?” usisa ng isang tinig at napatingin ako sa aking gilid. “O isa na namang pangitain?”
 
Ilang sandali akong nakatitig lamang kay Ridge at hindi ko tiyak kung ano ang dapat maipinta sa aking mukha. Bago pa man ako makapagsalita ay isang hagikgik ang lumabas mula sa kanyang mga labi.
 
“Nawalan ka ng malay habang nagsasanay?”
 
Nabalot ng hiya ang aking mukha at muli kong naalala ang nangyari kagabi.
 
Nais kong maging bihasa pa lalo sa paggamit ng pana sapagkat iyon ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ni Bulan. Bilang punong-mandirigma at bihasa sa paggamit ng anumang sandata ay hiniling ko kay Bagim na ako’y kanyang muling sanayin.
 
Nagtungo kami sa kabilang bahagi ng gubat at itinuro niya sa akin ang tamang tindig at paghawak sa pana upang mas maging tumpak ang pagtama ng mga palaso.
 
Makalipas ang ilang sandali ay halos hapo na ang aking katawan at tila makakalas na ang aking braso. Kung araw-araw na nagsasanay si Urduja sa kanya ay hindi na ako magtataka kung bakit walang makatalong mandirigma sa prinsesa bukod sa kanyang natatanging mandirigma.
 
“Sa aking tingin, maayos na ang iyong tindig,” sambit niya. “Ngunit sa laban, mas may maitutulong siya.”
“S-sino?” halos pabulong kong tanong habang patuloy pa rin na hinahabol ang aking hininga.
“Raniag.”
“S-si Raniag? Ang anak ni Atubang Kayo?”
Agad siyang tumango. “Pinakamahusay na mamamana.”
“Kung gayon, siya—”
 
Bago ko pa maituloy ang aking mga salita ay naramdaman ko ang unti-unting pagbagsak ng aking katawan sa lupa at ang pagdilim ng paligid.
 
Sinamaan ko ng tingin si Ridge matapos niyang sabihin iyon.
 
“P-paano mo nalaman iyon?”
 
Isang pilit na pagtawa ang kanyang isinukli at agad siyang umiwas ng tingin.
 
“Dinala ka nina Anam at Handiran dito sa iyong balay at . . .” Napatigil siya sa pagsasalita at napakamot sa kanyang pisngi. “Naabutan nila akong natutulog dito.”
 
Napalitan ng pagkabalisa ang aking hiya nang sabihin niya iyon.
 
“Sapagkat banal ang balay at hilagyo ng babaylan ay batid kong batid mo na ang sumunod na nangyari.”
“A-anong ginawa nila sa iyo?”
Muli siyang tumawa. “Ginising lamang ako ni Anam gamit ang kanyang sibat. Ngunit mas nakakatakot pala si Handiran kapag siya ay galit,” saad niya habang patuloy na tumatawa.
“S-si Handiran?”
Agad siyang tumango. “Pakiramdam ko ay naglalagay siya ng sumpa sa akin habang nakatingin siya nang matalim. Nakakatakot magalit ang mga babaylan.”
“P-patawad!” sigaw ko. “Dapat ay ginising kita bago pa man ako lumisan dito.”
“Ayos lamang. Pagkakamali ko rin iyon. At nakapagpahinga na rin naman ako nang maayos.”
 
Napahawak na lamang ako sa aking noo dahil sa mga nangyari. Mabuti na lamang at nawalan ako ng malay noon sapagkat hindi ko rin alam kung papaano makakaligtas sa mga mata nina Handiran at Anam.
 
Matapos iyon ay sabay na kaming lumisan mula sa aking balay. Ayon sa kanya, nais niyang dumalaw sa pandayan kung saan hinuhulma at ginagawa ang mga sandata.
 
Nang makarating kami roon ay nagtungo kami sa pook-gawaan ni Ditan, ang punong panday ng Kaboloan. Naabutan naming siyang naghuhulma ng talim ng sibat at napahinto siya nang kami ay kanyang makita.
 
“Magat! Apo Sayi!” bati niya. “Ano ang aking maipaglilingkod?”
 
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Ridge at agad niyang isinalaysay kay Ditan ang kanyang pakay.
 
“S-siya nga. Mas magiging maigi ang kanilang pakikipaglaban!” sambit niya at saka siya tumakbo papuntang hulmahan.
“Magkabilang-talim sa sibat ng mga Kalakian . . . siya nga,” hayag ko. “Sapagkat mas dalubhasa sila sa pakikipaglaban habang nakasakay sa kabayo ay mas mainam ngang ganoon ang kanilang sandata.”
“At mas malawak ang kanilang sakop kapag gamit nila ito habang nakikipaglaban sa lupa. Sa mga mandirigma naman, mas makabubuti kung mayroon silang suot na kalasag. Ngunit nais nilang natatanaw ang marka sa kanilang katawan kung kaya’t mahihirapan akong hikayatin sila. Nais ko rin sanang maging handa sa mga magiging sugatan, ngunit hindi ganoon kalawak ang aking kaalaman sa mga halamang-gamot.”
 
Napatitig ako sa kanya at tahimik na namangha. Tunay ngang nararapat siyang maging pantas at taktiko. Sa antas ng kanyang dunong ay tiyak na mayroon kaming kalamangan sa ibang nayon at nagagalak akong narito siya ngayon sa aming tabi.
 
“Cyrene?” tawag niya. “Bakit ka nakangiti?”
“Wala,” sambit ko at saka tumalikod. “Nais ko lamang magpasalamat kay Apo Anagolay sapagkat narito ka ngayon.” Saglit akong tumigil sa paglalakad at lumingon sa kanya. “Marahil tama ka. Marahil nakatadhana nga ang lahat ng ito. Sapagkat kung wala ka sa panahong ito, tiyak na hindi ko alam ang aking gagawin. Kaya’t nagagalak akong narito ka . . . Ridge.”
 
Nagpatuloy ako sa paglalakad at tumungo sa pook-dasalan. Huminga ako nang malalim at sinambit ang kanyang ngalan.
 
“Apo Pawi. Dinggin ang aking ngalan. Sayi, ang sisidlan ni Bulan.”
 
Ayon kay Atubang Kayo, bukod sa aking pintakasi, maaari kong tawagin at gamitin ang kapangyarihan ng mga diyos at diyosa na akin nang nasilayan, ngunit sa kalagayan lamang na tanggap nila ako bilang kanilang sisidlan.
 
Tila isang ipoipo ang nasa aking harapan at dala nito sa pag-ikot ang mga dahon at tipak ng lupa. Sa isang iglap ay nagpakita si Apo Pawi sa akin.
 
“Ano ang iyong nais, sisidlan?”
“Maaari mo bang dalhin dito si Raniag?”
 
Sa katunayan ay maaari naman akong magpadala ng sulat sapagkat bihasa na sa pagbabasa ng baybayin si Raniag ngunit aabutin pa ng isang araw bago niya ito matanggap. Sa pagpanaw ni Atubang Kayo, si Raniag ang napiling bagong sisidlan ng diyos ng kagubatan.
 
Bigla na lamang siyang naglaho sa hangin. Ilang sandali akong natulala ngunit nagulat ako nang biglang umikot muli ang mga dahon sa ibaba . . . hanggang sa nasa aking harapan na si Raniag na tila nagtataka rin sa nangyari.
 
“A-apo Sayi!” sabay yukod niya at nasilayan ko ang hilagyo ni Apo Pawi sa kanyang likuran.
“Ikinalulugod ko ang iyong tulong, Apo Pawi,” mahina kong sambit at matapos niyon ay naglaho rin siya sa hangin.
 
Agad ko namang idinulog kay Raniag ang aking kahilingan at agad din siyang pumayag. Namangha ako nang ipinamalas niya ang kanyang kadunungan sa paggamit ng pana.
 
Kahit saan man siya magtungo, kahit anong pagkilos ang kanyang gawin, at kahit anong hadlang ang sumilay sa kanyang paningin ay sa tumpak na bahagi ng puno pa rin tumatama ang mga palasong kanyang binibitiwan.
 
“Apo Sayi, iyong subukin ang natatangi mong pana,” sambit niya.
 
Rinig ko ang lakas at bilis ng pagtibok ng aking puso sa kaba kaya’t pinilit kong maging kalmado. Ayon sa mga salita ni Handiran at Iliway, ang pagiging payapa ng isip at katawan ang pangunahing pangangailangan upang maging dalubhasa sa pagpapana.
 
Naramdaman ko ang pagdaloy ng kapangyarihan ni Bulan sa aking katawan, maging ang pagbabago ng kulay ng aking mga mata at buhok.
 
Huminga ako nang malalim at itinutok ang palaso sa isang puno sa di-kalayuan. Isang nakabibinging tunog ang aming narinig nang aking pakawalan ang tila-palasong gawa sa liwanag ng buwan at sabay kaming napasinghap ni Raniag nang masilayan namin ang nangyari.
 
Sa isang iglap, naging abo ang buong puno, maging ang mga karatig nitong kapunuan. Walang anumang bakas ang naiwan. Ang mga abo’y tinangay na lamang ng hangin.
 
Napatakip ng bibig si Raniag habang napanganga na lamang ako sa panganib na dulot ng aking sandata.
 
“Apo Sayi . . .”
“Bilang natatanging sisidlan ng Kadayangan, nais kong makamit ang kapangyarihan laban sa iba pang sisidlan,” bulong ko sa aking sarili. “Kapangyarihang makapagluluklok kay Hara Urduja bilang kataas-taasan.”
 
At kasabay ng aking kahilingan, isang malagim na bagyo ang nagbabadya sa kanyang Kadayangan.
 
Umalingawngaw ang kakaibang tunog ng tambuli sa buong nayon—hudyat ng paglusob ng mga taga-Timog. Humigpit ang aking hawak sa kahoy na biyaya ng aking pintakasi.
 
“Raniag,” tawag ko.
“Ano iyon, Apo?”
“Bumalik ka sa iyong nayon at maghanda sa labanan.” Tumingin ako sa kanya at agad na napalitan ng kasugiran ang takot sa kanyang mga mata. “Ito na ang takdang panahon upang ipamalas ang kakayahan ng mga Agta.”
“Masusunod, Apo Sayi.”
 
Agad na naglaho si Raniag at mabilis akong nagtungo sa Balay Parsua. Naabutan kong nagsusuot ng damit-pandigma si Urduja at pinintahan niya ng kanyang sariling dugo ang kanyang mukha.
 
“Hara,” pagbati ko.
“Sayi,” tawag niya at muli akong nagitla sa tikas ng kanyang tindig. “Iyong ipakita ang kakayahan ng natatanging sisidlan. Ikaw ay aking aasahan.”
“Masusunod, Hara.”
 
Matapos niyang maghanda ay lumabas siya sa balay at hinarap ang kanyang nasasakupan.
 
“Ipinapangako ko ang muling pagsikat ng araw sa ating lupain,” pahayag niya. “Sa ngalan ng Kaboloan!”
“Sa ngalan ng Kaboloan!”
 
At sa pagtama ng sinag ng araw sa kanyang mukha, nagsimula ang tagisan ng mga nayon mula sa timog at hilaga.

<< Kabanata 29
Kabanata 31 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads