Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads

Kabanata 41

2/15/2021

Comments

 

pagbagsak ng kaboloan
​

Ang aming pagbabalik sa Kaboloan ay tila isang malagim na paglalakbay tungo sa kasawian. Wala ni isa ang nagsasalita at tanging ang aming hapit na paghinga lamang ang naririnig, kasabay ng paghampas ng hangin sa mga kapunuan.
 
Sapagkat wala nang lakas si Raniag upang mabilis kaming makarating doon ay si Urduja lamang ang kanyang naisama. Halos hapo na rin ang aming mga kabayo, ang ila’y pag-aari ng mga Namayan, ngunit tila sanlibong palaso ang dumarampi sa aking balat dahil sa bilis ng kanilang pagtakbo.
 
Unti-unting nanlabo ang aking mga paningin at umikot ang paligid. Agad akong napasandal kay Ridge at saglit na pumikit.
 
“Magpahinga ka, Sayi,” marahan niyang bulong. “Tiyak na kakailanganin ng Hara ang iyong kapangyarihan.”

“Ngunit . . .” sambit ko ngunit walang tinig na lumabas mula sa aking bibig.
 
Mas lalong bumigat ang aking mga talukap ngunit pilit kong nilabanan ang pagod nang masilayan ko ang takot at pagkabagabag sa mga mukha nina Bagim at Anam. Kasunod namin ang ilang Kalakian at mandirigmang nakaligtas sa Namayan. Karga ng dalawa sa likuran ng kanilang mga kabayo ang labi ni Ditan at ang kanyang kabiyak na nakatingin lamang sa kawalan.
 
Nabaling ang aking paningin sa kalangitan at muling bumigat ang aking pakiramdam nang matanaw ko ang bagong talampad ng mga bituin sa wangis ni Handiran habang hawak ang kanyang kampilan. Marahang tumulo ang luha sa aking pisngi at nagsisising hindi ko siya agad na nailigtas.
 
Naramdaman ko naman ang marahang paghawak ni Ridge sa aking ulunan. Bagama’t nakatalikod ako sa kanya ay tila batid niya ang aking pagdadalamhati. Nagtuluy-tuloy ang tahimik ng pagpatak ng aking mga luha hanggang sa tuluyang mahimbing ang aking diwa.
 
***
 
Ang nakasisilaw na sinag ng araw at ang kagimbal-gimbal na mga pagsigaw ang gumising sa akin. Sa loob lamang ng mahigit sa kalahating araw ay nakabalik kami sa aming nayon—ngunit tila ibang pook na ang aming nadatnan.
 
Tila lumubog ang aking puso nang matanaw ko ang kasalukuyang kalagayan ng hangganan ng Kaboloan. Nilamon ng nagngingitngit na apoy ang kagubatan. Nakaratay sa kalupaan ang mga katawan ng aming mga mandirigma at ilang mga naiwang kalalakihan sa nayon. Ang ilang kabahayan ay nagsisimula na ring matupok ng apoy.
 
Agad na tumungo sina Bagim at Anam sa kalooban ng nayon kung saan nanggagaling ang ingay ng labanan. Bakas sa kanilang mukha at kilos ang pangamba sapagkat mag-isa lamang si Urduja at hindi namin tiyak ang kanyang kasalukuyang kalagayan.
 
“Kalakian!” biglang sigaw ni Anam na halos yumanig sa buong Kaboloan. Ilang sandali pa ay nadinig ko ang pagtakbo at paglipon ng ilang daang kabayo sa bawat sulok ng aming kalupaan. Gayon din ang ginawa ni Bagim. Hinipan niya ang tambuli at narinig ko ang pagsigaw ng mga mandirigmang malapit sa aming kinalalagyan.
 
Nagsitayuan ang aking mga balahibo nang matanaw ko ang aming hukbo. Bagama’t ang iba’y sugatan ay nawala ang pag-aalinlangan sa kanilang mga mukha nang makita nila ang kanilang mga pinuno.
 
“Patungo sa Hara!” dagundong ng dalawa.
 
Nais ko ring tumulong ngunit hindi pa bumabalik ang aking lakas. Sinubok kong tawaging muli ang kapangyarihan ng karagatan upang kahit papaano’y pigilin ang pagkalat ng apoy ngunit tila mayroong pumupigil dito.
 
“Ridge,” sambit ko. “Nais kong tumungo kay Urduja.”
Nanatili siyang walang imik at gumuhit sa kanyang mukha ang takot, ngunit marahan siyang tumango makalipas ang ilan pang sandali.
 
“Masusunod.”
 
Sakay ng kanyang kabayo ay nagtungo kami sa loob ng Kaboloan at sa tuwing may madaraanan kaming katawan ay tila dinudurog ang aking puso nang paulit-ulit. May ilan ding kawal ng Tundun ang nagtangkang pigilan kami ngunit bago pa sila makalapit ay dutsa ng mga palaso ang sumasalubong sa kanila.
 
Tiyak na iyon ang mga mamamana ng Agta. Ayon kay Raniag ay sa pagsikat lamang ng araw makararating ang kanilang hukbo, ganoon na rin ang mga mandirigma ng Sambal upang kami ay tulungan.
 
Pigil ang aking hininga nang makita ko ang kalagayan ng balay ng mga babaylan. Halos patalon na akong bumaba sa kabayo habang tumatakbo pa ito at rinig ko ang pagtawag ni Ridge ngunit isa lamang ang laman ng aking isipan sa kasalukuyan.
 
“Iliway!” tawag ko.
 
Tupok na ang bubungan nito at nagliliyab ang mga dingding. Iniwan ko roon si Iliway bago kami maglakbay ng ilang araw at hindi ko tiyak kung mayroon na siyang malay o kung nailigtas siya noong sumugod ang mga taga-Tundun. Isang impit na sigaw ang aking binitiwan nang maramdaman ko ang init ng apoy sa aking balat habang pilit na pinapasok ang balay.
 
Nabigo akong iligtas si Handiran. Hindi ko kakayanin kung pati si Iliway ay mawala sa akin.
 
“Sayi!” Nagulat na lamang ako nang hawak na ni Ridge ang aking kanang braso at bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. “Ano ang gagawin mo?”

“S-si Iliway . . .”
 
Isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan at tumungo ang kanyang tingin sa itaas ng Balay Parsua mula sa hindi kalayuan. Nakatayo roon ang isang babae habang mayroong hawak na pana at mga palaso at ginagabayan ang mga mandirigma sa paligid. Bagama’t mayroon pang mga bigkis ang kanyang braso at binti ay tila nasa maayos na siyang kalagayan kung ihahambing noong nilisan ko ang Kaboloan.
 
Nagtama ang aming paningin nang lumingon siya sa aming kinatatayuan. Ilang sandali kaming nagkatitigan at kahit walang salitang mamagitan ay batid kong alam na niya ang kinahinatnan ni Handiran, bilang katambal na gabay ng punong-babaylan.
 
“Apo Sayi,” tawag niya at ramdam ko ang bigat nito. “Kailangan ng Hara ng iyong tulong.”
 
***
 
Ilang sandali lamang ang nagdaan ngunit tila kaytagal na panahon ang lumipas sapagkat tumatakbo sa aking isipan ang lahat ng naganap sa nayon ng Namayan. Muli kaming nakasakay ni Ridge sa kanyang kabayo at tumungo sa kagubatan.
 
Hindi ko tiyak kung bakit ngunit unti-unti kong naramdaman ang pag-init ng aking katawan na kaiba sa pagdaloy ng kapangyarihan ng mga diyos at diyosa, Pagpasok sa masukal na gubat ay agad na napahinto ang kabayo. Nais nitong lumayo kaya’t agad kaming tumalon mula roon, hanggang sa tuluyan na itong tumakbo.
 
Napaawang ang aking bibig sa aming naabutan. Ang mga nagsisitaasang puno ay tinutupok na ng apoy. Ang luntiang kapaligiran ay naging kulay abo at kunig. Ang tanging pinanggagalingan ng buhay ay ang banal na puno na humihigop sa apoy sa palibot nito.
 
Sa hindi kalayuan ay naroon si Urduja at tila lumubog ang aking puso nang matanaw ko ang kanyang kalagayan. Nagniningning ang hilagyo ni Apo Init sa kanyang likuran ngunit nababalot na ng dugo ang kanyang mukha at katawan. Naroon din sina Bagim at Anam ngunit halos pagapang nang bumangon ang dalawa mula sa pagkakabagsak sa lupa.
 
Isang tingin pa lamang sa kanyang kalaban ay batid kong kakaiba siya sa lahat ng aming nakaharap. Bakas sa kanyang katawan ang ilang taong karanasan sa digmaan. Nababalot ang kanyang dibdib, mukha at braso ng samu’t saring palamuti at marka. Ngunit mas nadama ko ang takot nang makita ko ang kanyang mga mata. Inaasahan kong mabagsik ang mga iyon at walang bahid ng anumang kabutihan ngunit kawangis ito ng kay Urduja—malupit ngunit may tina ng kahabagan. Iyon ang mga mata ng isang pinunong mandirigma.
 
Sa kanyang tabi ay ang isa sa pinakamagandang babaeng aking nasilayan ngunit kaiba sa lakan ay malamig ang mga mata nito at tiyak akong iyon si Ilaya, ang natatanging babaylan ng Tundun. Kulay puti lamang ang kanyang mga mata, saliwa kay Bulan na sumasalamin sa dilim.
 
Tumindig ang aking mga balahibo nang matanaw ko ang magkawangis na marka ng katubigan sa kanilang dalawa. Nagliwanag ang kanilang mga hilagyo at doon ko napagtanto kung bakit walang sinuman ang nagtangkang humarap sa kaharian ng Tundun—sapagkat ang kanilang mga pinuno ang pintakasi nina Amanikable at Aman Sinaya, ang diyos at diyosa ng karagatan.
 
“Sisidlan,” sambit ni Lakan Gambang kahit nakatuon ang kanyang tingin kay Urduja.
 
Halos mapatalon ako nang marinig ko ang kanyang tinig ngunit pinanatili ko ang aking tindig. Maging si Urduja ay napalingon sa aking kinatatayuan at isang nakadudurog-pusong tanaw ang kanyang ibinigay.
 
“Ang huling sisidlan,” dagdag ni Ilaya at sumilay ang maliit na ngiti sa kanyang mga labi. “Kung inialay mo lamang ang iyong kapangyarihan sa Tundun ay hindi sasapit sa ganito ang inyong kadayangan.”
 
Naramdaman ko ang paglapit ni Ridge ngunit mabilis ko siyang tiningnan at nangausap sa kanyang mga mata. Kailangan siya ng mga gabay at iyon ang dapat niyang unahin.
 
Isang malalim na hininga ang aking pinakawalan at taimtim na tumawag kay Bulan. “At uulitin ko ang aking tugon. Isang pinuno lamang ang aking pagsisilbihan—ang aming Hara.”
 
Dahan-dahan akong tumungo sa kinalalagyan ni Urduja habang nakamasid sa bawat galaw nina Lakan Gambang at Ilaya, na tila hindi alintana ang aking pagdating.
 
Bigla na lamang dumagundong ang halakhak ng lakan at itinukod nito sa lupa ang kanyang kampilan at sibat.
 
“Tama ba ang aking nadinig, Ilaya?” tanong niya at isang mapanuyang ngiti ang ibinalik ng sisidlan.

“Tunay ngang mangmang ang sisidlan ng Kaboloan, lakan.” tugon niya.
 
Pilit tumayo si Urduja gamit ang kanyang kampilan at tumindig sa aking tabi. Dinig ko ang hapo niyang hininga at halos magkulay dugo na ang kanyang kasuotan.
 
“Huwag mong pagsalitaan nang masama ang aking gabay, lakan,” pagbabanta niya at isang malakas na pagtawa ang isinukli ni Lakan Gambang sa kanya.

“Kahiya-hiya ang iyong ipinamamalas, binukot,” diin niya, dahilan upang kumunot ang noo ni Urduja. “Sa pagpanaw ng iyong ama ay higit na humina ang kanyang nayon. Isa lamang patunay na hindi karapat-dapat ang tulad mo bilang pinuno ng anumang—”
 
Hindi na niya naituloy ang kanyang nais ipahayag sapagkat lumipad sa kanyang direksyon ang isang sibat. Sa bilis nito’y lahat kami ay nagitla, ngunit mas nanaig ang kanyang karanasan. Dumaplis lamang ito sa kanyang pisngi ngunit agad na nag-iba ang kanyang mukha at nawala ang ngiti sa kanyang mga labi.
 
Agad akong napatingin sa pinanggalingan noon at halos maglagablab sa galit ang mga mata ni Bagim, habang nakanda naman sa magkabila niyang gilid sina Anam at Ridge.
 
“Ilaya,” malagim niyang sambit at sa isang iglap ay nagdilim ang paligid.
 
Napasinghap na lamang ako nang matanaw ko ang ga-higanteng alon ng tubig nang itaas ni Ilaya ang kanyang mga kamay. Agad kong tinawag ang hilagyo ni Apo Angalo sapagkat siya lamang ang naiisip kong makapipigil nito ngunit tila isang malaking tipak ng lupa ang dumagan sa aking mga balikat nang sinubok kong gamitin ang kanyang kapangyarihan.
 
Isang nakabibinging sigaw ang aking pinakawalan at lalong nagdilim ang kapaligiran. Sa muling pagmulat ng aking mga mata’y mayroon nang nakaharang na tila talampas sa palibot ng kagubatan, dahilan upang hindi tuluyang malamon ng karagatan ang aming nayon.
 
Muling bumalik ang saya sa mukha ng lakan habang nakatingin sa akin nang may pagmangha.
 
“Muli, sisidlan, isang kasayangan na hindi magamit sa dakilang adhikain ang iyong kakayahan,” aniya.
 
Kumunot ang aking noo sa kanyang winika. Dakilang adhikain?
 
“Dakilang adhikain?” tanong ni Urduja at ramdam ko ang poot sa kanyang tinig. “Ang ibig mo bang sabihin ay ang pagsakop sa mga karatig-nayon nang walang awa? Ang pagpaslang sa mga walang labang mamamayan?”
 
Kanina lamang ay unti-unti nang naglalaho ang hilagyo ni Apo Init sa kanyang likuran ngunit muli itong nagliwanag.
 
Ngumiti lamang ang lakan. “Kung iyon ang nararapat kong gawin upang pagbuklurin ang mga kapuluan.”
 
Natahimik ang lahat sa kanyang tinuran. Ang kanyang dakilang adhikain ay kawangis ng kay Urduja at sa kanyang ama—ang pagbubuklod ng mga kaharian upang maging isang bayan.
 
“Iyon din ang dahilan, binukot, kung bakit nagkaroon ng hidwaan ang Tundun at Kaboloan,” dagdag niya. “Iisa lamang ang aming hangarin ni Datu Urang, ngunit nais niyang magtaguyod ng mga bayang may pantay na kapangyarihan ang lahat.”

“At iyon ang nararapat,” ani ni Urduja.

Umismid lamang ang lakan. “Sa tingin mo ba ay hindi mag-aasam na magkaroon ng higit pang kapangyarihan at sakop ang ilan sa mga pinuno? Hindi kailanman malulugod sa kung ano lang ang mayroon ang sangkatauhan. Pagkat likas sa tao ang mag-asam ng higit pa. Higit na yaman. Higit na lakas. Higit na kapangyarihan.”


“Nagawa ko ang nais ni ama. Isang kadayangang pantay ang mga Karapatan at—”


“Pantay?” halakhak niya. “Hindi ba’t ikaw ang itinuturing na hara? At nakatitiyak ka bang hindi magtataksil ang ilan sa iyong nasasakupan? Buo ba ang tiwala mo sa nayon ng Samtoy? Sa Idjang?”

 
Hindi agad nakasagot si Urduja, dahilan upang lalong lumapad ang ngiti sa mukha ng lakan.
 
“Tunay ngang paslit ka pa sa pamumuno, binukot. Tanging lakas at takot lamang ang makapagpapasunod sa mga nayong iyon. At ako lamang ang may kakayahang pagbuklurin ang mga iyon sa lalong madaling panahon. Kailangan ng kapuluan ng isang pinuno sa luklukan na kayang pamunuan ang kalahatan sa pagdating ng nalalapit na digmaan.”

“Hindi ba’t digmaan na ang iyong sinimulan?” saad ni Urduja. “Ano pang digmaan ang nais mong masaksikan?”

 
Nagdilim ang kanyang mukha, maging ang kay Ilaya.
 
“Isang malagim na pangitain ang binitiwan ng nakaraang sisidlan,” wika ni Ilaya. “Digmaang sisimulan ng mga banyaga sa loob ng mahabang panahon sa ating kalupaan.”
 
Agad kaming nagkatinginan ni Ridge sapagkat batid namin ang kanyang nais iparating. Ito ang pagdating ng mga Kastila sa Pilipinas. Ngunit mahigit isandaang taon pa ang lilipas mula sa panahong ito bago iyon mangyari.
 
“Maagapan ang pananakop ng mga banyaga kung mayroong makapangyarihang pinuno at sisidlan ang mananatili sa luklukan na may kakayahang pamunuan at pagbuklurin ang mga karatig-kapuluan.”
 
Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa aming lahat habang pilit sinusukbo sa isipin ang mga salitang kanyang binitiwan. Marahang nagbitiw ng malalim na hininga si Urduja at hinugot ang kanyang dalawang kampilan mula sa lupa.
 
“Kung gayon ay mas kinakailangan kong supilin ang inyong hukbo,” sambit niya at unti-unting nabalot ng liwanag ang kanyang katawan, habang naglalagablab na apoy ang sumaklaw sa kanyang mga kampilan. “Sapagkat mas manganganib ang kapuluang ito sa iyong pamumuno.”
 
Gayon din ang ginawa ng lakan at tila naging anyo ng tubig ang kanyang kampilan. “Isa lamang ang iyong kahihinatnan, binukot, at iyon ay ang pagsunod sa yapak ng iyong ama at kapatid—kamatayan.”
 
At kasabay ng dagundong ng dalawang pinuno ay ang ang paglangitngit ng kalikasan at ang pagbagsak ng Kaboloan. Ito ang hudyat ng mga diyos at diyosa sa pagpili ng nararapat sa luklukan. ​
​

<< Kabanata 40
Kabanata 42 >>

Comments
comments powered by Disqus
    Picture
    back to babaylan page

    Archives

    March 2021
    February 2021
    November 2020
    September 2020
    August 2020
    June 2020
    May 2020
    April 2020
    March 2020
    February 2020
    January 2020
    December 2019
    October 2019
    August 2019
    July 2019

    Categories

    All

Powered by Create your own unique website with customizable templates.
  • Home
  • About
  • Stories
    • Standalone Stories >
      • Novels
      • Novellas
    • Serialized Novels
    • Epistolary
    • Compilations
    • Ongoing
    • Completed
  • Blog
  • Message Board
  • News
  • Downloads