Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 38

8/29/2020

Comments

 

pagpawi ng liwanag
​

Tila mayroong palasong dumuro sa aking puso nang makita ko ang kalagayan ni Handiran mula sa likuran ng babae. Naramdaman ko ang panginginig ng aking kalamnan. Agad na gumapang ang takot at dama ng pagkakasala sa aking dibdib.
 
“Handiran,” halos pabulong na sambit ni Anam habang nakatingin sa kanila.
 
“Pagpupugay, sisidlan ng hilaga,” sambit ng lalaki mula sa kalayuan. Sa akin lamang nakatuon ang kanyang tingin, isang lapastangang kilos na maituturing sapagkat hindi niya binigyang-pansin si Urduja, ang aming pinuno.
 
Pigil ang hininga ng bawat gabay at mandirigma ngunit nagngingitngit at malagim ang mga tingin nina Urduja, Anam at Bagim sa dalawa.
 
Nabigla na lamang kami nang hinawakan ng lalaki ang buhok ni Handiran at kinuyom ito. Nakita namin ang kanyang mukha na pulos dugo at tila nadurog ang aking puso nang masilayan ko ang paghihirap na kanyang dinanas sa kanilang mga kamay.
 
“Ang nais ni Ama ay ang dakilang sisidlan,” sabay tingin niya nang masama kay Handiran, “subalit ito ang kanyang nakuha.”
 
Muli niyang itinulak ang ulo ni Handiran sa likuran ng babae at bigla na lamang nilang pinatakbo ang kanilang mga kabayo.
 
“Ika’y hihintayin namin sa bahayan ng Maysapan, sisidlan.”
 
Mabilis silang nakalayo kaya’t agad namin silang sinundan. Ilang mandirigma ng Namayan ang humarang sa aming daanan ngunit agad silang nawala sa aming harapan nang sumugod sina Bagim at Anam.
 
Wala ni isa ang nagsalita at patuloy lamang na sinusundan ang dalawang pinunong aming nasilayan ngunit likas na mas mabilis silang magpatakbo ng kabayo kaya’t unti-unti silang nawawala sa aming paningin.
 
Apo Anagolay, dingin ang aking ngalan, saad ko sa aking isipan at agad kong naramdaman ang pagdaloy ng kanyang kapangyarihan sa aking paningin.
 
Mabilis akong lumingon kay Ridge at agad niyang nakuha ang nais kong mangyari. Binilisan niya ang pagtakbo ng aming kabayo hanggang sa kami ang manguna sa aming hanay.
 
Mula sa aking kinalalagyan ay tanaw ko ang dalawa. Muling bumigat ang aking puso nang makita ko ang kalagayan ni Handiran. Tila lantang-gulay siyang nakatali sa katawan ng babae. Ang puting buhok ng kabayo ay nabahira na ng kanyang dugo. Tiyak na siya’y humihinga pa ngunit hindi ko batid kung hanggang kailan.
 
Ako ang naging gabay ng aming hukbo upang patuloy na masundan ang mga taga-Namayan.
 
Nababagala rin ako sa aking natanaw na marka kanina. Ang marka ng araw ay tanda ng pagiging napili ni Apo Init . . . liban na lamang kung mayroon pang ibang diyos o diyosang mayroong kawangis na marka.
 
“Handiran . . .” mahinang sambit ni Anam.
 
Hindi ko alam kung ilang sandali na ang nakalipas. Palubog na ang araw nang huminto kami sapagkat hapo na ang aking mata. Bumigat ang aking pakiramdam sapagkat tuluyan nang nawala sa aming paningin sina Handiran.
 
 
“Magpahinga ka ng ilang sandali, Sayi,” utos ni Urduja.
 
Iyon ang unang pagkakataon na siya ay nagsalita matapos naming masilayan si Handiran.
 
“N-ngunit—”

​Isang matalim na tingin ang kanyang binitiwan. “Kailangan ko ang iyong lakas. Pagkagat ng dilim, titiyakin kong hindi na muling masisilayan ng araw ang nayong ito.”
 
Halos nagsitayuan ang buhok sa aking katawan nang bitiwan niya ang mga salitang iyon. Tila naglalagablab ang kanyang mukha mga mata dahil sa pagtama ng araw sa kanyang mukha.
 
“Magat,” tawag niya at agad na tumingin sa kanya si Ridge. “Nais kong masilayan ang banghay ng Namayan. Maiguguhit mo ba ang kabahagian nito?”

“Marapat lamang, Hara.”


“Bagim. Anam. Mananatili tayo rito sa loob ng ilang sandali. Panatilihin ninyo ang ating bilang at tiyaking walang makalulusot na kalaban sa ating moog. Ditan, nais kitang makausap.”


“Masusunod, Hara,” sabay nilang tugon.

 
Unti-unting nabalot ng dilim ang kalangitan. Bumaba si Urduja mula sa kanyang kabayo at lumayo sila ni Ditan. Samantala, narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni Ridge. Bumaba rin kami mula sa kabayo at napasandal siya sa katawan ng isang puno.
 
“Hindi maganda ang aking kutob,” mahina niyang sabi.

Umupo ako sa kanyang tabi. “Bakit?”


“Nababalot ng galit ang Hara, maging sina Anam at Bagim,” pagpapatuloy niya. “Batid ko ang poot na kanilang nararamdaman ngunit nahahadlangan din nito ang kanilang dunong at kakayahan.”

 
Sa katunayan ay ganoon din ang aking saloobin. Ngayon ko lamang nakita na ganoon ang tatlo. Takot ang aking naramdaman nang tumingin sa akin si Urduja kanina lamang.
 
“Isa pa ay tila batid ng Namayan ang ating balak. Bakit nais nila tayong magtungo sa kanilang punong-bahayan? Hindi ba’t makabubuti sa kanila kung ang labanan ay magaganap sa hangganan?”

“Iyan din ang isa kong ipinagtataka,” dagdag ko.

 
Isang malagim na katahimikan ang pumagitan sa aming dalawa. Ilang sandali pa ang lumipas bago siya muling nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. Inilabas niya ang papel na kanyang ginawa at dinala at gumuhit ng mapa gamit ang uling mula sa sinunog na kahoy.
 
“Kung tama ang aking kuro ay nasa kalakhang Maynila na tayo,” aniya habang patuloy na gumuguhit. “Sa tingin ko ay ilang sandali na lamang ay matatanaw na natin ang Ilog Pasig sapagkat narito na tayo,” sabay turo niya sa isang bahagi ng mapa.

Picture

​“Kung gayon ay malapit na rin tayo sa punong-bahayan ng Namayan?”

Tumango siya. “Ganoon na nga.”
 
Muli akong napatingin sa kalangitan at naroon pa rin ang pulang buwan ngunit unti-unti na itong bumabalik sa dating kaanyuan.  Naramdaman ko rin ang unti-unting pagbuti ng kalagayan ng aking mata. Simula noong maging pula ang buwan ay may kakaibang kirot sa aking mga mata na tiyak ay isa sa mga dahilan kung bakit bigla na lamang itong nahapo sa kapangyarihan ni Apo Anagolay.
 
Makalipas ang ilang sandali ay muling bumalik sina Urduja, Ditan, Anam at Bagim. Nang mas maging mabuti ang aking pakiramdam ay iniulat ko iyon sa kanya upang ipagpatuloy ang aming paglalakbay.
 
Agad akong inalalayan ni Ridge sa muling pagsakay sa aming kabayo ngunit sa pagkakataong ito, si Urduja ang nanguna sa aming hanay. Nagkatinginan kami ni Ridge.
 
Sa katunayan, mas makabubuti sa amin na sumugod sa pagsikat ng araw sapagkat doon maipamamalas ni Urduja ang kanyang lakas. Gayunpaman, mayroon pa rin kaming kalamangan sapagkat mayroong basbas ni Apo Tala sina Bagim at Ridge.
 
Tahimik naming binaybay ang talingid na pook kung saan kami naroroon habang nakaantabay sa maaaring paglusob mula sa paligid.
 
Ilang sandali pa ay itinaas ni Urduja ang kanyang kamay. Sa gitna ng tahimik na kapaligiran ay narinig namin ang rumaragasang tubig. Agad kaming nagkatinginan ni Ridge at tiyak na magkatulad ang aming iniisip—malapit na kami sa Ilog Pasig.
 
Isang nakagigimbal na tunog ng mga tambuli ang sumalubong sa amin. Nagliwanag ang daan sa aming harapan at sumilay sa aming paningin ang malaking ilog . . . kung saan ilang bangkang pandigma ang bumabaybay.
 
Sa pinakamalaking Karakoa ay natanaw ko ang mga pamilyar na mukha: ang dalawang hinahabol namin kanina, si Lakan Tagkan . . . at ang dalawa mula sa Seludong, sina Lakan Silang at Ilati.
 
Nag-igting ang panga ni Urduja nang makita niyang muli ang dalawang lakan mula sa Katagalugan. Samantala, sinalubong si Urduja ng ngiti nina Lakan Tagkan at Silang. Bakas sa kanilang mga mukha ang tagumpay nang masilayan nila ang aming bilang. Higit na mas marami ang kanilang mga mandirigma lalo na at kami ay nasa kanilang kalupaan.
 
“Pagpupugay, Prinsesa ng Kahilagaan,” bati ni Lakan Tagkan.

"Nagkita tayong muli, Hara," sambit ni Lakan Silang.
 
Muli kong naalala ang huli nilang pagkikita. Noong dakipin ako ng Sambal at nakita naming doon si Lakan Tagkan ay pinagbantaan ni Urduja ang kanyang buhay. Samantala, akin ding naalala kung paano tinawag ni Lakan Silang si Urduja bilang binukot lamang noong nagtagpo sila sa hangganan.
 
Nagkatinginan kami ni Ridge at ngayon ay batid na namin kung bakit nais nilang makipagtunggali malapit sa kanilang punong-hangganan. Ito ay dahil sa ilog ng Pasig at kay Ilati. Nagsanib-lakas ang dalawang nayon mula Katimugan.
 
Dumapo naman ang tingin ng dalawang lakan sa akin at binigyan ako ni Lakan Silang ng isang mapait na ngiti habang hawak ang kanyang balikat kung saan tumama ang palasong pinakawalan ko noon.
 
“Gayon din sa iyo, sisidlan,” dagdag niya habang nakatingin nang matalim sa akin.
 
Natuon naman ang aking pansin kay Ilati nang humakbang siya paharap. Nagtagpo ang aming mga mata at agad kong nakita ang aking sarili na nalulunod. Napasinghap ako at pilit umatras upang makawala sa aking nasilayan hanggang sa maramdaman ko ang pagtama ng aking likuran kay Ridge.
 
Pigil ang aking hininga matapos iyon at sinuklian naman ito ni Ilati ng isang tusong ngiti.
 
“Sisidlan,” tawag niya na tila dumagundong sa buong bahayan. “Ito na ang panahon upang magpasya kung sino ang nararapat sa luklukan. Sino nga ba ang nararapat na humubog ng kasaysayan?”
 
Sumulyap siya kay Lakan Silang na nasa kanyang tabi habang napatingin naman ako kay Urduja.
 
Sa bawat paghaharap ng dalwang sisidlan ay nauuwi ito sa labanan, kaya’t batid ko na rin ang kahahantungan nito noong sandaling masilayan ko ang kanyang anyo. Sapagkat may ugnayan ang Namayan at Seludong at kami ay nasa kanilang kalupaan, higit na nakalalamang ang kanilang hukbo.
 
“Sa ngalan ng Namayan at Seludong, Anitun Tabu, dinggin ang aking ngalan.”
 
Nagimbal ang lahat, maging ang mga mandirigma ng katimugan nang biglang lumakas ang pag-agos ng ilog at paghampas ng hangin . . . hanggang sa isang malaking alon ang sumilang mula sa katubigan.
 
“Hara!”
 
Agad pinalibutan ng mga gabay si Urduja. Samantala, tumalon ako mula sa kabayo at dinig ko ang pagtawag sa akin ni Ridge ngunit nanatili ang aking tingin kay Lakan Tagkan.
 
“Lakan, kung ako ang inyong nais, pakawalan ninyo ang aming babaylan,” sambit ko sa gitna ng mala-bagyong hangin. “Pakiusap.”
 
Muli kong natanaw si Handiran sa likuran ng babaeng nakasagupa namin kanina. Marahas siyang itinulak ng kasama niyang lalaki sa harapan ng karakoa at iniharap sa amin.
 
“Handiran . . .” impit kong tawag.
 
Marahang gumalaw ang kanyang mata sa aming kinatatayuan at isa-isa niya kaming sinulyapan. Agad kong pinigil ang aking luha nang magtama ang aming mga mata. Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi, bagama’t hirap na itong igalaw ang kanyang mukha.
 
“A-apo Sayi . . .” mahina niyang sambit. “N-nagagalak . . . akong . . . makita kang . . . ligtas . . .” Dumako ang kanyang tingin kay Urduja at marahan niyang iniyuko ang kanyang ulo. “P-patawad . . . Hara . . . d-dahil sa akin . . . “

“Handiran!” sigaw ni Urduja, dahilan upang siya ay matahimik. “Wala kang dapat ihingi ng tawad. Bilang mamamayan ng Kaboloan, tungkulin kong tiyakin ang iyong kaligtasan.” Binigyan niya ito ng ngiti, ngunit bakas sa kanyang mga mata ang poot at pighati. “Kasama ka naming babalik sa ating kadayangan.”
 
Gumuhit naman ang gulat sa mukha ni Handiran. Marahil ay hindi niya inakala na ganoon ang magiging tugon ni Urduja. Sa gitna noon ay dumako ang kanyang tingin kay Anam at muli siyang ngumiti ngunit kasabay noon ay ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang mukha. Nanginginig sa awa at galit ang mga kamay ni Anam ngunit pinipigilan niya ang pagluha sa harapan ni Handiran.
 
“P-patawad . . . t-tila hindi nagbunga . . . ang aking pagsasanay . . .”

“Huwag kang mag-alala, may panahon pa,” sambit niya. “Ililigtas kita at muli tayong magsasanay.”
 
Bago pa makapagsalitang muli si Handiran ay bumalot sa kanyang katawan ang alon mula sa ilog. Nakalutang ang kanyang katawan sa gitna ng alon na tila naghugis-kamay at nakahawak sa kanyang katawan. Sabay-sabay kaming napasigaw sa kanyang ngalan ngunit nabaling ang aking tingin nang tumayo mula sa kanyang kinauupuan si Lakan Silang.
 
Nanlaki ang aking mga mata nang hinugot niya mula sa kanyang baywang ang kampilan at itinutok kay Handiran.
 
“Ang mga natatanging sisidlan lamang ang aming kailangan.”
 
Matapos niyang bitiwan ang mga salitang iyon ay tumagos sa dibdib ni Handiran ang dulo ng kanyang kampilan at nabalot ng iba’t ibang damdamin ang aking katawan at isipan.
 
“HANDIRAN!” bulyaw ni Urduja na tila umalingawngaw sa buong pook.
 
Napatigil ang lahat nang bigla na lamang magliwanag ang kaanyuan ni Urduja. Nabalot siya ng nakasisilaw na liwanag at sa kanyang magkabilang-kamay ay dalawang kampilan na tila yari sa sinag ng araw. Ngunit kaiba sa nangyari noong sumikat ang araw, may tinta ng pula ang kanyang sinag na tila sumasalamin sa kanyang galit.
 
Isang malaking pag-indayon ng kampilan ang kanyang binitiwan at agad na natupok ang mga karakoa sa kanyang harapan. Nakabibinging sigaw ang kanyang pinakawalan, at kasabay nito ay ang muling pagdaan sa aking isipan ng nakaraang pangitaing aking nakinggan:
 
Sa pag-usbong ng kanyang araw,
kadiliman ay muling dadalaw;
Kapalit ng kanyang sinag,
haligi'y papawian ng liwanag.
​


<< Kabanata 37
Kabanata 39 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads